HUMINTO sa paglalakad ang labindalawang taong gulang na si Summer nang maulinigan ang isang magandang tinig. Inilapag muna niya sa damuhan ang rigaderang walang laman. Nilingon niya ang pinanggalingan ng boses, at napagtantong nagmula iyon sa kabilang bakod. Habang matamang nakikinig, sigurado na siya kung sino ang kumakanta.

There was no mistaking that voice—that particular voice that had always made her cheeks flush in a glowing tint of pink.

Aba, may itinatago palang boses si Mr. Suplado, sa loob-loob niya habang lumalapit sa may kataasang pader na naghihiwalay sa kanilang tahanan at sa kabilang bahay. Five feet lang ang taas ng bakod pero dahil hindi siya katangkaran, kulang tatlong pulgada pa bago siya pumantay sa tuktok ng sementadong pader.

There I was, an empty piece of a shell,

Just minding my own world;

Without even knowin’ what love and life were all about

Then you came,

You brought me out of the shell;

You gave the world to me.

And before I knew, there I was so in love with you…

Lumapit pa ang dalagita upang mas mapakinggan at namnamin ang liriko ng kanta. On top of that, kinikilig ang bata niyang puso sa lalaking kumakanta sa saliw ng paggigitara nito.

Hindi namalayan ni Summer na sumasabay na pala siya sa kanta. Papikit-pikit pa siya ng mga mata, walang pakialam sa pagsisintunado ng kanyang boses. Naalala tuloy niya ang komento ng papa niya na para raw ‘forbidden treasure chest’ ang kanyang singing voice.

“What are you doing?”

“Shucks, kalabaw!” Halos tumalon ang puso niya palabas ng rib cage sa labis na gulat. Tumingala siya at agad na nakita ang nakasungaw na mga mata ng isang binatilyo.

“Hi, Ice,” nangingiming bati niya. Hanggang mga mata lang ang nakikita niya rito, pero saulado na niya ang bawat hilatsa ng guwapo nitong mukha.

“Ano’ng ginagawa mo? Bakit mo ako sinasabayan?” usig nito.

Grabe, gan’un na ba kapangit ang boses ko na pati pagsabay sa kanta ay bawal na? Hindi na isinatinig ni Summer ang kanyang saloobin. Isa pa, big deal na sa kanya ang kausapin siya ng aloof na si Ice na sa loob ng limang buwan nilang pagiging neighbors, limang beses pa lang siya nitong kinausap.

At iyon ay para lang komprontahin o barahin siya. She did not mind, though. She was Summer Esquivel. Iyon ay dahil nang ipanganak daw siya sa kalagitnaan ng bagyo sa Abril, bigla na lang umaliwalas ang panahon. The sun shone the brightest when she came to the world on a summertime. Thus, the name.

“Ang ganda pala ng boses mo. P’wede kang maging crooner, alam mo ba? Ka-timbre mo si Shane ng Westlife,” sa halip ay komento niya habang nagsisirko sa kilig ang underage niyang puso.

“Hindi ko kailangan ng opinyon mo.”

“Sorry, natuwa lang akong pakinggan at sabayan ka.”

Patlang.

Tumiyad siya upang makita nang buo ang mukha ni Ice.

“What?” sita nito, nanlilisik ang maganda nitong pares ng mga mata. Kulay tsokolate ang mga iyon, gaya ng natural tint ng buhok nito.

“Siguro namana mo kay Tita Francine ang singing voice mo.”

“My mom doesn’t sing!” iritado nitong sabi. “Would you stop being nice to me? Huwag mo na rin akong kausapin. Ayaw kong may nangungulit at nagbabantay sa akin.”

Binale-wala niya ang utos nito. “Kung hindi kumakanta ang mama mo, baka ang papa mo ang talagang singer.”

Muling dumaan ang katahimikan. At sa ikalawang pagkakataon, tumiyad si Summer. Nangunot ang noo niya nang walang makita.

Hala, nag-walk out si Ice? Nakulitan na marahil sa kanya.

“Ice? Nariyan ka pa ba? Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Ang s’abi ko kasi, baka namana mo sa papa mo ang—”

Napatili si Summer nang mula sa kabilang bakod ay biglang bumuhos ang malamig na tubig. Basang-basa siya. Awtomatikong inangat niya ang paningin. Nasilayan pa niya ang timbang ginamit ni Ice para buhusan siya ng tubig.

“That’s what you get for being too nosy.”

Hindi na siya nakahuma, naulinigan na lamang niya ang paglayo nito. Naiwan siyang nangangatal sa lamig. Ngunit sa halip na makadama ng inis o galit sa binatilyo, mukhang kinilig pa siya. Martyr-in-the-making yata ang peg niya!

Written by

Ivanah Celeste

Ivanah Celeste