“HOY, SAVANAH!”

Napabalikwas si Sav mula sa kamang hinihigaan. “Anak ng bahaw!” inis na anas niya sa kapitbahay na maagang nambubulabog sa bahay nila.

Mabigat ang mga paang tinungo niya ang hagdan pababa, salubong na ang mga kilay niya nang pagbuksan ng pinto ang kapitbahay na kulang na lang ay ipagiba sa mga tanod ang pinto nila sa ingay ng bunganga at pagkatok nito.

“Baka gusto n’yo nang magbayad ng upa? Lagpas due date na naman kayo,” nanlalaki ang matang bungad sa kanya ni Aling Deli, landlady ng maliit na bahay na inuupahan nila sa isang eskinita ng Lico sa Tondo.

Kinunutan niya ito ng noo. “Due date? Kailan?”

Ngalingali siya nitong sampalin ng malapad nitong kamay. “Ngayon!”

Awtomatikong pumatag ang kunot ni Sav sa noo. “Bakit sabi n’yo lagpas na? Saka kung makasigaw naman kayo, parang isang libong taon na kaming hindi nakakabayad.”

“Hay naku, Sav, ha! Magbayad na kayo ngayong araw. Hindi pa `ko nakakabayad sa mga buwan-buwan kong bayarin. Puputulan ko kayo ng kuryente kapag hindi pa kayo nakabayad! Libre na nga kuryente at tubig, `di pa kayo makabayad sa tamang oras!” malakas na talak nito bago tuluyang umalis.

Napabuntong-hininga si Sav. Buwan-buwan na bayarin? Lahat naman jumper, lihim niyang komento.

Babalik na sana siya sa kuwarto niya sa itaas nang mapansing wala sa bahay ang tatay at kuya niya. Tumingin siya sa lamesa at nakita ang dalawang pinggan na magkataob. Ipinagluto na siya ng almusal ng tatay niya, at nag-iwan ito ng bilin na nakasulat sa dilaw na post-it na nakadikit sa ibabaw ng nakataob na pinggan ng pagkain.

“Raket na naman,” salubong ang mga kilay na komento niya sa sulat ng ama. “Nasaan naman kaya si Kuya?”

“Pupunta raw siyang Pasay, mag-a-apply,” sagot ng kaibigan niyang si Remi. Nakapasok na pala ito sa bahay nila. “Aga-aga, simangot agad, `te?”

“Bastos ka, hindi ka man lang kumatok muna!” sigaw niya at napakunot-noo. “Paano mo naman nalaman na nagpunta ng Pasay si Kuya?”

Impit itong tumili. “Siyempre, megke-text keye keme,” maarteng sabi  nito habang inilalapag sa lamesa ang bag at folder na dala.

“`Landi mo,” natatawa namang komento ni Sav. Bumalik ang kunot sa noo niya nang mapansin ang formal attire nito. “Saan naman ang gala, bakla? Aga-aga, putok ang blush on mo.”

Nanlaki ang mga mata ni Remi at pumamaywang sa harapan niya. “Jusko, `te! Ano, nganga na naman `yang utak mo? Nakalimutan mo na naman ang chikahan natin kagabi sa kanto.”

Kagabi? Nasapo niya ang noo. Mag-a-apply nga pala sila ngayon ng trabaho. “Sorry, `te, nakalimutan ko!”

Si Savanah o Sav ay kilalang professional labandera sa Lico. Mula kasi nang mamatay ang ina niya ay siya na ang pumalit sa mga suki nitong nagpapalaba. Pero kailan lang ay hindi na sapat ang kinikita niya sa paglalaba para makatulong sa pang-araw-araw nilang pangangailangang mag-aama, kaya napilitan na siyang maghanap ng permanenteng trabaho na mapapasukan.

Umiling-iling si Remi. “Obvious naman, eh. Maligo ka na kaya, alas-siyete na! Walang nag-a-apply nang tanghali! `Kaloka ka.”

“Naku, Rem. Hindi pala ako puwede ngayon. Tatanggap ako ng labada. Baka sugurin na naman ako ni Aling Delisaurus kapag hindi pa kami nakapagbayad,” nakangusong paliwanag niya sa kaibigan.

“Labada na naman? Baka magkasakit ka pa niyan, Savanah. Sumama ka na lang sa `kin. May alam akong mauutangan—”

“Utang-na-loob, ayoko ng five-six! Hindi naman nakakatulong `yan, eh. Lalo kang lulubog sa utang diyan,” putol agad ni Sav sa suhestiyon ng kaibigan.

“Hindi five-six! Kay Mito. A-kinse ngayon kaya may pera `yon. Saka `di ba, crush ka n’on kahit negra ka?”

“Ang kapal talaga ng balat-kahoy mo,” ganting panlalait niya rito. “Ayoko ring manghiram kay Mito. Nakakahiya.”

“`Te, kainin mo muna `yang pride mo. Idudumi mo rin naman `yan bukas. Kaysa naman masugod na naman kayo ng pocket monster na landlady mo. At isa pa, mag-a-apply na rin naman tayo ng trabaho kaya makakabayad ka rin agad,” pagpupumilit ng kaibigan.

Napahugot na lang siya ng hininga. Kailangan niya na talagang magbayad ngayon dahil ayaw niyang problemahin pa iyon ng tatay niya pag-uwi. “Nasaan ba si Mito?”

“MITO, pangako babayaran ko agad `to kapag nakahanap na `ko ng trabaho,” nahihiyang sabi ni Sav sa kaibigang si Mito.

Ngumiti ito sa kanya. “Kahit huwag na, Sav.”

Sinundot ni Remi ang tagiliran niya. “Pag-ibig talaga, sadyang bulag minsan,” bulong nito na sinamahan pa ng pag-iling.

“True. Lalo na sa `yo, bulag ang kalalakihan. Kaya ka nga nilalagpasan, eh,” ganti niya.

Matagal na silang magkaibigan ni Remi. Mula pa noong high school ay magkasangga na sila. Magkasamang nakikipag-away at nare-report sa guidance office na magkasama rin nilang nilulusutan para hindi na umabot pa sa “bring parent” na kinatatakutan nila.

“Saan n’yo ba balak na mag-apply ngayon, Sav?” tanong ni Mito.

Kasalukuyan silang tumitingin ng mga lutong ulam sa kanto ng Blumentritt para sa tanghalian. Hindi na rin tumuloy si Remi sa lakad nila dahil pinilit niya itong samahan siyang kumausap kay Mito.

“Sa mga agency na nahanap namin sa JobStreet. Ang hirap naman kasi maghanap ng trabaho ngayon, lalo na kung high school graduate lang ang natapos mo,” iiling-iling na sagot ni Remi.

“College level naman kayo, `di ba?” tanong muli ni Mito.

“First year first sem lang kami parehas. Ang mahal kasi ng tuition kaya nag-stop na kami,” sagot naman ni Sav. “Ate, isa nga nitong monggo—”

“Monggo? Friday ba?” puna ni Remi.

“Oo, tange,” natatawang sagot niya. “Monggo lang sa `kin. Ako lang naman nasa bahay ngayon. Saka nagtitipid ako.”

“Libre ko na kayo,” singit ni Mito. “Ito na lang pork steak, Ate. Tatlo.”

“Ang suwerte talaga natin, may kapitbahay tayong guwapo at mabait,” pambobola ni Remi kay Mito.

“Salamat, ha? Nakakahiya tuloy. Inutangan ka na nga namin, inilibre mo pa kami ng ulam,” ani Sav, saka inabot ang binalot na ulam mula sa tindera.

“Maka-namin ka, ikaw lang naman nangutang,” kontra muli ni Remi.

“Magiging sister-in-law naman kita sa future kaya kasama ka na rin sa mga iniipon naming utang ni Kuya Nicolo.”

“Hala, grabe. Si Nicolo lang ang gusto ko, hindi pati utang n’yo, Sav!”

Tumawa si Mito sa palitan nila ng asaran ni Remi. “Bakit hindi n’yo na lang subukang mag-apply sa pinapasukan ko? Ang alam ko, hiring pa rin ngayon ang department namin.”

“Talaga? Ano ba’ng department mo?” namilog ang mga matang tanong nila.

“Utility maintenance,” sagot ni Mito. “Kung okay lang sa inyo, puwede kayong mag-apply na janitress. Maganda silang magpasahod at kumpleto pa ang benefits.”

“Sige!” pagpayag nila agad. “Anong kompanya ka ba?” tanong ni Sav.

“Samonte Construction.”

KANINA pa naghihintay si Wyatt sa dine in table ng Belgian Waffles sa SM San Lazaro, pero wala pa rin ang college buddy niyang si Migs. Tumawag ito sa kanya kaninang umaga para humingi ng professional advice sa town house na gusto nitong ipatayo sa Tagaytay. Gusto niya sana, sa Starbucks na lang maghintay. Pero kapag ganitong oras ay wala nang bakante na table for two doon.

Sinipat niya ang relo. Mahigit twenty-minutes na siyang naghihintay.

“Kuya, isang iced choco. On the rocks, ha? At saka dalawang cinnamon pie.”

Napalingon si Wyatt sa babaeng um-order. On the rocks? Ano `yon? Bloody Mary? kunot ang noong tanong niya sa isip at tinitigan ang babae. Sa sobrang lakas ng boses nito, sino ba naman ang hindi mapapatingin? Mas malakas pa yata ang boses nito sa signal ng Wi-Fi sa puwestong iyon ng mall.

Nang humarap sa kanya ang babae ay biglang kumabog ang dibdib niya, bagay na ipinagtaka niya kung bakit.

“Thank you!” ngiting-ngiti na sabi nito sa crew.

Ang lamesang katapat niya ang pinuwestuhan ng babae kaya naman kitang-kitang niya nang pagpatungin nito ang dalawang pie bago kagatan na halos kumalahati sa buong cinnamon pie. Pinigil niyang mapailing sa sunod-sunod na pagkagat nito.

Grabe naman `to, lihim niyang komento. Mabuti na lang, nakasuot siya ng aviator shades kaya hindi napapansin ng babae na nakatitig siya rito.

Naglabas ito ng maliit na notebook at ball pen mula sa bag at nagsimulang magsulat. Doon niya lang napansin ang isang malaking transparent plastic sa tabi nito na naglalaman ng sa tingin niya ay mga tinuping damit. Nagtaka siya kung para saan iyon, pero hindi na lang niya pinansin. Muli niyang ibinaling ang tingin sa seryosong mukha nito. Ilang sandali ay kumunot ang noo nito at biglang tumingin sa direksiyon niya. Agad naman siyang yumuko at nagkunwaring busy sa cell phone.

Nang alisin na ng babae ang tingin sa kanya ay saka niya ito muling pasimpleng pinagmasdan, mula sa nakakaaliw na mannerism nitong pag-amoy sa dulo ng buhok sa tuwing mag-iisip, sa paggamit nito sa dulo ng ball pen bilang pangkamot sa ulo, hanggang sa mabilis nitong pagnguya at maingay na paghigop sa straw ng iniinom na iced choco.

Nang ilagay na ng babae ang lahat ng natitirang pie sa bibig ay hindi na niya naiwasang matawa, bagay na umagaw sa atensiyon nito. Tumigil ang kamay nito sa pagsusulat at biglang nag-angat ng tingin sa kanya.

Nagtama ang mga mata nila ng babaeng nagpakabog bigla sa dibdib niya. Sa sobrang kaba, pakiramdam niya ay nahuli siyang nangongopya ng isang terror na guro sa kolehiyo. Salubong ang mga kilay ng babae habang nagtatakang nakatingin sa kanya.

Ah, shit! inis na sabi ni Wyatt sa isip. Pinilit niyang ngitian na lang ang babae, pero hindi iyon umepekto. Titig na titig pa rin ito sa kanya.

Wyatt Castelo feel pressured for the first time in his thirty years of existence.

“Pare, sorry! Ang traffic sa Balintawak, grabe.”

Sa wakas ay dumating si Migs sa oras na kailangang-kailangan niya ng tulong. Nakahinga siya nang maluwag. I’m saved. Tinanggal niya ang shades at nakipag-fist bump sa kaibigan. “Ayos lang, p’re.”

“Kumusta na nga pala si Ysabelle? Balita ko, ikinasal na siya, ah,” sabi ng kaibigan.

Wyatt flinched on that sensitive question. Maraming puwedeng kumustahin sa kanya, bakit si Ysabelle pa?

Napabuntong-hininga na lang siya. Hindi naman niya mapipigilan ang mga kaibigan na hanapin sa kanya si Ysabelle dahil sobrang malapit sila ng dalaga.

Nagkaroon din ng tsismis noon na ipinagkasundo raw sila ni Ysabelle ng mga magulang nila para maikasal pagdating ng tamang panahon dahil magkasosyo ang mga magulang nila sa pamamalakad sa architecture firm ng daddy nito. Nakatira din sila ni Ysabelle sa iisang bahay noong nag-aral sila sa London. At bago pa man ito alukin ng kasal ni Minseok ay sinasamahan niya na noon si Ysabelle sa ancestral house ng mga Samonte simula noong mamatay ang daddy nito.

“Akala ko talaga, Wyatt, kayo ang magkakatuluyan,” pagpapatuloy ni Migs.

He sighed and tried to look unaffected by their topic. Marinig lang niyang kasal na si Ysabelle ay kumikirot na agad ang puso niya. Noong araw ng kasal ng dalaga, kung hindi lang siya nito sinundo sa penthouse niya ay baka hindi na siya pumunta sa kasal. Inaamin naman niya sa sarili na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya lubusang natatanggap na ikinasal na si Ysabelle kay Minseok. Masaya naman siya para dito pero hindi pa rin niya maiwasang masaktan.

Kaya pinili niyang humiwalay na ng tirahan simula noong engaged na ang dalawa. Nagpasya siyang umuwi sa sarili nilang ancestral house sa Bulacan dahil sa Canada na naninirahan ang mga magulang. Pero dahil araw-araw niyang nakakalaban ang traffic sa EDSA sa tuwing papasok sa trabaho ay nagpasya siyang tumira na lang sa penthouse ng isa sa mga condo units nila sa Ortigas.

“Grabe, pare, sino ba `yong Minseok Robillard na `yon, ha?” tanong sa kanya ni Migs habang inilalatag ang floor plan ng town house na ipapagawa nito.

Pasimpleng bumuga ng hangin si Wyatt at tumingin sa floor plan. “CEO ng Robillard’s Architects.”

“Robillard’s Architects? Iyong isa sa pinakamalaking Architecture Firm sa Pilipinas?” gulat na tanong ni Migs. “Balita ko, may partnership ang mga kompanya n’yo, ah. Congrats, Mr. Castelo. Grabe, `di na kita maabot.”

Tumawa siya sa sinabi nito. “Hindi naman ako ang nag-close ng deal. Si Ysabelle.” Nilingon niyang muli ang babaeng nakaupo sa kabilang mesa, pero wala na ito. Luminga-linga siya sa paligid. “Grabe, parang bulang nawala.”

“Sino?” tanong ni Migs.

Hindi niya namalayang naisatinig pala niya ang iniisip. “Ah, w-wala,” sagot niya. “Ilang square meters nga pala iyong lote na tatayuan ng town house mo?” pag-iiba niya ng topic.

Mahigit isang oras din silang nag-usap ni Migs bago niya nakuha ang gusto nitong anggulo sa town house na itatayo sa itaas ng bundok. Papunta na siya sa parking lot ng mall para bumalik sa office nang may mahagip ang mga mata niya na pamilyar na pigurang nakatayo sa tapat ng appliances store. Sa tingin niya ay okupadong-okupado ito ng pinapanood na basketball game sa malaking flat screen TV na display ng store. Napapatalon pa ito at napapataas ng kamay na waring maghahagis ng bola sa court.

Tiningnan niyang mabuti ang babae. So, there you are. Sa hindi niya malamang dahilan ay napangiti siya nang mapagtantong ito nga ang babaeng malakas na kumain ng cinnamon pie na nakaupo sa katapat niyang table kanina.

Lumapit siya at nakinood sa tabi nito. Nagulat siya dahil hindi niya akalaing hanggang balikat lang niya ito. Sa balingkinitang katawan kasi nito ay mukha itong matangkad sa malayo.

Wyatt simply stealed stole glances on her to mentally take notes of her dress code: white statement shirt that shouts a bizarre all- caps “‘EAT MY BRAIN’ BRAIN”sentence,, faded- maong pants ripped just above the knee, a pair of green banana Banana peel Peel flip –flops, and a yellow canvas shoulder bag. Pinakatitigan din niya rin ang maganda nitong mukha na Pinay na Pinay ang dating saan mang anggulo tingnan.

“Who’s on lead?” tanong niya rito habang pinagmamasdan ang bawat ekspresyon sa mukha nito.

Bigla itong tumingin sa kanya na parang kakaibang lengguwahe ang binigkas niya. “Ha?” kunot-noong tanong nito.

Parang Armalite ang mga bilugan nitong mata na tumitig sa kanya. Pakiramdam niya, may matigas na bagay ang biglang tumusok sa dibdib niya at panandalian siyang hindi makahinga. Hindi rin niya magawang iiwas ang mga mata sa mga mata nitong kulay peanut pala.

Napahawak si Wyatt sa dibdib at mabilis na tumalikod para iubo ang biglaang kaba na naramdaman. Sumagap siya ng hangin at dahan-dahan iyong ibinuga. Hindi niya malaman kung ano bang nangyayari sa kanya. Ilang segundo pa ang pinalipas niya bago muling humarap sa babaeng “namamaril” ang mga mata.

“Who’s on—” Natigilan siya bigla dahil nawala na naman na parang bula ang kakaibang babae na mayroon ding kakaibang epekto sa kanya.

Written by

J. Cross

Romance Writer