“MISS, gising. Gumising ka.”

Iminulat ni Marissa ang mga mata at saka humalukipkip sa pagkakaupo. “B-bakit?”

“Binabangungot ka,” sagot ng lalaking gumigising sa kanya.

Tumayo ang mga balahibo niya sa katawan nang rumehistro sa isip ang kagimbal-gimbal na panaginip. Ipinikit niya ang mga mata at saka umiling para iwaksi ang masamang imaheng iyon sa isip.

Bakit ba niya nararanasan ang mga ganoong kamalasan sa buhay? Wala naman siyang ibang hinangad kundi ang mapabuti ang pamilya. Ngayon ay para siyang isang dagang nagtatago sa lungga.

Kanina nang makapuslit siya palabas ng delivery truck ay agad niyang pinara ang ngayon ay sinasakyang bus. San Vicente raw ang ruta ng bus base na rin sa nakapaskil na signboard. Hindi niya alam kung saan ang San Vicente. Isa lang ang sigurado siya: malayo iyon sa mga gusto siyang ipakulong.

“Okay ka lang?” tanong uli sa kanya ng lalaking nakaupo sa katapat niyang upuan.

Nilingon niya ito. Pero bago pa man siya makasagot, agad bumungad sa kanya ang guwapong mukha ng lalaki. Kung nasa normal lang siyang sitwasyon, siguradong hahayaan niya ang sarili na hangaan ang mapupungay nitong mata at matamis na ngiti. Kaso, wala siya sa normal na sitwasyon.

“O-okay lang ako. Salamat sa paggising sa akin.” Inayos ni Marissa ang suot na hoodie para hindi nito makita ang kanyang mukha. Mabuti na lang at iyon ang naisuot niya bago lumabas ng mansiyon kanina.

“Sigurado ka?” muling usisa ng lalaki.

Tumango siya. “Okay lang ako. Salamat.”

“Baka hindi ka komportable sa pagkakaupo mo. Puwede mo munang gamitin ito,” sabi ng babaeng katabi ng lalaking kausap niya, sabay abot sa kanya ng isang neck pillow.

Doon napansin ni Marissa na may kasama pala ang lalaki. Tiningnan niya ang babae. May  maamo itong mukha at mahabang buhok. Isa rin ito sa mga makakapagpatunay na magaganda talaga ang may natural na kayumangging balat. Tulad na lamang ng sa kanya.

“Hindi na kailangan. Okay lang talaga ako. Maraming salamat,” tanggi niya sa inialok nitong neck pillow at magalang ding iniabot iyon pabalik sa babae.

“Uhm, miss, are you sure? Mukhang hindi kasi maganda ang pakiramdam mo. Namumutla ka,” puna uli sa kanya ng lalaki. Kanina pa niya napapansin ang parang nag-aalala nitong mukha.

Bahagyang tumawa ang babae. “Naku, miss, pasensiya ka na sa asawa ko. Doktor kasi kaya likas na maalalahanin.”

Sinulyapan ng lalaki ang babae at hinawakan ang kamay niyon. “Says the one who jumped off the river to save a drowning child.”

Ngumiti ang babae at kinintalan ng halik sa mga labi ang lalaki.

Napangiti na rin si Marissa habang sinasaksihan ang ka-sweet-an ng dalawa. Bakas din kasi sa mga mata ng mga ito ang wagas na pagmamahalan.

Nagpapasalamat na rin siya dahil kahit paano ay may mga tao pa rin palang nagmamalasakit sa kanya sa mga oras na iyon.

Pero magiging mabait pa rin kaya ang mga ito sa kanya kapag nalamang isa siyang suspek sa pagpatay? Na kasalukuyan siyang tinutugis ng mga alagad ng batas?

Napasandal siya sa kinauupuan at muling ipinikit ang mga mata. Mag-aalas-tres pa lang ng madaling-araw. Mahaba-haba pa ang biyahe niya patungong San Vicente. Kailangan niyang mag-ipon ng lakas. Kailangan niyang matutunang mamuhay nang nasa anino.

“THANK you for taking care of my grandfather, Marissa.”

Nang manumpa si Marissa bilang nurse limang taon na ang nakararaan ay ipinangako rin niya sa sarili na bawat pasyenteng hahawakan niya ay ituturing niyang pamilya. Sa sumpang ito siya humuhugot ng lakas upang maging isang masipag, mapaglingkod, at matapat na tagapaghatid ng serbisyong medikal sa mga may sakit. Kaya naman lubos din ang tuwa niya kapag nakikitang nagbubunga ang lahat ng kanyang paghihirap sa pag-aalaga ng pasyente.

“Wala pong anuman, Sir Anthony. Sa isang taon ko pong pagiging nurse ni Lolo Greg ay itinuturing ko na rin po siyang parang isang totoong lolo,” sagot ni Marissa sa kaisa-isang apo ng kanyang pasyente.

Si Anthony Develos ay isang veterinarian at kasalukuyang humahawak sa livestock and farming business na naiwan ng pasyente niyang si Lolo Greg.

Si Gregorio Develos, na kung tawagin na rin niya ay Lolo Greg, ay isang stroke patient. Naging pasyente niya ito sa ICU ng St. Simon Medical Hospital. Nang ma-discharge ito ay hiniling ni Anthony na kunin siya bilang private duty nurse. May physical paralysis kasi ang matanda kaya gusto ni Anthony na siguradong may mag-aalaga sa lolo nito.

Tatanggi sana ni Marissa dahil kalakip ng trabahong iyon ay ang pagtira niya sa mansiyon ng mga ito. Pero dahil malaki ang offer na sahod sa kanya ay nagawa siyang kumbinsihin ni Anthony.

At inaamin niyang kailangan niya ang pera. 

Bilang breadwinner ng pamilya, siya lamang ang inaasahan ng dialysis patient niyang ina at kapatid na nag-aaral sa kolehiyo. Pumanaw ang kanyang ama noong nasa college pa lamang siya kaya natuto siyang tumayo sa sariling paa para maging provider ng pamilya. Bawat kayod-kalabaw niyang pagdyu-duty sa ospital ay ginagawa niya para maibigay ang pangangailangan ng ina at kapatid.

“Salamat kung ganoon. Hindi ka na rin iba sa amin, Marissa. Para ka na ring miyembro ng pamilya.”

Totoo rin naman ang sinabi ni Anthony. Sobrang bait nito sa kanya. Pati ang asawa nitong si Erica ay sinisiguro ding mabuti ang pamamalagi niya sa bahay ng mga ito. Pero ang pinakamabait sa kanilang lahat ay si Lolo Greg.

Noong nasa ikatlong buwan pa lang siya ng pagtatrabaho bilang nurse ni Lolo Greg ay natanggap siya sa pinag-apply-ang ospital sa Oman. Sinubukan niyang magpaalam sa matanda upang tanggapin ang trabaho sa abroad, pero hindi ito pumayag. Tinapatan pa nito ang magiging suweldo sana niya sa Oman at nagbigay pa ng pampa-dialysis ng kanyang  ina. Pati ang pag-aaral ng kapatid niya ay sinalo na rin nito.

Kaya naman hindi na rin siya umalis pa. Ang pasasalamat niya sa matanda ay ipinakita niya sa pamamagitan ng maayos na pag-aalaga rito. Kaya naman tuluyan na siyang napalapit sa mga Develos—lalong lalo na sa matanda.

Inayos ni Marissa ang pagkukumot kay Lolo Greg na mahimbing na natutulog sa higaan nito. “Kaya po sobrang nagpapasalamat ako sa lahat ng ibinibigay n’yo sa amin. Malaking tulong po iyon.”

Tumango si Anthony at saka bumuntong-hininga. “Pero may nahanap na kaming ibang mag-aalaga kay Lolo Greg.”

Natigilan si Marissa at napatitig kay Anthony. “Ho? P-pero bakit? May nagawa ho ba akong mali?”

Umiling ito at saka ipinatong ang kamay sa kanyang balikat. “Binibigyan ka na namin ng pagkakataong tuparin ang una mong kagustuhang magtrabaho sa ibang bansa, Marissa. `Di ba iyon ang gusto mo?”

“D-dati po iyon. Pero masaya rin naman po ako rito sa pag-aalaga kay Lolo.”

“I’m giving you a chance, Marissa. Huwag mong sayangin.”

“Pero, Sir…”

“Ako pa rin ang masusunod dito dahil ako ang kumuha sa `yo sa ospital.”

“P-pero…”

“Walang aalis! Hindi aalis si Marissa!”

Pareho silang napalingon kay Lolo Greg. Hindi nila namalayang gising na pala ito.

“Lolo Greg…” anas niya.

Tinapunan ni Lolo Greg ng masamang tingin si Anthony. “Hindi aalis si Marissa sa bahay na ito, Anthony, tandaan mo `yan. Kung gusto ninyong mag-asawa, kayo ang umalis!”

Written by

Ysa Lee

Ysa Lee