Buong lakas niyang itinulak ang lalaki. Kasinggulo ng utak niya ang nararamdaman ng kanyang puso. Feeling niya, lalo lang siyang magkakasala kung mananatili siya roon. Ayaw man niyang aminin, naapektuhan siya sa halik ni Lance. At maling-mali ang nararamdaman niyang iyon. She was supposed to be Vince’s wife. Hindi niya dapat ginagawa ang mga bagay na iyon, lalong lalo na’t magkapatid ang dalawang lalaki. Lalo lang magiging komplikado ang sitwasyon.
“Ma’am Katrina? Sir Lance?”
Muli nilang narinig ang boses ni Manang Petra. Muling sumulyap si Marissa kay Lance. Nakatitig pa rin ito sa kanya. Mabilis siyang lumabas ng kuwarto.
Sa main door ay nakita niyang nakatayo si Manang Petra, may bitbit na basket.
“Ma’am!” bati ng matanda sa kanya. “May dala po akong puto at suman para po sa merienda ninyo ni Sir.”
Napatingin si Marissa sa basket. Mukhang masarap nga ang mga iyon. Kaso, mukhang hindi siya matutunawan kung kakain siya ngayon, lalo na’t makakasalo niya si Lance.
“Ah, Manang, nasa loob si Sir Lance mo. Baka gusto niyang kumain. Hindi kasi ako gutom.” Pagkasabi niyon ay paika-ika niyang nilampasan ang matanda.
“Ma’am, saan po kayo pupunta? Hindi ho ba dapat ipahinga n’yo ang pilay n’yo?”
Napatingin si Marissa sa paa niyang may pilay. Muli niyang naalala na si Lance ang nagbenda niyon. Agad uminit ang mga pisngi niya.
Ano ba’ng ginagawa mo sa akin, Lance?!
Ipinilig niya ang ulo at hinarap si Manang Petra. “Hindi po ako lalayo. Lalanghap lang po ng sariwang hangin.” Iyon lang at iniwan na niya ang matanda.
Pinilit niyang huwag itapak nang mariin ang paa niyang may pilay habang naglalakad patungo sa isang bench. Mga ilang metro din ang layo ng bench sa bahay. Tama lang para magkaroon siya ng oras na mapag-isa at isipin ang nangyari sa kanila ni Lance.
Nang makaupo ay nakaramdam si Marissa ng kaunting ginhawa. Ngayong malayo siya kay Lance ay mas klaro na ang isip niya. She shouldn’t have allowed him to kiss her. Kaya naman mamaya, paprangkahin na niya ito. Kung anuman ang nais nito sa kanya ay hindi puwede. At isang kalokohan ang gustuhin siya nito sa ganoong kaikling oras. Parang kailan lang ay galit ito sa kanya. Pagkatapos ngayon, bigla na lang siyang “aangkinin.” If he’s up to something, hindi niya ito hahayaang magtagumpay.
Nakaupo pa rin doon si Marissa at nag-iisip nang maagaw ang atensiyon niya ng kung anong gumagalaw sa may damuhan. Tinitigan niya iyon at hinintay na magpakita. At ganoon na lang ang pagkabigla niya nang makita ang isang mahaba at maitim na hayop na gumagapang sa lupa.
“A-ahas? Ahas!”
Gusto niyang tumakbo pero hindi siya makagalaw sa kinauupuan. Magkakahalong takot, gulat, at pagkataranta ang nararamdaman niya. Takot siya sa ahas. Nanunuklaw iyon, plus venomous pa. Paano na lang kung makamandag iyon at tuklawin siya? Matetegi siyang virgin!
“Tulong! Tulungan n’yo ako!”
Sa di-kalayuan ay nakita ni Marissa na tumatakbo si Lance palapit sa kanya. Sa sobrang relief na naramdaman ay superhero na yata ang tingin niya sa binata. Kahit pa hindi siya komportableng makasama ang lalaki ay mas gugustuhin na niya iyon kaysa matuklaw ng ahas.
“Ayos ka lang?” may bahid ng pag-aalala na tanong nito.
Itinuro niya ang ahas na malapit na sa kanya.
Tumingin doon si Lance. “Don’t move. Cobra `yan.”
Natigagal siya. Para siyang tinakasan ng kaluluwa sa sobrang takot. Hindi ba’t nakamamatay ang kagat ng cobra?
“L-Lance… b-baka mamatay ako `pag nakagat ako niyan.”
“Hindi ka mamamatay. Basta makinig ka lang nang mabuti sa akin.” He looked into her eyes. “Don’t fucking move.”
Kahit nanginginig sa takot ay sinunod niya si Lance. Nasa mga kamay nito ang buhay niya. Wala siyang choice kundi ang magtiwala rito.
Narinig niyang inutusan ni Lance si Manang Petra—na nakasunod pala rito—na tawagin ang isang nagngangalang Carding. Hindi niya nakilala sa farm ang lalaki, pero kung sinuman ang taong iyon, he must be the answer to her problem.
Nagsisimula nang mangawit si Marissa sa kinauupuan, pero tiniis niya. Hindi siya puwedeng mapansin ng ahas dahil halos isang metro na lang ang layo niyon sa kanya. She was literally “isang tuklaw na lang.”
Naglaro sa isip niya ang mga posibleng mangyari kung makagat siya. She remembered neurotoxins about snake venom. Madalas, wala pang isang oras ay mahihirapan nang huminga ang isang natuklaw. Such a painful death. Iniisip pa lang niya ay nanginginig na siya.
“Katrina!”
Naririnig niya ang boses ni Lance, pero ang atensiyon niya ay nasa ahas. Pakiramdam niya, mahihimatay siya.
“Love! Look at me.”
Doon na siya natauhan. Did he just call her “love”? Ano iyon? Endearment? Baka naman nadala lang ito ng emosyon kaya natawag siya ng ganoon? At higit sa lahat, bakit ba hindi siya nainis?
OMG! Nagustuhan ba niya iyon?
Hoy, babae! Nasa bingit ka na ng panganib, iyan pa ang iniisip mo?
She shook her head, pero naalala niyang hindi pala siya dapat kumilos. She ended up following Lance’s order—to look at him.
She didn’t want to believe, pero nababasa niya ang takot sa mga mata nito. Pero tama ba siya, o ilusyon lang ang lahat? Na siya lang ang nag-iisip niyon? Dahil ba gusto niyang bumait ito sa kanya? O dahil gusto niyang paniwalaang “gusto” siya nito?
Pero nawala ang lahat ng mga iniisip niya nang makitang nag-angat ng ulo ang ahas. Iyong posisyong parang aatake na ito.
“L-Lance…”
“Don’t move, please…”
She didn’t know how long she had been sitting there. Nakita na lang niya ang isang lalaki na may hawak na metal stick na may kurba sa dulo at kinuha ang ahas palayo sa kanya. Inilagay ang ahas sa loob ng isang sako. Pero kahit tapos na ang lahat ay parang naestatwa pa rin siya.
Nabalik lang ang huwisyo niya nang maramdaman ang isang pares ng brasong pumulupot sa kanya. It was Lance. Nakatitig ito sa kanyang mukha.
“Ayos ka lang?” tanong ng binata.
It was all she needed to get her senses back. Kaya pinilit niyang kumawala mula sa mga bisig nito. Parang hindi tamang nakayakap ang lalaki sa kanya habang may mga empleyado ng farm sa paligid nila. Ano na lang ang iisipin ng mga ito?
“O-okay lang ako, Lance. Salamat sa pagtulong sa akin,” sabi niya at kumawala sa mga bisig nito.
“Hindi ka ba nakagat?”
Umiling siya. “Hindi. Ayos lang talaga ako.”
“Mabuti naman,” sabi nito at akmang lalapitan uli siya, pero mabilis siyang umiwas.
Kumunot ang noo ni Lance sa iniakto niya, pero hindi na niya ito pinansin. Ibinaling na lang niya ang tingin kay Manang Petra.
“Sana mahuli na rin ang iba pang mga ahas sa farm. Baka may makagat pa sila,” sabi ni Marissa.
“Paminsan-minsan, may naliligaw talaga ritong ahas. I’ll see to it na hindi na ito mauulit,” sagot ni Lance.
Hindi na niya ito nilingon. Ewan ba niya, parang hindi ito masaya dahil sa pag-iwas niya.
“`Buti kung gano’n. Baka kasi sa susunod, ang mga kliyente pa ang makagat. Nag-aalala ako para sa farm.”
“Tama po kayo, Ma’am Katrina. Pero hindi naman po ito madalas mangyari. Hindi naman laging may ahas dito sa farm,” sabi ni Manang Petra.
Bahagyang lumapit si Lance sa kanya. “Takot ka pala talaga sa ahas, Katrina?”
Katrina? Nasaan na ang “love”?
“Siyempre. Kahit sino, takot sa ahas,” sagot niya.
“Sa lahat ng klase ng ahas?”
“Oo. Sa lahat.”
Ngumisi ito. “Hindi naman kasi lahat ng ahas, nangangagat. May iba na behave lang at maamo. Dapat alam n’yo `yan, kayong mga may asawa na.”
“Ah, `yong ahas po ba na nakakatuwa `pag nagagalit?” Humagikgik si Manang Petra.
Ahas na nakakatuwa kapag nagagalit at ang nakakaalam lang ay iyong mga may asawa na? Meron ba niyon?
Holy crap! These people were teasing her.
“E-ewan ko sa inyo.”
Nahuli ni Marissa na nakangisi si Lance habang papalapit sa kanya. Iiwas sana siya nang bumulong ito.
“It’s cute when you’re blushing. But don’t act too innocent. I know deep inside you, you feel it. You want me. Just as much as I want you… love.”