ALAS-SAIS pa lang ay nasa kusina na si Marissa, tinutulungan ang tagaluto para maghanda ng agahan. Sa una ay ayaw pa ng mga ito na tumulong siya, pero sa huli ay wala ring nagawa. Gusto niyang siya mismo ang maghanda sa mga kakainin ni Ma’am Betty. Siniguro niyang low fat and low salt ang mga iyon.

Ilang sandali ay pumasok na ang kasambahay na siyang tumawag sa kanya noong nakikinig siya sa pagpa-piano ni Lance.

“Ma’am Katrina!” Inikutan siya nito na para bang nag-iinspeksiyon. “Okay lang po ba kayo?”

“Teka, teka…” Hinawakan niya ito sa braso. “Okay lang ako. Bakit ba?”

Bumuntong-hininga ang babae. “Kasi kanina, doon sa dulong kuwarto, eh, nahuli kayo ni Sir Lance na nakikinig. Nag-aalala lang ako baka napahamak na kayo o ano?”

“Bakit? Nananakit ba si Lance tuwing may nakikinig sa pagpapiano niya?”

Malakas na umiling ang kasambahay. “Hindi po! Hindi naman po gano’n si Sir Lance. Kaso, ayaw na ayaw niya pong may nagpupunta roon, lalo na iyong nakikinig tuwing nagpa-piano siya.”

Kaya pala ganoon na lang ang reaksiyon ni Lance nang mahuli siyang nakikinig kanina.

“Bakit ba siya gano’n? Teka, ano nga ba ang pangalan mo?”

“Lagring po.”

“Ah, Lagring, bakit ba ayaw niyang may nakikinig sa kanya, eh, ang galing nga niyang tumugtog? Akala ko nga, pianista talaga.”

“Naku! Pianista po talaga `yang si Sir. Bata pa lang po `yan, sobrang galing na. Kaso, bigla na lang tumigil sa pagpa-piano. Bigla na lang pong ayaw nang tumugtog pagkatapos ng aksidente. Ang nangyari kasi—”

“Lagring! Sshh!” pigil ng kusinera.

Umiling si Lagring. “Eh, hindi naman ibang tao si Ma’am Katrina, Minggay. Kapamilya na rin siya nina Ma’am Betty.”

Aksidente? May kinasangkutang aksidente si Lance?

“Kahit na,” sagot ni Minggay. “Hayaan nating si Ma’am Betty na lang ang magkuwento sa kanya.”

Umismid si Lagring bago tumango. “Oo na.” Bumaling ito sa kanya. “Pasensiya ka na, Ma’am Katrina. Hindi nga naman maganda na sa akin mo malalaman. Baka sesantehin ako ni Sir.” Pagkasabi niyon ay bumulong si Lagring sa kanya. “Basta, huwag na huwag na po kayong bumalik sa kuwartong iyon. Walang nakakapasok doon kundi si Sir Lance lang. Maski si Ma’am Betty ay hindi nagpupunta roon.”

Gustong-gusto nang itanong ni Marissa kung ano ang kuwento sa likod ng lahat ng mga iyon, pero ayaw naman niyang ilagay sa alanganin si Lagring. Kaya iwinaksi na lang niya ang kuryosidad.

Habang nag-aagahan ay kapansin-pansin ang pagbabalik ng sigla ni Ma’am Betty. Siya man ay nagulat sa malambing nitong pag-eestima sa kanila ni Lance.

Aktong iinumin na ni Lance ang kape nito nang pigilan ng ginang. “Mainit pa `yan, anak.”

Tumango si Lance at walang imik na ibinaba ang hawak na tasa.

Sa sobrang maalaga ni Mama Betty ay nagmumukhang hindi alam ni Lance kung ano ang mainit na kape. Pero senyales iyon na bumubuti na ang pakiramdam ng ginang.

Natapos ang agahan nang walang iringan na namagitan sa hapag. Na-appreciate ni Ma’am Betty ang pagkaing inihanda niya para dito.

Ibinigay ni Marissa kay Ma’am Betty ang mga gamot na dapat nitong inumin nang umagang iyon.

“Thank you, Katrina. Tumawag si Keith kanina at ikinuwento kung paano mo ako inalagaan kagabi. Maraming salamat, anak.”

Anak… Hindi niya maitatanggi ang labis na saya sa tinuran ni Ma’am Betty. Kahit paano ay nabawasan ang bigat ng kanyang konsiyensiya.

“Masaya rin po ako na bumuti na ang pakiramdam n’yo. You take care of your health. Mahirap na pong maulit ang nangyari kagabi.”

Ngumiti si Ma’am Betty. “You sound like Vince. Siyanga pala, dahil kailangan ko pang magpahingang mabuti, kayo na lang ni Lance ang aalis. Pupuntahan ninyo ang asawa mo. Hindi mo pa siya nadadalaw.”

So iyon pala ang pupuntahan nila na sinabi ni Lance kanina. Mabuti na rin iyon. Plano talaga niyang pumunta sa kung saanman nakahimlay si Vince para humingi ng patawad sa pagkukunwari niya.

Pagkalipas ng tatlumpung minuto ay sakay na sila ni Lance ng kotse nito. Inihatid sila ng tanaw ni Ma’am Betty habang kumakaway sa kanila.

Nakakagulat ang pagiging tahimik ni Lance mula pa kaninang agahan. Pero mabuti na rin iyon. Kaysa naman nagsasagutan sila.

Nang makarating sila sa columbarium ay itinuro sa kanya ni Lance kung saan nakalagak ang abo ni Vince. Naiwan si Lance sa kotse. Hintayin na lang daw siya nito roon. Malamang, binibigyan lang siya nito ng pagkakataong mapag-isa kasama si Vince.

Nag-alay si Marissa ng bulaklak at nagdasal. Humingi rin siya ng tawad sa pagnanakaw ng katauhan ni Katrina. Nangako rin siya na aayusin niya ang lahat. Na sasabihin niya ang totoo kina Ma’am Betty at Lance sa tamang panahon. Para na rin mahanap ang mga labî ni Katrina at maihimlay katabi ni Vince. Gagawin niya ang makakaya para maayos na ang lahat.

Kaunting panahon lang naman ang kailangan ko, Vince. Kaunting panahon lang para makahinga. Para na rin masuklian ko ang ginawang pag-aalaga sa akin ni Ma’am Betty. Pagkatapos ay aalis na ako. Ibabalik ko na sa ayos ang lahat.

Pagkatapos kausapin si Vince ay bumalik na si Marissa sa kotse ni Lance. Naabutan niya itong nakasandal sa pinto ng kotse habang may kausap sa cell phone. Ibinaba nito ang telepono nang makita siya.

“Tapos ka na?” tanong nito.

Tumango siya. “Salamat sa paghatid sa akin dito.”

“Wala `yon. Ang totoo nga, gusto ni Mama ay siya ang maghatid sa `yo, but I insisted. Sinabi kong kailangan niyang magpahinga.”

Ulirang anak?

Parang hindi ito ang Lance na nakilala niya kahapon. Ang Lance na kulang na lang ay lapain siya sa inis. Kanina rin ay hindi siya nakailag sa maiksi nitong pasensiya.

`Di bale na. At least, ngayon, walang gulo.

“Mabuti naman at inaalala mo si Mama Betty. May sakit siya, Lance. Kailangan niyang alagaang mabuti.”

“Alam ko. Kahit nagtatalo kami minsan, hindi ko siya pinapabayaan. Pero hindi iyon ang rason kung bakit kita sinamahan dito.”

Kunot ang noo na humarap siya sa lalaki. “Kung gano’n, bakit nga ikaw ang sumama sa akin?”

Ngumisi ito. “Simple lang. To see for myself the truth.”

Oh, no!

Mukhang mali ang hinala niyang bumabait na ito sa kanya. “Huwag mong sabihing may pinaplano ka kaya ikaw ang sumama sa akin dito?”

“Exactly. At alam mo kung ano ang gusto kong malaman?”

Agad kinutuban si Marissa. Hindi kaya alam na nito ang pagkukunwari niya at plano nitong masolo siya sa isang malayong lugar para walang tumulong sa kanya?

Baka ipapapulis ka na! Kailangan mong makatakas!

“K-kung may mga pagdududa ka sa akin, handa akong magpaliwanag. Basta huwag mo lang akong—”

“You’re a gold digger.”

“H-ha?”

“I know how a wife looks like when she lost her husband, Katrina. Nakita ko iyon noon kay Mama nang mamatay si Papa. And guess what? Hinding-hindi ko nakikita iyon sa mukha mo.”

Hindi alam ni Marissa kung relief o panibagong problema ang narinig niya mula kay Lance. Tama nga naman ito. Paano nito makikita sa mukha niya ang hitsura ng isang biyuda, eh, hindi naman siya ang totoong asawa ni Vince? She was just pretending.

“Lance…”

“Akala mo ba, maloloko mo ako? You can fool everyone but not me. And God, I swear I’ll unmask you.”

“Please, Lance. There’s no need for that.”

Lumapit si Lance sa kanya at hinawakan siya sa braso. “Kailangan `yon, Katrina. Dahil kailangan ko ring protektahan ang pinaghirapan ko. Marami akong isinakripisyo para lumago ang negosyo namin. Kaya wala akong balak na ipamigay iyon sa kung sinong babaeng pinakasalan ng kapatid ko.”

She knew Katrina. She saw her eyes sparkle looking at her husband. Sigurado siyang mahal na mahal nito si Vince. Ayaw niyang isipin ni Lance na isang gold digger ang napangasawa ni Vince.

“For God’s sake, hindi nagpakasal si Vince sa isang gold digger!” pagtatama ni Marissa.

Inilapit ni Lance ang mukha sa kanya. “Let’s just wait ang see, dear sister-in-law. I have my ways.” Binitiwan siya nito at agad binuksan ang pinto sa driver’s seat. Susunod na sana siyang sasakay, pero agad nitong pinaandar ang kotse at saka umabante.

Huminto naman iyon ilang dipa ang layo sa kanya.

Siraulo talaga ang taong ito!

Nilakad ni Marissa ang kinaroroonan ng kotse. Bubuksan na sana niya ang pinto nang bumaba ang tinted na bintana niyon. May iniabot ito sa kanya na isang manipis na plastic. Nang sipatin niya iyon ay nalaman niyang credit card.

“Ano ito?”

“Ipinabibigay ni Mama so you can start living like a princess.”

“Hindi ko kailangan `to!”

“Oh, you need that. Ano ang gagamitin mo para makauwi sa bahay?”

“Ano? Teka!”

Pinaandar na nito ang kotse at pinaharurot iyon palayo.

Oh, my God. Kaya pala hindi ito nagsasalita kanina ay dahil binabasa siya!

Ano na ngayon ang gagawin niya? Inilibot niya ang tingin sa paligid. Ilang metro pa ang lalakarin niya para makalabas sa lugar na iyon.

Damn it! Bakit ba nagkaroon ng kakambal si Vince na praning? Hindi na ito naawa sa kanya. Walang puso.

“Buwisit ka, Lance!”

Written by

Ysa Lee

Ysa Lee