“I’M single again!” mangiyak-ngiyak na anunsyo ni Yara sa kaibigang si Anne. Nagtanong kasi ito kung ano ang okasyon at inimbita niya sa tambayan nilang bar.
Pero imbes na aluin siya ay nakita niyang umiling-iling lang si Anne at tila natatawa pa.
“Hoy, Anne! Ganyan ba ang reaksyon ng isang tunay na kaibigan? Imbes na damayan mo ako eh tumatawa ka pa diyan.” Inirapan niya ito at saka tinungga ang tequila na hawak-hawak sa baso.
“I’m sorry, Yara. Hindi ko lang mapigilang matawa kasi naman parang déjà vu lang itong nangyayari sa atin dito sa bar. Nandito rin tayo three months ago at ganyan din ang hitsura mo noon. Then, you we’re cheated by your boyfriend of four months kaya nakipag-split ka. Ngayon naman umiiyak ka dahil sa isang lalaking akala mo eh forever mo na. ‘Yon pala’y isang bading.”
Nanlaki ang kanyang mata nang malamang alam ni Anne ang dahilan ng hiwalayan nila ng ngayon ay ex na niyang si Nico. “Teka, paano mo nalaman? Wala pa akong sinasabi sa’yo!”
“Di mo na kailangang sabihin pa. Obvious naman eh. Noong nanliligaw pa lang ‘yon sa’yo ay may signs na akong nakita. Pero ‘di ka nakinig. He just used you to make his parents believe that he’s a straight guy. O, kailan mo ba na-meet ang parents niya?”
Medyo may tama na rin siya kaya ipinikit niya ang mga mata upang maalala kung kailan nga ba nangyari ang dinner niya with Nico’s family. “Hmm, two weeks ago na yata.”
“Tapos kailan umuwi ang parents niya sa Australia?”
“Last week lang.”
Hinampas ni Anne ang mesa. “O ‘di ba? Wala pa kayong two months tapos nagpa-meet the parents na kuno siya. Then no’ng makauwi na ang mga magulang niya ay saka naman nakipag-break sa’yo. Eh maliwanag pa sa sikat ng araw na ginamit ka lang, friend. Kaya kung ako sa’yo kalimutan mo na siya.”
Napaungol siya sa inis. Tama nga naman ang kanyang kaibigan. Totoo ring pinagsabihan siya nito dati tungkol sa naobserbahan kay Nico pero hindi siya nakinig. Mas sinunod niya ang sarili.
“Eto na nga oh. Nagsisimula na akong kalimutan siya.” Akma niyang iinumin ang sinalin na tequila sa baso nang kunin iyon ni Anne mula sa kanya.
“Hindi iyan ang tamang paraan ng pag-move on, Yara.”
She rolled her eyes. “Sus! Parang hindi ka rin uminom noong naghiwalay kayo ng ex mo. Eh mas matindi ka pa sa akin.”
“Kaya nga! Take it from me. Hindi mo kailangang uminom ng alak para lang makalimutan ang problema.”
“Pang ilang ‘move on’ na ba kasi ‘yan, Yara?” Isang papalapit na lalaki ang nagsalita. May bitbit itong bote ng beer.
Si Matthew—ang nakababatang kapatid ni Anne. Rhythm guitarist ng bandang The Prodigal Sons—ang most sought after rock band ng bansa. Hindi lang kilala sa magandang musika ang banda. Dahil sa may hitsura ang mga miyembro ay nagkakaroon na rin ang mga ito ng acting at modelling projects. In short, mga gwapo at in demand ang mga loko. Tulad na lamang nitong si Matthew na mayroon na ring hosting gigs sa mga noontime shows.
Nang umupo sa tabi niya ang binata ay nakita niyang nagtaasan ng kilay ang mga babae sa kabilang mesa. Mukhang hindi nagustuhan ng mga ito na may ibang babaeng katabi si Matthew. Pero wala siyang pakialam. Oo nga’t gwapo si Matthew pero nuknukan naman ng pagka-playboy. Mukha lang itong mabait at inosente pero alam na alam niya ang karakas nito. He knew him since elementary dahil nga sa bestfriend niya ang ate nitong si Anne.
Isa pang hindi niya gusto kay Matthew ay ang hindi nito pagtrato sa kanya na isang nakakatandang ate. ‘Di hamak na mas matanda siya ng limang taon dito. Thirty years old na siya samantalang twenty five lang si Matthew. Pero kung pakitunguhan siya nito ay para bang magkaedad lang sila. Minsan pa nga ay nag-aasta pa itong mas matanda sa kanya.
“Heh! Alam ko na ang sasabihin mo kaya huwag mo nang subukang asarin ako.” Inunahan na niya ang binata. Saksi kasi ito sa mga sandaling napapainom siya after a break up. Initially, nagpapahayag ito ng simpatiya. Pero kalaunan ay para rin itong si Anne na sinisermonan siya at inaasar na rin.
“You’re too defensive. Bakit mo ba kasi sinagot ‘yong si Nico eh obvious naman na hindi iyon straight. Tapos ngayon magrereklamo ka na naloko ka? Tapos maglalasing?”
“Hindi kaya ako naglalasing. Umiinom lang. Napaka-judgmental mo ha,” himutok niya.
“Napapaiisip nga ako kung ilang litro ng alak na ang nainom mo rito. Lalo na kapag galing ka sa break-up. Ilang bote na ang nauubos mo?” May himig na naman ng pang-aasar ang binata.
“Grabe ka ha! Hindi kaya ganoon kadami ang iniinom ko.”
“Bakit ba kasi kung saan-saan ka naghahanap ng boyfriend? Dapat doon ka na lang sa taong kilala mo na at ‘di ka pa sasaktan.”
“At sino naman aber? Mga gaya mong playboy? ‘Wag na oy! Sakit ka lang sa ulo.”
Nakita niya ang pag-asim ng mukha ni Matthew. “Ayoko rin sa mga tulad mo. Kung kailan pa tumanda ay saka pa nagiging sakit rin sa ulo.”
Gusto na niyang batukan ito pero pansin na pansin niyang hindi na sa kanya nakatingin si Matthew. Nasa kabilang mesa ang mga mata nito. Sa mesa ng mga babaeng kanina pa nakatitig sa kanila.
Tsk! May bagong prospect naman.
Lihim siyang napangiti. May pumasok kasi na ideya sa isip niya.
Dahan-dahan niyang ihinilig ang kanyang ulo sa balikat ni Matthew. Ipinulupot din niya ang kamay sa braso nito. “Matthew…”
She felt Matthew stiffen.
“A-anong ginagawa mo?” tila nauutal na tanong ni Matthew sa kanya. Confusion is written all over his face as she held him tighter.
Humagikgik siya. “Isasama kita sa misery ko ngayong gabi. You’re not gonna get laid tonight.”
Bakas sa mukha ni Anne ang pagtataka sa mga pinaggagagawa niya pero ininguso na lang niya ang katabing mesa. Mukhang nabasa agad ni Anne ang plano niya kaya napangiti ito.
Pero kilala niya si Matthew. He’s smart. Kaya naman wala pang limang segundo ay inalis nito ang mga kamay niya sa braso nito at saka tumayo. Umiling-iling ito at ngumiti. “Huwag mo akong idamay diyan sa kalungkutan mo.”
“At saan ka pupunta?” mabilis niyang pigil rito.
“Tinatawag ako ng fans. Siyempre kailangan ko silang asikasuhin.” Sumaludo muna ito sa kanila saka naglakad papunta sa kabilang table.
Naiiling na lang siya sa tinuran ng binata. That’s how Matthew is. Napaka-carefree nito at hindi natatali sa kung anumang bagay.
“Ugh, he’s getting worst every day,” naiiling na sabi niya habang kinukuha ang baso ng tequila mula sa mesa. Pero laking gulat niya nang inunahan siya ni Anne. Mabilis nitong kinuha ang baso at ininom iyon.
“At least he’s not the one crying right now,” wika nito nang malagok ang alak.
Aba’t mukhang wala talaga itong balak na painumin siya.
“Oo, na. I learned my lesson well. Pero Anne, may karapatan naman siguro akong maging malungkot sa gabing ito hindi ba? Naiintindihan mo dapat ang pinagdadaanan ko. Hayaan mo na kaya ako makalimot kahit kaunti sa lalaking niloko ako? Pwede?”
Anna rolled her eyes. “Seriously? Parang pinapatunayan mo lang ang sinabi ni Matthew na napapadalas ang pag-inom mo dahil ‘brokenhearted’ ka.”
Lumipad ang mata niya kay Matthew na nasa mesa na ngayon ng mga babaeng kanina pa nag-aabang dito. He was laughing and obviously flirting with them. Napasimangot na lang siya sa pagiging playboy nito.
Muli niyang hinarap si Anne. “Sige na. Tama ka na. So anong gusto mong gawin ko? Ang magsaya at…aray! Bakit ka nangungurot?” Hinimas niya ang bewang na kinurot ng kaibigan. “Nananakit ka na ha.”
Tumawa ang kaibigan. “Kailangan mo ‘yan para magising ka sa katotohanan. With that pretty pair of brown eyes, pointy nose, bee stung lips, wavy brown hair, you’re one hell of a beauty! You’re beautiful inside and out, Yara. Hindi mo kailangan ng ibang mga tao para malaman iyon. At saka hindi mo kailangan hanapin ang true love mo. Dadating lang nang kusa iyon. Okay?”
Napabuntong hininga siya. Nagle-lecture na naman kasi ang kaibigan. Pero kahit papaano ay natuwa siya sa pagsabi nitong maganda siya. “Sinasabi mo lang kasi natagpuan mo na ang true love mo. Pero tama ka rin naman. From now on, hindi na muna ako magbo-boyfriend. Mahaba-habang losing streak na ang nangyayari sa akin sa love department.”
In fact, pang lima na niyang heart break si Nico kaya nagsasawa na rin siya.
Patay malisyang nagsalang muli siya ng alak nang muling kinuha ni Anne ang baso at uminom doon.
“Seriously? Hindi mo ba talaga ako pagbibigyan?”
Umiling si Anne habang nakangiwi ang mukha dahil sa tapang ng ininom na alak. “One for the road ko na ‘yon. I need to go. Nasa labas na si boyfie. May lakad kasi kami bukas kaya sa kanya ako matutulog. Alam mo dapat, umuwi ka na rin.”
“Oo na. Aalis na rin ako, promise. At saka huwag mo na akong inggitin na may boyfriend ka. ‘Di ka na naawa sa akin.”
Muling tumawa si Anne at saka nagpaalam. Napatingin naman siya sa direksyon ni Matthew. Kausap pa rin nito ang mga babae. Obvious naman na kinikilig ang mga iyon sa presensya nito. She can’t help but roll her eyes, once more. Iba na talaga ang gwapo at sikat.
“What can I get for you, Ma’am?” tanong sa kanya ng bartender. Mukhang napansin nitong wala nang laman ang kanyang baso.
Tatanggihan na sana niya ang bartender nang marinig na tumawa muli ang mga babaeng kasama ni Matthew. Hindi niya alam kung bakit pero naramdaman na lang niya ang inis dahil doon.
“Excuse me, Ma’am. I didn’t get your order.”
Huminga siya nang malalim at saka hinarap ang bartender. “Get me another shot of tequila.”