“HI!”

Kapwa napakislot sina Summer at Maia sa malalim na boses na nagmula sa kanilang likuran. May choreography ang ginawa nilang paglingon. Sumayad yata hanggang sa bagong scrub na sahig ang panga ni Summer sa pagkatigagal matapos mapagsino iyon.

O aparisyon lang ba ni Ice Stratford ang nasa harap niya ngayon? O dinadamdam pa rin niya ang nalaman kanina kaya kung anu-ano na ang nakikita niya?

“Hi… again,” ulit ng lalaki nang walang kumibo sa kanila.

Bahagyang nahamigan si Summer. Agad nahawi ang madilim na ulap sa kanyang bumbunan at muling napalitan iyon ng rainbow clouds. With flying colorful butterflies and dancing pink flamingos.

“H-hi, Ice.”

Muli niyang tinapunan ng tingin ang lalaki, confirming if it was really him. Baka kasi parang bula na lang itong malusaw sa harap niya. Nakatikom ang bibig nito, as usual. Ngunit dumagdag sa mysterious appeal ng binata ang seryosong karakter. He had this menacing aura in him yet she could see delicateness behind his stern look. Katulad ng nickname nito, nagyeyelo ang personalidad nito. Maybe he just needed a little heat to break his ice-hard persona. And ‘Summer’ would be just perfect to do that.

“P’wede ba kitang makausap, Summer?”

“W-what? Ako?” pakli niya habang itinuturo ang sarili. Awang ang bibig na sinaklot ng matinding tensiyon si Summer. Hindi siya makapaniwala sa naririnig niya ngayon. O kung tama ba ang pagkakadinig niya.

“Excuse, Ice, ha? Kakausapin mo ang best friend ko? Are you serious? Hindi nga?” nanlalaki ang mga matang singit ni Maia. Pasimple siya nitong siniko.

“Yeah, you heard it. Ikaw lang naman ang Summer Esquivel sa school, `di ba? Can I have a few minutes to talk to you?”

Nagkabuhul-buhol na yata ang dila niya at hindi maapuhap ang tamang salitang sasabihin. All her words lodged in her throat.

“Hey, okay ka lang, Summer?” untag ng nakangiting binata. He smiled! Lumabas ang dimples nito. Shucks, that one-million dollar smile was given to her for free! Bumilis tuloy lalo ang tibok ng puso niya. Mas mabilis pa sa ginawang paglantak ni Maia sa ensaymada niya kanina.

“Ah… eh… yes, yes, I’m fine. Sobrang okay ako. Okay na okay,” di-magkandatutong sagot niya.

“So, it’s a yes?”

Of course, it would always be a yes, Ice. Sa halip na isatinig iyon ay tumango lang si Summer.

“Great! Pero mamaya na lang tayo mag-usap, baka kasi may klase ka pa. Saka I want it to be private. Hihintayin ko na lang matapos ang last subject mo ngayong araw. Susunduin kita.”

Oh, shucks!

Ito ngang nilapitan na siya ni Ice, pakiwari niya ay nasa seventh heaven na siya, ang anyayahan pa kaya nitong mag-usap sila nang pribado.

“A-alas cinco pa ang huling klase ko. Pero p’wede naman akong mag-cutting classes. Boring naman `yung subject ko mamaya. Tinutulugan ko nga lang kaya gusto ko nang i-drop. Usap na tayo ngayon. Baka hassle sa `yo na maghintay.”

Muling ngumiti si Ice, umiling-iling ito. “No. Okay lang na maghintay ako. Ako naman ang may kailangan. Aabangan na lang kita sa Business Education Building mamayang five.”

“S-sige. Hihintayin kita. Kahit twenty-four hours kang ma-late, hihintayin kita.”

“See you later, Summer,” anang binata bago ito nawala sa paningin niya sa isang iglap.

“Oh, my God, Summer! Kinausap ka ni Ice! Iyong Ice na hindi picture o guni-guni lang. Totoong tao ang Ice na kausap mo kanina.” Impit ang kilig na niyugyog ni Maia ang magkabila niyang balikat.

“K-kinausap. Ako. Ni. Ice.”

“Pero hindi obvious na atat ka, girl. May cutting classes at pag-drop ng subject ka pang nalalaman. Saka iyong twenty-four hours kang maghihintay? Martir na martir ang peg, ha! Hindi halata kay Ice na baliw na baliw ka sa kanya,”  natatawang komento ni Maia.

Napipi lang siya. Pakiwari kasi niya ay idinuduyan pa rin siya sa alapaap. It was the best thing that happened to her today. Or ever! Bumalik lamang siya sa realidad nang maramdaman ang marahang pagpitik ni Maia sa kanyang ilong.

“What?”

“Thank God. Akala ko nabaliw ka na nang tuluyan. Pero in all fairness, ang guwapo nga talaga ni Ice, `no? I think, crush ko na rin—”

Pinukol niya ng matalim na tingin ang kaibigan. “He’s mine. All mine, so don’t you dare!” asik niya.

Kagat-labi namang nag-peace sign ito.

PARANG tinatambol nang paulit-ulit ang dibdib ni Summer nang masilayan ang nakaabang na binata sa gilid ng nilabasan niyang building. Hindi na siya sumabay sa makupad na si Maia dahil ayaw niyang ma-late sa usapan nila ni Ice.

“K-kanina ka pa?” bantulot niyang tanong dito. Maaliwalas ang mukha ng lalaki. Wala ang bahid ng pagiging tahimik at suplado nito.

“I came here a couple of minutes ago to make sure maabangan kita. Tara sa AV room. Mas tahimik doon.”

Kamuntikan na siyang mabuwal sa pagkagulat nang haklitin ni Ice ang isa niyang kamay. Pakiramdam niya ay nagliliparan ang sanlaksang paruparo sa kanyang dibdib habang nakapulupot ang mga daliri nito sa kamay niya. They were literally holding hands! The contact of their skin sent tiny shivers down her spine.

Hindi ba’t sa guni-guni lamang niya nakikinita ang scenario na nag-uusap o magkalapit man lang sila ng kanyang ultimate crush? Nananaginip ba siya? Isang apparition lang ba ang Ice na may tangan ng kanyang kamay? Dahil kung oo, ayaw na niyang gumising sa napakagandang panaginip na ito.

Mabilis ang bawat hakbang ng binata habang tinatalunton nila ang daan patawid sa kabilang building na tinutukoy nito. Inilibot niya ang mga mata sa paligid. Ang sama kung makatingin ng sangkatauhan, ha? May isang babaeng estudyante na kamuntikan nang matapilok nang makita ang holding hands while walking na eksena nila ni Ice. Yumuko na lang si Summer upang hindi na indahin ang mapanuring tingin ng mga nakasaksi sa paghahawak-kamay nilang dalawa.

Habol ang kanilang hininga nang sapitin nila ang madilim na sulok sa pasilyo. Katapat iyon ng mismong AV room. Nakasara ang silid kaya hindi na sila nagtangkang pumasok. Isa pa, kinakabahan siya sa ideyang sila lang ni Ice sa loob ng kuwartong iyon. She loved the thought, though. Ngunit nag-alangan siya dahil hindi niya alam kung paano umakto sakaling makapagsolo sila.

“B-bakit tayo nandito?” nalilitong tanong niya.

Ice inched closer as though he wanted to tell her some top secret information. Nahigit niya ang hininga sa gahiblang pagitan nilang dalawa. Sinalubong niya ang mga mata nito.

“First, I would like to apologize sa hindi ko masyadong pag-imik sa `yo noon. It’s very ungrateful of me considering na numero unong fan ka ng banda namin. At ex-kapitbahay kita. Pero may mga rason ako na hindi ko masabi sa `yo ngayon.”

Lumiwanag ang mukha ng dalaga.

“You’re forgiven!” walang tumpik-tumpik na sabi niya.

“Salamat. Anyway, may hihingin sana akong favor sa `yo…”

“Gagawin mo akong coordinator ng banda n’yo? Wardrobe assistant? O crowd control?” Tumawa siya. Intensiyon niyang pagaanin ang tensiyon sa pagitan nila ng binata. But when Ice’s gaze darkened, sensing the urgency of his purpose, her laugh died down.

“What do you want from me then?”

Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. Pakiramdam ni Summer ay mabubuwal siya sa ginawang iyon ng binata. Like her life depended on the way he was holding her. “Summer, I want you to be my girlfriend.”

Patlang.

She found herself unable to find the right words and the emotions that should go with it. Gusto niyang magsalita ngunit pakiwari niya ay sinemento ang panga niya. Nagsalubong ang mga kilay at kunot-noong hinagod niya ang mukha ng binata upang alamin kung nagbibiro ito. He was dead serious, though. Tama ba ang dinig niyang inaalok siya na maging girlfriend nito?

Pasimple niyang kinurot ang sarili para magising sa animo’y trance state niya. Saka isinatinig ang mga tanong sa kanyang utak, “A-ako? Magiging girlfriend mo? As in? Sigurado ka ba sa sinasabi mo, Ice?”

Luminga sa paligid si Ice, sinigurong hindi nakakakuha ng atensyon ang pag-uusap nilang iyon saka mas lumapit pa sa kanya. Umalon ang dibdib na napaatras ang dalaga. Idinukwang nito ang mukha palapit sa kanya. “Yes, Summer. Gusto kitang maging girlfriend. Or at least pretend like we’re somewhat in a very intimate relationship. Iyon ang pabor na hihingin ko sa `yo.”

Bahid ng pagkalitong lumikot ang mga mata ni Summer. “Magiging mag-ano tayo? I mean, mag-dyowa, gan’un? Agad-agad?”

Tumango ito.

“Is this a joke? Nagbibiro ka lang, hindi ba?”

“I’m not joking. You heard everything right. All of it.”

Lubos na sana ang kaligayahan ni Summer kung hindi lamang nakahalo ang salitang ‘pretend’ sa mga binanggit nito. Lumunok ang dalaga upang iproseso sa isipan ang proposal ng binata. Nang bahagyang makabawi sa pagkagulantang ay sinalubong niya ang tingin nito. Gahibla ang pagitan nila.

Ganoon kalapit.

Hindi niya alam kung dinig ng lalaki ang mabilis na pagtambol ng kanyang puso. But if he could hear it, sigurado siyang ipinagkanulo na siya ng kanyang damdamin. Nang mga sandaling iyon, batid niyang hindi lang simpleng admiration ang nararamdaman niya. Mas intense sa crush. Lagpas sa attraction. Tumatawid na ng boundary ng… love?

“B-bakit kailangan kong magpanggap na girlfriend mo? With that face, p’wede kang magka-girlfriend nang walang kahirap-hirap. Ang daming may gusto sa `yo rito sa San Agustin.” Nangunguna na ako.

Nalukot ang mukha ni Ice, nagkamot ng batok. This man could make wacky faces and still looked handsome.

“Okay, I want to be honest with you. Kailangan kong kunin ang tiwala mo at iyon ay kung magiging matapat ako sa `yo. Gusto kong pagselosin si Loisa. She hates you and I know you are aware of that.” Saglit na tumigil ang binata, pinag-aralan ang reaksyon niya sa pagbanggit tungkol sa kamalditahan ng ex-girlfriend nito sa kanya. “I’m trying to win her back at alam kong may nararamdaman pa siya sa akin. Pero iniiwasan na niya ako. Kaya naisip ko ang scheme na ito para makumpirma kong mahal pa niya ako at hopefully ay magkabalikan kami.”

Iyon pala ang malungkot na katotohanan. Gagawin siyang bitag ni Ice upang makipagbalikan sa impaktitang ex-girlfriend nito. She could not just assume he liked her, for heart’s sake!

Kung alam lang ng kausap kung paanong halos gumuho ang daigdig niya sa narinig na rason nito. Gayunpaman, pinilit ni Summer na umaktong hindi naapektuhan sa nalaman. Wala na siyang pakialam kahit for show lang ang lahat. Agad niyang hinamig ang sarili. Pinatatag niya ang nanghihinang mga binti.

“Pero bakit ako, Ice? Mahalagang malaman ko sakaling pumayag ako sa gusto mo.”

Nawala ang intensity sa kulay tsokolateng mga mata ng lalaki. His expression softened a bit. “I just thought you’re perfect to be my pretend girlfriend. Bukod sa inis sa `yo si Loisa, magkakilala na tayo kahit hindi kita masyadong pinapansin noon. You’re friends with Kian. You can hang out with the group anytime at magiging madali sa atin ang pagpapanggap kapag lagi kitang kasama. Naisip ko rin, mas magseselos si Loisa sa babaeng ikinaiinisan na niya dati pa. You also have what I need para mapagselos siya.”

“Gaya ng?” ungkat niya.

Ice took a deep breath then glowered at her.

“You have what it takes to get what I want, Summer. Siguradong maalarma ang ex-girlfriend ko kapag nalaman niyang nagkakamabutihan na tayo. Matalino ka at madali sa `yo ang magpanggap nang hindi niya nahahalatang pagkukunwari lang ang lahat. It’s very unlikely to say this to you, but you got that something para matupad ang plano ko. Besides, you’re really beautiful.”

You’re beautiful… you’re beautiful… beautiful… beautiful (fade away).

PAKIRAMDAM ni Summer ay panandaliang idinuyan siya sa ere ng mga papuring iyon ng binata. Maraming nagsasabi sa kanya na maganda siya. Nakuha niya ang magagandang features ng kanyang mga magulang. Ang medyo singkit na mga mata ng kanyang half-Chinese na ama. Ang maliit at matangos na ilong ng kanyang ina. Namana rin niya ang mga labi nitong tamang-tama ang pagka-pouty.

Dating finalist sa Miss Philippines ang mama niya. Sinabi nga nito, beauty queen material siya. Mahahaba na ang kanyang biyas ngayon, hindi katulad noong bata siya. Madalas nga ang udyok ng kanyang ina na mag-try out siya kahit sa mga school pageants, pero wala siyang interes na sumali sa mga ganoong contest. Ayaw niyang pagpiyestahan habang rumarampa. Lalo na ang sumemplang sa question and answer na habambuhay na ikakabit sa kanyang imahe ang kahihiyang dulot niyon. Katulad na lang ng nangyari kay Loisa.

Loisa was still lucky, though. Dahil ito ang gusto ni Ice. Hindi siya! Kaya nga siya gagawing girlfriend ni Ice para balikan ito ng ex-flame nito.

“A-and what do I get for pretending to be your girlfriend?” sa wakas ay naisatinig niya sa kabila ng sakit na kumudlit sa kanyang puso. Paninindigan na niya ang pagiging martir.

“So pumapayag ka na?”

Tumango siya. “Hindi naman mahirap ang hinihingi mong pabor.”

Ice’s lips curved into a smile. Again, it was a majestic sight to behold.

“Great! Thank you, Summer. Dahil pumayag ka na, syempre may kapalit ang lahat. How about free access sa lahat ng gigs namin? P’wede ka ring sumama sa mga front act shows at libre lahat ng kakailanganin mo—food, accommodation. I mean, everything,” excited na turan nito.

She had never seen this lively side of a stern, ice-cold aura of a man. Ngumingiti, na-e-excite, nagniningning ang mga mata. Buong akala pa naman niya ay guwapong slot machine ito na kailangan pa ng casino chips para gumana. Unfortunately, he was buzzing not because of her. Dahil pumayag siyang maging accomplice sa plano nito, iyon lang.

“Pretty fair offer at tatanggapin ko `yan. Hanggang kailan ako magpapanggap na girlfriend mo?”

Saglit na nag-isip ang binata. “Hanggang muling makumbinsi ko si Loisa na tanggapin ako ulit. Hindi naman magtatagal `yun. Probably a month…or two.”

“So, pagsasabayin mo kami? Liligawan mo siya habang ‘tayo’ pa?” What a silly question, she thought. Pero iyon na ang nanulas sa kanyang mga labi. She could not take it back.

“Yes. No. Of course not. Magpapanggap lang naman tayo, `di ba? Technically speaking, hindi talaga tayo magkarelasyon.”

Buti nga sa `yo, Summer. Taga-Assumption ka ba? Masyado ka kasing assuming.

“Paano mo siya mapapasagot kung ang alam niyang mag-on na tayo? Baka naman lalong mabulilyaso ang pakikipagbalikan mo dahil sa planong ito.”

“Ako na’ng didiskarte sa bagay na `yon. I know exactly what I’m doing. Don’t worry, I’ll tell you right away kapag okay na ang lahat. Once na gumana ang plano, tapos na ang agreement natin.”

Tumangu-tango siya tanda ng pagsang-ayon. Pero naghuhumiyaw ang isip at puso niya ng ‘No’. Iyong OA na ‘no’, gaya sa mga pelikula at teleserye na isinisigaw ng mga bida kapag sumasabog ang sasakyan ng mga mahal nila sa buhay.

“Okay, iyon lang naman pala. Free all-in concert access lang talaga ang habol ko.” Saka ikaw, Ice. “Saka palagian ko nang makikita at makakausap si Kian. Crush na crush ko kasi siya,” pagsisinungaling niya.

Bigla lamang niyang naisip iyon habang kausap si Ice. Ngayong pumayag siyang magpanggap na girlfriend nito, baka maalangan ang binata sakaling malaman nitong patay na patay siya rito. Mabulilyaso pa ang plano niyang mapalapit nang husto rito. One thing, she needed to redeem her ailing heart.

“Oh, si Kian?” salubong ang mga kilay na pagkumpirma ni Ice. “May gusto ka sa kanya?”

“Bakit, masama ba? Naku-cute-an ako sa kanya, eh. Bukod doon, ang galing niya sa keyboard. I like him. I really, really, really like him.”

Gusto sana niyang i-emphasize pa ang salitang ‘really’, pero baka mag-walk out na si Ice.

Napailing na lang ang binata. Saglit na naningkit ang mga mata nito, pero agad din namang pinawi ang gulat na ekspresyon sa pamamagitan ng pagtaas ng dalawang kamay na parang nagsasabing wala itong planong makipag-argumento pa sa kanya. “Okay. It’s pretty obvious that you really, really, really like him. Siyanga pala, may gagawin ka ba sa Linggo?”

“Ano’ng meron sa Linggo?”

Written by

Ivanah Celeste

Ivanah Celeste