“AKALA ko, paaabutin mo pa ng bukas `yang renta n’yo, eh,” nakasimangot na sabi ni Aling Deli nang iabot ni Sav ang buwanang upa nila.
Ngumiti siya sa kasera. “Kayo naman, Aling Deli, ilang taon na kaming nakatira sa bahay na `to. Hindi naman kami palaging delayed magbayad.”
“Sus! Ang sabihin mo, ngayon lang kayo nakapagbayad sa mismong araw ng due date dahil kadalasan, isang linggong delayed bago kayo makabayad,” masungit pa ring sabi nito.
“Huwag na kayong magalit, ang face-lift sayang,” pambobola niya na ikinatawa naman nito bago umalis.
“Marunong lang talaga `yan tumawa kapag nakapagbayad ka na,” napapailing na sabi ng Kuya Nicolo niya. Nanonood ito ng balita at kararating lang galing sa paghahanap ng trabaho.
Pagkatapos nilang mapag-usapan ni Remi ang pag-a-apply sa pinapasukan ni Mito ay nagpasya si Sav na hanguin na ang mga natuyong sandamakmak na sinampay at ihatid sa nagpalaba pagkapananghali. Minsan talaga hulog ng langit sa kanya ang mga tamad. Dahil sa katamaran ng mga ito ay nagkakapera siya.
Pagkahatid sa unang bundle ng mga damit sa Blumentritt ay naisipan niyang magpunta na muna sa SM San Lazaro para i-treat ang sarili mula sa buong araw na paglalaba kahapon ng paborito niyang iced choco at cinnamon pie sa Belgian Waffles kung saan may weirdong lalaki na naka-shades kahit wala namang araw sa loob ng mall.
May saltik ba `yon? Sayang, ang guwapo pa naman, napapailing na sabi niya sa isip habang itinataob ang mga plato sa lagayan.
“Anong oras daw makakauwi si Tatay?” tanong ng kuya niya.
“Gagabihin daw, Kuya. `Yon ang sabi niya sa love letter niya,” sagot niya na natawa pa.
“Dapat magpahinga na lang si Tatay dito sa bahay. Huwag na siyang tumanggap ng mga raket na `yan. Matanda na siya. Dapat nagpapahinga na lang,” may bahid ng pagkainis na sabi ng kuya niya.
Tumawa si Sav. “Sabihin mo `yan sa kanya kapag dumating. Alam mo naman `yong si Tatay, ilang beses na nating pinapatigil magtrabaho pero kapag may tumawag sa kanya, sige pa rin! Sasabihin lang n’on sa `yo, ‘kalabaw lang ang tumatanda,’” sabi niya na ginaya pa ang facial expression ng tatay niya habang sinasabi iyon.
Hindi napigilan ng kuya niya na matawa sa hitsura niya. “Tigilan mo nga `yan, Savanah. Ang pangit ng mukha mo!” sigaw nito sa kanya habang tumatawa.
Pinandilatan niya ito. Alam naman niyang hindi siya kagandahan. Pero hindi naman kailangang ipamukha pa iyon sa kanya. Alam niyang maitim siya, medyo malaki ang mga mata, maliit ang ilong, at manipis ang mga labi. Pero kahit ganoon, alam niya sa sarili na may angkin siyang ganda. Hindi nga lang niya alam kung nasa loob ba ang kagandahang iyon o nasa labas.
Humarap siya sa salamin. “Kamukha ko kaya si Kathryn Bernardo, sa mata, sa ilong—”
“Sa kuko! Sa kuko mo lang siya kamukha, saka sa buhok!” singit ng kuya niya na tumawa pa nang malakas para mas mapabigat ang pang-aasar sa kanya.
Inirapan niya ito. “Ang sabi ni Nanay maganda raw ako.”
“Sasabihan ka talagang maganda n’on kasi anak ka niya,” pang-aalaska pa rin ng kuya niya.
“Kaya pala guwapong-guwapo siya sa `yo.”
Hindi tuloy napigilan ni Sav ang malungkot nang maalala ang ina. Tatlong taon pa lang ang nakakalipas nang mamatay ang nanay nila at hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa alaala niya ang ikinamatay nito. Naglalaba ito noon ng tanggap na sandamakmak na labahin na parang galing sa isang buong barangay nang atakihin ng heat stroke. Katanghaliang tapat kasi noon at babad ito sa init ng araw. Hindi na ito umabot sa ospital. Simula noon ay parang naging mas mabigat na ang takbo ng buhay sa kanilang mag-aama. Kaya napilitan siyang tumigil sa pag-aaral at maghanapbuhay para matulungan ang nabalong ama.
“Nagtampo ka naman agad diyan. Maganda ka naman siyempre. Kapatid kita, eh. Kanino ka pa ba magmamana? Siyempre, sa `kin!” sabi ng kuya niya na napansin pala ang pananahimik niya.
“Sus! Parang napilitan lang,” sabi naman niya. “Kumusta nga pala `yong in-apply-an mo, Kuya?”
Ito naman ang natahimik. Parang alam na niya ang nangyari. Ngangey na naman.
“`Ayun, tatawagan daw. Kahit sabihin mong wala kang landline, wala kang cell phone, tatawagan ka pa rin nila. Akala ba nila, ako si Superman na maririnig ang mga tawag nila?” umiiling na sabi nito.
“Okay lang `yan. Makakahanap ka rin ng trabaho,” pagpapalakas-loob niya rito.
“Sana nga. Naaawa na kasi ako kay Tatay. At ikaw, dapat pinag-aaral kita sa kolehiyo dahil kuya mo ako,” malungkot ang tinig na sagot ng kuya niya.
Napabuntong-hininga si Sav. Iyon ang iniiwasan niyang eksena. Ayaw niyang pinag-uusapan pa ang nararanasan nilang hirap dahil nagdudulot lamang iyon ng bigat sa dibdib. Kaya sa halip na sabayan ang kadramahan ng kapatid ay nagpakawala na lang siya ng pekeng tawa.
“Drama mo, Kuya! Mag-artista ka na nga lang!”
PAULIT-ULIT na hinampas ni Wyatt ang busina ng sasakyan. “Walang katapusang traffic,” inis na usal niya habang pahinto-hinto ang sasakyan sa Abad Santos Road ng Doroteo. Kung hindi niya siguro hinanap pa sa mall ang babaeng may Armalite na mga mata ay baka hindi siya inabot ng rush hour pabalik sa office.
Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nagsayang pa siya ng oras sa paghahanap sa babaeng iyon kahit hindi naman niya iyon kilala.
Napabuntong hininga siya. She was different. Lalo pa siyang nagtaka sa kakaibang epekto ng mga mata nito sa kanya. Parang binabaril ng paulit-ulit ang dibdib niya sa tuwing tinititigan siya nito.
What‘s with that girl that makes my heart tremble?
Her eyes were like a phenomenon that he just encountered. He couldn’t tell what was with her eyes that could send shivers down his spine.
Napapailing na hinawakan niya ang dibdib. Bumibilis din ang tibok ng puso niya kapag naiisip ang babaeng iyon. “Nakakatakot kasi tumingin.”
Pasado alas-siyete na nang makarating si Wyatt sa Samonte Construction. Dumeretso siya sa office niya para basahin at reply-an ang siguradong tambak nang mga e-mails niya mula sa mga kliyente sa iba’t ibang lugar.
Wyatt Castelo is the chief operating officer of Samonte Construction. His name is pronounced as “White,” not as “Wayat.” Dahil siya ang COO ng kompanya, lahat ng company’s day-to-day operations ay siya ang nag-aasikaso. He’s also an architect and a co-owner of the company. Katulad din ng ibang anak-mayaman, ang shares of stock niya ay namana niya sa ama, kasama ang iba pang business nila katulad ng Castelo Condo Units at Castelo Dream Resorts na under din ng Samonte Construction.
It had been three years since his father transferred all the management authority to him. Gusto na raw kasing tumira ng mga parents niya sa Quebec at i-enjoy roon ang retirement ng daddy niya. Malaki ang tiwala sa kanya ng mga magulang na pati ang pagpili ng mapapangasawa niya ay ipinaubaya na rin sa kanya pagkatapos malaman ng mga ito na ikakasal na si Ysabelle sa ibang lalaki. At ang dahilan ng mga ito, true love. Tunay na pag-ibig na siguradong hindi magkakamali.
Pagpasok ni Wyatt sa office ay agad bumungad sa kanya si Alta, ang secretary niya simula pa noong maging COO siya ng kompanya.
“Sir, nasa loob po si Miss Samonte—I mean, Mrs. Robillard po pala,” pagtatama nito sa surname ni Ysabelle. “Saka, sir, galing po rito kanina si Mr. Castillo, pinapapirmahan ito sa inyo,” sabi ni Alta at iniabot sa kanya ang isang black folder.
Ngumiti siya at tumango sa sekretarya bago nagpatuloy sa pinto ng office niya.
Katulad niya, halos lahat ng tauhan nila sa Samonte ay hindi pa rin sanay na tawaging Mrs. Robillard si Ysabelle kahit halos dalawang taon na itong kasal.
“Wyatt!” bungad sa kanya ni Ysabelle pagkapasok niya sa office. Mabilis itong tumayo para yakapin siya nang mahigpit.
He missed her. “So, kumusta ang second honeymoon sa Maldives?” nakangiting tanong niya rito habang hinuhubad ang suit at ipinatong sa swivel chair niya na kaninang inuupuan ni Ysabelle pagbukas niya ng pinto.
Sa halip na sumagot ay ngiting-ngiti lang itong tumitig sa kanya, pinagpilantik pa nito ang makakapal na pilikmata. “Guess what?”
“You know that I’m not a good guesser,” reklamo niya.
Mahinang tumawa si Ysabelle.
Biglang nanikip ang dibdib ni Wyatt.
“We did it,” nangingislap ang mga matang sabi nito.
Agad siyang napatingin dito. He blinked twice, not sure of what he just heard. “Y-you did w-what?” He stuttered.
“I’m pregnant,” abot-tainga ang ngiting pahayag nito.
“SANA qualified tayo do’n,” nag-aalalang bulong ni Sav kay Remi. Pasado alas-siyete ng umaga ng Lunes ay nakasakay na sila ng LRT papuntang Makati para mag-apply sa Samonte Construction. Isinulat na rin ni Mito sa papel ang instruction papunta roon para siguradong hindi sila maliligaw.
“Sigurado `yon, `te. Kaya nga nag-formal attire tayo para mahiya silang i-reject ang kagandahan natin,” sabi ni Remi.
“Baka isipin nila, janitress lang naman ang a-apply-an natin, pero kulang na lang mag-gown pa tayo sa sobrang formal,” nangingiwing sabi ni Sav.
Tumingin ito sa kanya at pinaikot ang mga matang may rainbow eye shadow. “`Te, hindi tindera sa 168 ng Divisoria ang a-apply-an natin. Janitress sa sosyaling kompanya. Kahit tagadilig lang tayo ng mga halaman nila sa rooftop, kailangan naka-formal attire pa rin tayo,” nagkandabaluktot ang nguso na explain nito. “Utak mo na naman sabaw, eh,” dagdag pa nito.
“Sabaw? Sa `yo nga, sago-sago, eh,” ganting okray niya.
Bigla itong tumawa nang malakas. “Ano `yon? Palamig?” Pinagtinginan sila ng ilang pasahero sa loob ng LRT. Sila lang kasi ang mga babaeng nakatayo kahit matataas ang heels.
Hindi naman kasi uso sa Maynila ang chivalry, lalo na sa LRT. Kasingkaunti na lang ng pambansang hayop ang mga totoong gentleman ngayon. Ang mayroon na lang ay mga gentlemanyak. Ibibigay nila sa `yo ang upuan nila para makatayo sila sa harap mo at matanaw ang “Mt. Apo” sa `yo. Kahit Chocolate Hills lang `yan, dadapuan pa rin ng mga mata nilang makasalanan.
Saktong alas-otso ng umaga nang makarating sila sa tapat ng Samonte Construction building. May isang oras pa sila para makapag-retouch. Sa sobrang siksikan kasi sa LRT, napunas na ang mga makeup nila sa damit ng mga kagitgitan nila.
“`Te, ang sosyal nito,” impit na tili ni Remi habang hinahatak-hatak pa ang laylayan ng blazer niya.
“Sigurado ka bang dito tayo mag-a-apply?” dinadaga ang dibdib na tanong ni Sav. Tumingala siya at pinagmasdan ang marangyang gusali.
“Oo, `te. Hayan ang address, o. Ito talaga `yon,” sagot nito. “Maupo nga muna tayo doon sa mga bench sa gilid, tatawagan ko lang si Mito. Ay, kung ikaw na lang kaya ang tumawag sa kanya para siguradong sasagutin agad niya?”
“Wala kong load, tange,” kunot-noong sagot niya. “I-text mo na lang, sabihin mo nandito na tayo.”
IKINURAP-KURAP ni Wyatt ang mga mata habang nakatingin sa dalawang babaeng naka-corporate attire na nakaupo sa mga bench sa labas ng Samonte Construction parking lot.
Is she the cinnamon girl? naniningkit ang mga matang tanong niya sa isip.
Idineretso niya ang minamanehong red Ford Mustang sa entrance ng parking lot at bahagyang binuksan ang windshield. Tinitigan niya ang babae, at agad na gumuhit ang ngiti nang masigurong ito nga ang babaeng malakas kumain ng cinnamon pie.
Pagkatapos niyang i-park ang sasakyan ay agad siyang lumabas. Halos takbuhin na niya ang exit. Baka mawala na naman siya na parang bula.
Nakahinga nang maluwag si Wyatt nang makita pa rin ang dalawang babae na nakaupo sa di-kalayuan. Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa mga ito, nag-iisip kung paano ia-approach ang babae nang hindi siya biglang parang aatakihin uli sa puso kapag tumingin ito sa kanya. Nang ilang metro na lang ang layo niya sa mga ito ay narinig niya ang pinagtatalunan ng mga ito.
“Ikaw na lang kaya ang kumausap kay Mito,” sabi ng isang babae na matangkad nang kaunti kay cinnamon pie.
“Ikaw na lang. Itanong mo kung anong oras ang interview at saang floor `yong HR,” sagot naman ni cinnamon pie.
May kutob si Wyatt na ang Samonte Construction ang pinag-uusapan ng dalawang babae. Umabante siyang muli nang ilang hakbang. Doon na napatingin sa kanya ang mga ito. Sa pagtatama ng paningin nila ng babaeng may namamaril na mga mata ay tila huminto ang oras at lumubog sa aspaltadong kalsada ang mga paa niya. Hindi niya magawang ihakbang ang mga paa. Sa pangatlong pagkakataon, hindi na naman niya maialis ang paningin sa mukha ng dalaga.
Naunang lumapit sa kanya ang kasama nito. “Kuya, Samonte Construction `to, `di ba?” tanong nito habang nakaturo sa building nila.
Dahan-dahanng tumango si Wyatt. Pilit niyang ibinaling sa ibaba ang tingin nang magsimula na ring lumapit sa kanya ang babaeng nagpapasikip sa kanyang dibdib.
“Parang kilala kita,” sabi nito na lalo pang inilapit ang mukha sa kanya. “Ikaw `yong weirdong lalaki sa Belgian Waffles noong Biyernes, `di ba?”
Bigla siyang napaangat ng tingin. “W-what?” nagtatakang tanong niya. Hindi rin niya maiwasang titigan ang mga mata ng babae. For the third time, he tried his best to ignore the bullets shooting him on the chest while looking at her big brown eyes.
“Ikaw nga!” napapitik pa sa ere na sabi nito.
“Kilala mo, `te?” tanong ng kasama nito.
Umiling ang dalaga at bahagya pang lumapit sa kasamang nagtanong. “Napansin ko lang siya sa SM kahapon kasi ang weird niya,” bulong nito sa kasama.
“Weird? `Yang guwapong `yan, weird?”
Pinigil ni Wyatt na mapailing. Kung pagbulungan siya ng dalawa, parang wala siya sa harap ng mga ito.
“Dito ka nagtatrabaho?” tanong sa kanya ng kasama ni cinnamon girl.
“Uhm, o-oo,” nag-aalangang sagot niya.
“Talaga? Dito ka nagwo-work? Anong trabaho?” tanong sa kanya ng babaeng tila kinatatakutan ng puso niya dahil sa tuwing tumitingin ito sa kanya ay kumakabog ang dibdib niya.
Pasimple siyang humugot ng hininga. Pilit din niyang ibinaling ang tingin sa kalsada bago sinagot ito. “O-oo, ah—”
“`Ayan na! Tumatawag na si Mito. Kausapin mo na, Sav!” biglang sabi ng babae at pilit na ibinigay ang cell phone kay cinnamon pie na tinawag nitong Sav.
Sav, iyon ba ang pangalan niya? tanong ni Wyatt sa isip habang pinapanood ang dalawa na nagpapasahan ng cell phone. Sa huli ay nagpatalo rin si Sav at sinagot ang tumatawag. Biglang nagbago ang tono ng boses at ekspresyon nito nang kausapin ang tumatawag. Mula sa kaninang malatomboy na kilos at pananalita ay tila nag-transform ito sa isang mahinhing dalaga. Sa hindi na niya mabilang na pagkakataon ay muli na naman siyang naaliw sa babaeng kahapon lang niya nakita.
“Sabi niya sa third floor daw `yong agency,” sabi ni Sav sa kasama nang ibaba ang cell phone. Bigla itong bumaling sa kanya. “`Di ba sabi mo, dito ka nagtatrabaho? Saan ba sa third floor `yong Human…”
Pakiramdam ni Wyatt ay nawala siya sa sarili habang pinagmamasdan ang dalaga na tila nagpalit na naman ng anyo. Hindi na niya napigilang mapangiti habang titig na titig sa nakakatuwang ekspresyon nito.
“Saan banda sa third floor?” pag-ulit nito.
Napakurap siya. “Ah, iyong Human Link Agency ba ang tinutukoy ninyo?”
Sabay na tumango ang mga ito.
“Pagdating n’yo sa third floor, may reception desk sa bandang gilid. Itanong n’yo na lang sa kanila kung saan ang office ng agency,” sagot ni Wyatt. “Ano ba ang a-apply-an ninyo?”
“Janitress,” sagot ng mga ito.
“Talaga? Akala ko, office staff. Ang gaganda kasi ng attire n’yo,” aniya at ngumiti.
Tumawa ang kasama ni Sav, samantalang si Sav naman ay napangiwi lang.
“Sa tingin mo ba, overdressed kami?” nag-aalangang tanong ni Sav sa kanya.
Parang kinurot ang puso niya sa malungkot na tono nito. “H-hindi! Tama lang `yan dahil malaking kompanya ang a-apply-an n’yo.”
Sa sinabi niyang iyon ay ngumiti na ito. “Sige, mauna na kami. Ikaw ba, hindi ka pa papasok? Sabay-sabay na tayo.”
“Ah, m-may hinihintay pa kasi akong officemate,” pagdadahilan ni Wyatt.
Tumango ito. “Sige. Siyanga pala, ano’ng pangalan mo?”
Pakiramdam niya ay may sariling buhay ang mga labi niya dahil kusa iyong ngumingiti sa tuwing bumabaling kay Sav. “Wyatt,” sagot niya.
“Wyatt? As in white na color?”
Ngumiti siya at umiling. Common na ang ganitong pangyayari sa tuwing nagpapakilala siya. “Wyatt as in W-Y-A-T-T.”
“Ang komplikado naman ng pangalan mo,” kunot-noong komento ni Sav. “Mabuti pa sa `min, simple lang. Hindi masyadong pinag-isipan, lalo na dito,” sabi nito, sabay turo sa katabi.
Tumawa siya. “Kayo ba, ano’ng mga pangalan n’yo?”
“Ako si Savanah. Sav na lang. Ito naman si Remi, short for Remington. Cheret. Remi lang talaga,” tumatawang pagpapakilala ni Sav, saka inilahad ang kamay sa kanya.
Pagkatapos matawa sa mga sinabi ni Sav ay tinanggap niya ang kamay nito. “Sav and Remi.”
“At your service!” sabi ni Sav at tumawa.
He felt flustered again. Parang musika sa pandinig niya ang pagtawa ng babae. Ano ba’ng nangyayari sa `kin?
“Mauna na kami, ha? Kitakits na lang tayo kapag natanggap kami,” paalam ng mga ito at nagsimula nang maglakad papunta sa Samonte Construction.