HINDI mapakali si Marissa sa narinig mula kay Ma’am Betty. Nasa kusina na siya at naghahanda ng merienda para kay Keith. Katatapos lang silang i-check up ni Keith nang biglang tumawag ang police station. Iniimbitahan siya para makuhanan ng statement tungkol sa nangyaring aksidente.
Pero ayaw niyang pumunta!
Sino ba namang bubuwit ang gustong pumasok sa bahay ng mga leon?
Natatakot siya na kapag tumapak sa presinto ay makikilala siya ng mga pulis. Siguradong may picture ang mga ito ng wanted na si Marissa Oliver. Baka hindi na siya makalabas pa kapag nangyari iyon.
Pero paano anong palusot ang sasabihin niya kay Ma’am Betty? Wala na siyang puwedeng idahilan pa. Mabuti na ang pakiramdam niya. Hindi na siya tulad noong nasa ospital pa.
Napabuntong-hininga siya. Agad niyang inayos ang sarili nang makitang pumasok sa kusina si Keith.
“Nagugutom ka na ba? Sorry, medyo natagalan,” sabi niya at agad tinapos ang paggawa ng sandwich. Inilagay niya iyon sa plato.
“Ayos ka lang ba, Katrina?” tanong nito. Talagang doktor ito dahil sa talas ng pandama.
Agad siyang tumango. “O-oo naman. Teka, gusto mo ba ng juice?” Akmang magbubukas siya ng refrigerator nang hawakan siya ni Keith sa balikat.
“Nag-aalala ka ba sa pagpunta sa presinto?”
Hindi na lang ipinahalata ni Marissa ang nararamdaman. “Uhm… medyo. Kasi naman, hindi ako sanay na makipag-usap sa mga pulis. Ayoko na ring maalala ang nangyari.”
“You mean sa inyo ni Vince?”
“Ha? Ah, oo. Sa amin ni Vince.” Tsk! Bakit ko ba nakalimutan ang “asawa” ko?
Hindi rin naman kasi niya masisisi ang sarili. Makakaharap niya ang mga taong tinatakbuhan niya.
“I think dapat mo na silang kausapin ngayon. The police, I mean. They’re just doing their job. At tayo bilang citizens ay responsibilidad na tulungan sila.”
Keith always made it easy for her, kahit noong nasa ospital pa siya. Pero parang hindi pa rin niya kaya.
“Do I really have to go?”
“I think you should. At para hindi ka kabahan, sasamahan kita.”
Gumaan ang loob ni Marissa dahil sa suporta ni Keith. Kung kasama nga naman niya ito, siguradong magiging mas kapani-paniwalang siya nga si Katrina.
“Thanks, Keith. Mas gagaan nga ang pakiramdam ko kung sasamahan mo ako.”
Ngumiti ito. “Ang sinumang mahalaga kay Vince ay mahalaga na rin sa akin. He’s like a brother to me.”
“Salamat, Keith. I really appreciate it.” Kinuha ni Marissa ang plato ng sandwich at inilapag iyon sa harap ng binata. “Kahit ito man lang ay magawa ko bilang pasasalamat sa `yo.”
“They look good,” sabi nito, sabay kuha ng isang sandwich.
Tinungo naman niya ang fridge para kumuha ng juice. Nagsalin siya niyon sa baso at saka inialok sa binata. Hindi niya napansin na nasa tabi na pala niya ang lalaki kaya natamaan ng baso ang kamay nito. Natapunan ng juice ang damit ng doktor.
“Oh, my… Sorry!” Agad siyang kumuha ng hand towels at pinunasan si Keith. Namantsahan tuloy ng orange ang suot nitong white polo shirt.
“Okay lang, Katrina. Wala ito. May extra akong shirt sa kotse.”
“Pero kasalanan ko. Sorry talaga.” Patuloy si Marissa sa pagpunas sa damit ni Keith nang may tumikhim mula sa may pinto. Dahil matangkad si Keith ay kailangan pa niyang iangat ang ulo para makita kung sino iyon.
Shit! Ang kampon ng dilim na si Lance! Ano naman ang ginagawa nito roon? Nag-eespiya?
Naglakad si Lance papasok sa kusina. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanya at kay Keith. “Ano’ng meron dito?” walang kagatol-gatol na tanong nito.
“Natapunan ni Katrina ng juice ang shirt ko, pare. Pero okay lang naman.” Si Keith ang unang nagsalita. Kinuha nito ang pamunas mula sa kamay niya.
Tinapunan siya ng tingin ni Lance. “Oh, really?”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Wala kaming ginagawang masama, Lance.”
Tumawa ito. “Wala akong sinabing may ginagawa kayong masama. Masyado kang defensive.”
“Hindi ako defensive!”
“Whatever.” Iyon lang at dinaanan lang sila. Binuksan nito ang refrigerator at kumuha ng bottled water. Pagkatapos ay nagpaalam na kay Keith. Pero sa kanya ay hindi. Lance just looked at her and shook his head.
Ugh! Nakakapanginig ito ng laman. Wala na itong ginawa kundi ang buwisitin siya.
SUOT ang magandang dilaw na sundress na pinaresan ng puting sandalyas ay tumayo si Marissa sa harap ng malaking salamin sa loob ng kanyang silid. Pilit niyang hinanap sa kanyang repleksiyon ang nurse na Marissa na wanted ng mga pulis. Thank God, she can’t see any trace of her old self. Ibang-iba na ang hitsura niya. Kahit nahirapan siya sa pagsunod sa makeup tutorial sa YouTube ay maganda naman ang kinalabasan. Siya mismo ay halos hindi rin makilala ang sarili.
Naalis ang atensyon niya sa salamin nang may kumatok sa pinto. Si Lagring iyon kaya pinapasok niya.
Unang tingin pa lang nito sa kanya ay agad nang pumalakpak sa tuwa.
“Wow! Ang ganda mo, Ma’am Katrina! As in super ganda!” bulalas nito. Walang bakas ng pagsisinungaling ang mukha.
“Talaga?”
“Opo!”
Nakaramdam ng tuwa si Marissa dahil sa papuring natanggap. Mukhang iba na nga ang hitsura niya kaysa sa dati. Kahit paano ay nagkaroon siya ng confidence na hindi na siya makikilala pa ng mga pulis.
“Ah, ano nga pala ang sadya mo rito?” tanong niya sa kawaksi.
“Ay! Nakalimutan ko tuloy ang sadya ko. Ang ganda n’yo kasi! Pinapunta po pala ako rito ni Ma’am Betty. Aalis na raw po kayo papunta sa presinto,” sabi ni Lagring.
Huminga siya nang malalim at saka tumango. Mukhang wala nang atrasan. She had to face them now.
Kasunod si Lagring ay naglakad na siya palabas ng kuwarto. Mula sa itaas ng hagdan ay nakita niya si Ma’am Betty na nakaupo sa sofa sa ibaba, kausap si Keith sa katabing upuan.
She gathered all her strength and walked down the staircase. Doon na siya napansin ng dalawa. What amused her was that both Ma’am Betty and Keith looked surprised. Nagandahan din kaya ang dalawa sa kanya?
Nasa huling baitang na si Marissa nang tumayo si Keith at lumapit sa kanya. He offered her his hand. Kahit kaya naman niyang bumaba mag-isa ay tinanggap na rin niya ang kamay nito. Parang hindi magandang tanggihan niya ang pagiging gentleman nito.
“You look great,” bulong sa kanya ng doktor habang naglalakad sila palapit kay Ma’am Betty.
Tipid siyang ngumiti at nagpasalamat sa binata. Si Ma’am Betty naman ay malapad ang ngiting sinalubong siya.
“Ang ganda mo, hija.”
Sinuklian niya ang ginang ng matamis na ngiti. “Salamat po, Mama Betty. Pero mas nagpapasalamat po ako dahil sa suporta ninyo sa akin.”
“Siyempre, sino pa ba ang magtutulungan kundi tayong magkakapamilya?”
Bahagyang kinurot ang puso ni Marissa nang marinig ang salitang pamilya. Naalala kasi niya ang kanyang ina at kapatid. Kausap niya ang mga ito kagabi gamit ang bagong cell phone na binili niya. Hindi na niya natanggihan ang pangungulit ni Ma’am Betty na bumili siya ng cell phone. Dual SIM ang cell phone na nabili niya kaya ang isang SIM niyon ang exclusive niyang pangkontak sa pamilya. Kung gaano siya nag-aalala para sa mga ito ay ganoon din ang pag-aalala ng pamilya niya sa kanya. Natatakot ang mga ito para sa kaligtasan niya. Pero tulad ng una niyang desisyon ay hindi siya susuko. Wala siyang planong magpakulong sa kasalanang hindi naman niya ginawa.
Naglalakad na sila palabas ng bahay nang makita si Lance na nakatayo sa tabi ng kotse. Nakita niya ang bahagyang paglaki ng mga mata nito.
Tama ba ang nakikita niya? Nagulat ito sa bago niyang ayos?
Baka nagandahan?
Gustong matawa ni Marissa sa naisip. Of course, hindi magagandahan ang isang tulad ni Lance sa isang kagaya niya. He hated her.
Hindi na lang niya ito pinansin. Sumakay na siya sa kotse ni Keith. Si Ma’am Betty naman ay pumasok na rin sa sasakyan na minamaneho ng anak nito.
Hindi kalayuan ang presinto pero pakiramdam ni Marissa ay milya-milya ang kanilang ibiniyahe. Nagdasal siya nang taimtim, hanggang sa maramdamang tumigil ang kotse. Nasa harap na pala sila ng presinto.
Alam naman niya ang ibig sabihin ng “connections,” pero nang makita niya kung paano estimahin ng mga pulis ang kapapasok lang na si Ma’am Betty ay na-realize niyang maykaya at kapangyarihan talaga ang mga Santiago sa San Vicente. Everyone knew the old lady, even Lance, who was seated beside his mother. Maayos na maayos ang pagtanggap ng mga pulis sa mga ito.
Marissa, on the other hand, tried to hide her anxiety. Ngumiti siya kahit pa nangangatog ang mga tuhod. Mabuti na lang at katabi niya sina Ma’am Betty at Keith. Kahit paano ay nababawasan ang kaba niya.
Tinanong siya ng mga pulis ng mga tungkol sa biyahe. At para maging safe siya ay sinabi na lang niya na tulog siya noong mga oras na iyon. Na wala siyang maalala kung paano nangyari ang aksidente.
Ang sabi ng mga pulis ay may posibilidad na sinadya ang pagkakaaksidente ng bus kaya nila pilit tinatanong ang bawat pasahero.
Sandaling napalitan ng awa ang takot sa puso ni Marissa. Kung totoo mang sinadya ang pagkakaaksidente nila, maraming nadamay dahil lang sa galit ng ibang tao. Hindi niya lubos maisip na may mga taong sinasadyang manakit ng iba para lang sa pansariling hangarin.
Kinausap pa siya ng imbestigador na si Inspector Diaz, pero halos wala na rin itong mapiga sa kanya. She kept insisting that she was asleep at that time. Kaya naman hindi na rin nagtagal ang pagtatanong.
“Condolence po uli sa inyo, Mrs. Santiago,” sabi ni Inspector Diaz pagkatapos ng ilang katanungan. Inilahad nito sa kanya ang kamay na tinanggap naman niya.
“Salamat po.”
“Natutuwa po ako na ligtas kayo at mukhang unti-unti nang nakakabangon mula sa trahedya,” dagdag pa nito.
Kahit mabuti ang intensiyon ng pulis sa pagsasabi niyon ay sandali siyang napaisip. Hindi kaya masyado siyang nagpaganda at hindi na mukhang nagluluksa kaya nito nasabing nakakabangon na siya? Was she not an image of a mourning widow?
Naputol ang pag-iisip ni Marissa nang magsalita si Lance. OMG! Ni hindi niya alam na nasa malapit lang pala ito.
“Hindi n’yo lang alam, Inspector, umiiyak pa rin ang asawa ng kapatid ko. Napakauliran kasing asawa nitong si Katrina. Sobrang bait. Hindi siya nagpakasal dahil may pera ang kapatid ko. Talagang nagmamahalan sila.”
Oh, how she wanted to kick Lance on his balls. Masyado itong nagtutunog-sarcastic. Kaya naman tinapunan niya ito ng matalim na tingin.
Pero hindi na siya nagulat nang makitang tumaas ang isang sulok ng mga labi nito. She was sure he was playing games with her.
Pero hindi na lang niya ito pinansin. Nilasap na lang niya ang tagumpay na hindi siya nakilala ng mga pulis.
Nang marating nila ang kotse ay naramdaman niyang hinawakan siya ni Ma’am Betty sa kamay. “Okay ka lang ba?”
Ngumiti siya at tumango. “Okay lang po ako.”
“Mabuti naman. Alam ko, nasasaktan ka pa rin sa pagkawala ni Vince. Hindi ko alam ang tungkol sa sinabi ni Lance, kaya gusto kong malaman mo na nandito lang kami, handang umalalay. Hindi pa man natin tuluyang natatanggap ang nangyari, pero ang buhay ay masyadong maikli para laging umiyak. Maski si Vince ay ayaw na makitang nagpapakalunod tayo sa kalungkutan.”
Napakasarap pakinggan ng mga sinabi ni Ma’am Betty. Damn! She was feeling guilty again. Kaya wala siyang masabi kundi isang pasasalamat.
“So let’s go home?” sabi ni Ma’am Betty. Itinuro nito ang kotse kung saan nakaupo na si Lance at handa nang magmaneho.
“Uhm… kay Keith na lang po ako sasabay,” sabi ni Marissa.
Nakita niyang umiiling at sarcastic na ngumiti si Lance.
Ugh! Grabe na talaga ito!
“Pero, hija, hindi ba may trabaho pa si Keith sa ospital? Nakakahiya naman kung sa kanya ka pa magpapahatid. Sa amin ka na lang sumakay.”
Kahit saang anggulo tingnan ay tama talaga si Ma’am Betty. Kaya nagpaalam siya kay Keith. Sumang-ayon naman ito at ngumiti pa nang matamis sa kanya.
Ilang sandali pa ay nasa kalsada na sila. Katabi niya si Ma’am Betty sa backseat habang si Lance ay nagmamaneho.
“Alam mo, hija, tutal, wala ka namang ginagawa masyado sa bahay, naisip kong bakit hindi ka pumunta sa farm? Para makita mo naman ang mga alaga namin doon.”
Agad siyang nagkainteres sa sinabi ng ginang. Farm? Masarap sigurado ang hangin doon. Agad siyang nakaramdam ng excitement.
“Sige po, `Ma. Kailan po tayo aalis?” agad niyang tanong.
“Naku! Hindi ako ang kasama mo.”
“H-ho? Pero bakit hindi kayo sasama?” Napatingin si Marissa sa rearview mirror kung saan eksaktong nakatingin din pala sa kanya si Lance. There was no surprise in his eyes. All she could see was wicked smile. Agad siyang kinutuban.
“Naku, hija. Ayos lang ako sa bahay. Masyadong mahaba ang biyahe kaya ayokong nagpupunta na masyado roon.”
“Ah, gano’n po ba? Uhm, kung gano’n po, saka na lang po ako pupunta roon kung pupunta na kayo.”
“Aba’y hindi na kailangang hintayin pa kung kailan ako magpupunta roon. May sasama naman sa `yo.”
Shems! Parang alam na niya kung sino ang tinutukoy ni Ma’am Betty. “Uhm… sino po?”
“Ako,” walang kagatol-gatol na sagot ni Lance. Nakatingin uli ito sa kanya sa rearview mirror, still wearing his wicked smile.
Sabi na nga ba!
“Katrina, hija, sa kanya mismo galing ang ideyang ipasyal ka roon. He can tour you around the farm. He’s the best person na magga-guide sa `yo dahil siya naman na ang namamahala roon.”
“Uhm… huwag na po muna siguro—”
“Tinatanggihan mo ba si Mama?” sabi ni Lance na mukhang pinapalabas pa na sumusuway siya.
“Hindi naman sa gano’n. Kaya lang—”
“Sige na, Katrina. Sumama ka na kay Lance next week. He’ll take care of you,” malambing na sabi ni Ma’am Betty.
Muli siyang sumulyap sa rearview mirror. There was Lance again, looking at her. Smirking.
Ugh!
“Huwag kang mag-alala. Tama si Mama, I’ll take good care of you, my dear sister-in-law,” nakangising sabi ng kampon ng dilim na binigyang-diin pa ang mga huling salita.
Hindi! Hindi sila puwedeng magkasama ni Lance. God knows what would happen kung maiiwan siya sa kamay ng walang pusong lalaking ito!
I won’t go! Over my dead body!