HANAPIN ninyo! Huwag n’yong hayaang makatakas!”

Dinig na dinig ni Marissa ang malakas na sigaw ng apo ng may-ari ng mansiyon. Hinahanap siya.

Dala ng takot ay mas binilisan niya ang mga hakbang upang makatakas sa lugar na iyon. Hindi siya maaaring makita ng kahit na sino. Isusuplong lamang siya ng mga ito sa kapulisan at lalong masisira ang wasak na niyang buhay.

Balot ng pangamba ang puso ni Marissa, pero kailangan niyang magpakatatag. Ang mahalaga ngayon ay ang makalayo siya. Malayong-malayo sa mga taong nais siyang ikulong.

Hingal siyang napasandal sa delivery truck na nasa labas lang ng compound. Katatapos lang niyong maghatid ng mga prutas sa mansiyon nang hapon na iyon. Mabuti na lang at malaki ang sasakyan, puwede siyang magtago sa may gilid.

Pinapakalma pa niya ang kabadong dibdib nang marinig uli ang naghahanap sa kanya. Sa sobrang takot ay napasakay siya sa likod ng delivery truck at isiniksik ang sarili sa likod ng kahon ng mga prutas.

Nangangatog ang mga tuhod at nananalangin na hindi siya makita.

Hindi siya puwedeng makulong. Paano na lang ang pamilya niya? Ang kanyang ina? Ang kanyang kapatid?

Napadukot siya sa sariling bulsa. Kulang-kulang dalawang daan lang ang laman niyon. Naiwan kasi sa loob ng mansiyon ang kanyang wallet at cell phone.

Napamura si Marissa. Paano siya mabubuhay sa kakarampot na pera? Pero isinantabi muna niya ang problema. Ang mahalaga ay makaalis siya roon at makatakas.

Nasa kalagitnaan siya ng pag-iisip nang marinig ang paparating na sasakyan ng mga pulis. Pakiramdam niya ay tumalon ang puso niya palabas ng kanyang dibdib. Hindi niya mapigilan ang malakas na kabog niyon.

Taimtim siyang nanalangin na sana ay may milagrong mangyari. Na sana ay ilayo siya sa lugar na iyon.

Ganoon na lang ang pagkabigla niya nang unti-unting sumara ang dalawang malalaking pinto ng truck. Kasunod niyon ay ang pag-andar ng sasakyan palayo sa lugar.

Parang nabunutan ng tinik si Marissa. Hindi niya mailarawan ang ginhawang nararamdaman nang magawa niyang takasan ang mga humahabol sa kanya.

Dahil siya ay si Marissa Oliver.

Isang ulirang anak.

Isang magaling na ICU nurse.

Isang murder suspect.

Written by

Ysa Lee

Ysa Lee