“OH, shucks! It’s them.”
Napalunok si Summer Esquivel nang matanaw ang naglalakad na grupo ng kalalakihan sa hallway. Huminto siya sa paanan ng hagdanan. Papunta kasi siya sa library upang manghiram ng mga reference materials para sa feasibility study niya. Ang suwerte naman niyang ang pinakahihintay na makita ang makakasalubong niya ngayong araw.
Sino ba ang hindi nakakakilala sa popular campus boyband na The Apocalypse?
Halos lahat yata ng kababaihan maging kalalakihan ay hangang-hanga sa galing at talento sa pagtugtog ng grupo. Isa itong four-man band na binubuo ng mga graduating college students mula sa iba’t ibang kurso. Kilalang-kilala ang rockband sa buong San Agustin University. Unti-unti na rin nitong napapasok ang local music scene sa pag-front act nito sa mga shows ng mga kilalang banda sa bansa.
Si Marco Samaniego ang drummer ng grupo. Si Dex Amparo naman ang electric guitarist. Ang keyboard player na si Kian Benedicto ang may standout personality dahil ito ang pinaka-friendly kumpara sa tatlo nitong kasamahan. Kaibigan niya si Kian. Dahil iyon sa pag-fangirling niya at madalas na pakikipag-usap dito. In fact, naging kaklase rin niya ito sa ilang subjects.
Ngunit sa iisang tao lang nakalaan ang buong atensyon at labis na paghanga niya. Walang iba kundi sa lead vocalist ng banda.
Si Helice ‘Ice’ Stratford.
Tumalon ang puso ni Summer, gaya ng paulit-ulit na nangyayari sa kanya tuwing mapagmamasdan nang malapitan ang ultimate crush. Ang ex-childhood neighbor niyang nagpaligo ng nagyeyelong tubig sa kanya noon.
“Here he comes. Stay still, my fragile heart…”
Pasimple siyang gumilid at abot-taingang ngumiti habang nakapagkit ang mga mata sa napakaamong mukha ni Ice. Hinawi rin niya ang ilang hibla ng bangs niya na kumulot sa nag-uumapaw na kilig.
Si Ice ang pinakamatangkad sa grupo. Nang huli niya itong makita, she was twelve and he was fifteen then, ay sadyang matangkad na ito. At sa edad nito ngayong twenty, natantiya niyang na-hit na nito ang six-feet mark.
Aside from his tall frame, Ice had this boy-next-door charm. Iyong karakas ng mukhang hindi nakakaumay na pagmasdan. Mas gumuwapo pa nga ito ngayon. Ang maliit at matangos nitong ilong ay parang hinulma upang maging perpekto at bumagay sa kabuuan ng mukha ng binata. His prominent jaw was smooth with no trace of stubbles. And his lips were often pressed into a thin line. Madamot iyon sa mga ngiting matagal na niyang inaasam na makita.
Pero kahit pa once in a blue moon lang yata mangyayari iyon, sapat na ang titig nito para magrigodon ang puso niya. He had the richest chocolate-colored eyes she had ever seen. Tagusan kung makatingin, nanunuot iyon sa bawat hibla ng kanyang kaluluwa. Hanggang sa kaliit-liitang ugat ng kanyang puso. His stare always had a massive effect on her, forming a stored-up energy then diffusing like fireworks inside her.
Gaya ng makukulay na fireworks na sumasabog sa loob ng kanyang dibdib ngayon…
“Hi, Ice! Hi, Kian!” bati niya sa magkasabay na bandmates. Lumampas na sina Dex at Marco, nasulyapan niyang may kausap ang dalawa sa unahan. Tumigil si Kian upang ngitian siya. Kumaway pa ito upang i-acknowledge ang presence niya.
“Oh, hi, Summer. Thank you nga pala doon sa cupcakes na binigay mo sa grupo. Kamuntikan na ngang maubos nina Dex at Marco,” anito.
Ngek! Para kay Ice iyon. Napangiwi ang dalaga pero agad ding pinawi iyon.
“Naku, wala iyon. Nakahiligan ko na kasi ang mag-bake. Sana nagustuhan n’yo. Lalo na ikaw, Ice. Alam ko kasing favorite mo ang cupcakes. Sinabi sa akin ni Tita Francine five years ago, remember?”
Walang kangiti-ngiting nakatayo lang ang tinatanong niya. Kapagkuwan ay nagpaalam na si Kian samantala walang sinabi si Ice. Naiwan siyang sinusundan ng tingin ang dalawang lalaki. Deadma na naman siya ng crush niya for the nth time!
“HOY, girl! Baka maduling ka.”
Napapitlag si Summer sa malakas na tapik ng best friend na si Maia mula sa likuran. Hindi niya namalayan ang pagdating nito dahil habol-tingin pa rin siya sa grupo ni Ice.
“Ang aga mo yata ngayon. Ano’ng meron?” maang-maangang tanong niya.
“Nagtatanong ka pa kung ano’ng meron. Ikaw kaya ang sumagot? Nakita kitang nakatulala kay Ice at hindi ka makakatanggi sa akin this time. I saw you with my two beautiful smoky eyes. Para kang naglalaway kanina pagdaan niya. Ayan nga, oh, namamasa pa ang lips mo.”
Sumimangot siya. Alam na niya kung saan patutungo ang conversation nila.
“Hayan ka na naman, pagsasabihan mo ulit ako na kailanman hindi ako mapapansin ni Ice kaya itigil ko na ang ilusyon ko. Na walang future ang mahigit limang taon na pagsintang pururot ko sa kanya. Alam ko na `yun, Maia. Hindi mo na kailangang ipamukha sa akin ang katotohanan.”
“Iyon naman pala! Bakit hindi ka na sumuko sa ginagawa mo? Hindi ko alam kung bloodline ka ng Gomburza o ni Juday sa Esperanza. Wala sa lugar ‘yang kamartiran mo.”
“Masaya ako sa ginagawa ko, Maia. Pakialam mo ba! Ikaw, sinisira mo na naman ang magandang araw ko.”
Kinipkip ni Summer ang mga libro saka paingos na tinalikuran ang kanyang kaibigan. Pumanhik siya ng hagdanan. Isang oras lang ang vacant time niya bago ang sunod na klase. Gusto niyang matapos nang maaga ang feasibility study dahil sa lahat ng ayaw niya ay magkumahog na makatapos kapag last minute ng submission. Isa siyang academic scholar sa San Agustin University at nasa ikalawang taon na siya sa kursong BS Marketing.
Humabol si Maia, halos lumubog ang takong ng sapatos nito sa bigat ng nagmamadaling hakbang. Nang makaagapay, hindi na siya nilubayan ng pagtalak nito tungkol sa unrequited admiration niya kay Ice.
“Alam mo, girl, hindi sa dini-discourage kita, ha? Parang over the top na kasi iyang paghahabol mo kay Ice. Hindi pa ba sapat na binuhusan ka niya ng nagyeyelong tubig noon para ma-turn off ka sa kanya? O nang kamuntikan ka nang nahulog sa manhole sa kakahabol sa kanya? Daig mo pa ang stalker na sunod nang sunod sa mga gigs ng banda niya. Hanggang dito sa campus, hindi p’wedeng hindi mo siya makita sa loob ng isang araw. Hindi na normal ‘yan, girl. Buti sana kung may pakiramdam ang object of affection mo kaso wala, eh. Matigas pa sa yelo ang puso,” komento nito,hindi man lang nag-pause para huminga.
“Para namang napakasamang tao ni Ice. Baka nakakalimutan mong iniligtas niya ang buhay ko two months, nine days and five hours ago? Nakita mo pa nga `yun, `di ba? Iyong moment na halos yakapin na niya ako to save me from imminent danger?” kinikilig niyang pag-alala sa kamuntikan na niyang pagkabundol. Inuungutan niya kasi si Ice na pumunta sa birthday ng mama niya. Nalingat siya at hindi nakita ang humaharurot na pedicab. Maigi at naging maagap si Ice at nahaklit ang buong katawan niya bago ang impact.
Doon mas lumalim ang pagsinta niya sa kanyang prinsipe. Isa pa, sapat nang sign na muling nagtagpo ang mga landas nila sa San Agustin University pagkatapos ng limang taon. Fate might have been good to her that after such a long time, she saw him again. May chance na siyang ipagpatuloy ang kanyang pantasya rito.
“So dahil lang iniligtas ka niya sa deadly impact ng kakarag-karag na pedicab na mas mabagal pa sa karo ng patay, eh, inisip mong may chance na pansinin ka na niya? Two months na `yun pero hanggang ngayon wala pa ring nangyayari.”
“Kilala mo ako, girl. I don’t easily get discouraged. Isa pa, masaya na akong nakikita siya. Inspirasyon ko siya sa studies ko. Sa araw-araw na pagpasok ko, pagkain ko, pagtulog, paghinga at pag-utot ko. Kita mo nga, na-maintain ko ang scholarship ko ngayong second sem so I don’t see anything wrong na humanga. Palibhasa masyado kang pathetic. Ni hindi ka yata nakakaramdam ng appreciation sa kahit na anong bagay. Except ensaymada,” nakaismid na litanya niya.
“Ice is way out of your league. His personality is too intimidating for you. Popular siya, guwapo, simpatiko at habulin ng mga girls. Siguradong hindi lang ikaw ang babaeng attracted sa kanya. Isa pa, hindi kailanman magiging compatible ang summer at winter. Summer and Ice don’t go together, haller.”
Nakataas ang isang kilay na tiningnan niya ang kaibigan. “Alam ko ang limitasyon ng paghanga ko sa kanya. I assure you it’s just a special fondness kaya huwag kang OA, okay? At `yang Summer and Ice theory mo na `yan, well, pangalan lang namin ang hindi compatible. Everything else fits perfectly together!”
“Believe me, malaking problema na mag-level up ang pagsinta mo sa kanya. Soon, you’ll realize you have your fragile heart broken.”
Pinagmasdan niya ang mukha ng kausap. “Girl, p’wede bang iyang mascara at eyeliner mo ang problemahin mo kasi kumakalat na. My fragile heart is just doing absolutely fine, thank you.”
Naalarmang dumukot ng salamin mula sa bag si Maia saka sinipat ang mukha nito roon. “Oo nga, `no? Tsk, naha-haggard na ako sa Algebra. Paturo naman ng assignment mamaya,” pagdaka’y samo nito matapos mag-retouch.
“Heh! Bahala ka sa buhay mo! Matapos mo akong kontrahin, manigas ka. Maghanap ka ng makokopyahan ng assignment dahil hinding-hindi na kita tutulungan. Ever!” nangingiting bulyaw niya saka iniwan ito. Tuluy-tuloy na pumasok siya ng library.
“Ang harsh! Sige na, bagay na kayo ni Ice. Hindi na ako kokontra, promise!” kamot-ulong habol ni Maia. “Basta `yung assignment ko, ha?”
“ANO `yan, bomba?” kunot-noong tanong ni Summer sa kaibigan nang makita ang isang maliit na letter envelope na ipinatong nito sa tapat niya.
“As if magkasya ang bomba sa envelope na `to. Peace offering ko `yan kasi inaway kita kahapon.”
Pumuwesto si Maia sa harap niya saka walang pakundangang nakihigop ng iced tea niya. Hindi pa nakontento ay kinagatan pa nito ang walang bawas niyang ensaymada. “Grabe, ang sarap talaga ng ensaymada sa cafeteria! Alam mo, ito talaga ang pangarap ko pag-graduate. Ang magtrabaho sa pagawaan ng ensaymada.”
Nakamatang umismid ang dalaga, pero hindi naitago ang pagkaaliw sa joke ni Maia, kung biro man iyon. Seryoso kasi ito sa pagnguya ng kinakain.
“Pakikipag-make peace ba ang sadya mo dito, eh, halos wala ka nang itinira sa pagkain ko. Ano ba ito?” Walang kalatuy-latoy na pinunit niya ang gilid ng sobre.
“Basta, tingnan mo na lang. Careful lang at baka may maputol na wire. Baka sabay na sumabog ang mga alindog natin dito.”
Tinitigan niya si Maia parang matatae sa anticipation. Mahilig sa practical jokes at nonsense pranks ang lukaret na kaibigan na siyang ikinaiinis niya. Other than that, magkasundo sila sa maraming bagay, lalo na kung sina Channing Tatum at Ryan Reynolds ang pag-uusapan. Pareho nilang celebrity crush ang dalawa, but Maia was more of a Ryan fan samantalang siya ay Channing baby. Pero magagawa niyang pagtaksilan si Channing baby para sa kanyang Ice, Ice Baby.
“Shucks!” Tutop ang bibig na napamulagat si Summer nang sa wakas ay mabuksan ang sobre at makuha ang laman niyon. Kamuntikan na siyang napatayo sa kinauupuan upang magtatatalon, ngunit na-realize niyang nasa cafeteria nga pala siya. “Seriously, Maia? Oh, my shucks! Is this for real?” di-makapaniwalang bulalas niya, hawak ang complimentary ticket para sa performance ng Hale at Sponge Cola sa The Fort. Front act ang banda ni Ice.
“That’s for real, girl.”
“H-how?”
“Well, ako lang naman ang powerful and influential bestie in the world na nakakuha ng VIP ticket courtesy of my connections sa buong San Agustin University,” puno ng kompiyansang pagyayabang ni Maia bago muling nilantakan ang natitirang pagkain niya.
“Thank you for this, Maia. You’re an angel!” Maluwang pa sa suot na blouse ng babaeng katapat ng table nila ang mga ngiti ni Summer. “Pero teka, saan mo ito nakuha? At front row pa?” di-makapaniwalang usisa niya.
Seryosong tumunghay sa kanya ang best friend, nananantiya ang tingin. “Remember Miss Semplang?”
“Si Loisa Caballero? Iyong apo ni Bella Flores slash pamangkin ni Hitler slash ampalaya queen slash tormentor ko?”
Paano naman niya makakalimutan ang babaeng tinutukoy ng kaibigan? Kakurso at kaklase nila ito noong freshmen sila bago ito lumipat ng Tourism Management nang ikalawang taon. Loisa was very mean to her. Madalas siyang binabangga ng babae, literally. Sa hallway, sa canteen tuwing Fridays at Saturdays, sa CR ng girls. All right, pati sa CR ng boys kung saan pasimple siyang umaabang kay Ice.
Mainit ang dugo nito sa kanya, sa hindi niya malamang kadahilanan. Kung mayroon man, siguro dahil naalibadbaran ito sa kanya sa pagbuntot sa The Apocalypse, partikular kay Ice. Hindi naman niya iniinda ang madalas na pagpapasaring at pambu-bully nito sa kanya noon dahil wala sa personalidad niya ang pagiging balat-sibuyas. Isa pa, hindi na sila magkakurso para magtagpo ang mga landas nila.
“Sino pa nga ba? Hindi ba ay naging dyowa ni Ice ang bruhildang `yun?” puno ng bitterness na pagpapaalala ni Maia.
“Ouch! Ipinaalala mo pa.”
First year college sila nang pormahan ni Ice si Loisa. Wala pang isang linggong nanligaw ang lalaki ay sinagot agad ito ng hitad. It was her first major, major heartache. Good thing, gumana yata ang orasyon niya sa Mount Makiling noon kaya natapos agad ang relasyon ng dalawa.
“Pero teka, ano’ng kinalaman ni Loisa sa complimentary ticket? Huwag mong sabihing kamag-anak niya si Yael at Champ kaya may VIP pass siya?”
“No way! Si Cruella de Ville ang closest relative niya, `di ba?”
Sabay silang naghalakhakan.
“So, ano na nga?”
“Well, ayon sa aking bubuwit, pumunta raw sa klase ni Loisa si Ice kahapon. Nagbigay ng flowers at complimentary tickets. At ito namang lukaret na Loisa Caballero ay gumawa ng eksena. Biruin mong itinapon ang lahat ng ibinigay ni Ice sa basurahan. Pero hindi na mahalaga ang backstory ng compli, right? Ang mahalaga, si Mimi ang nakapulot ng isa sa mga tinapong tickets kaya hayan… voila!”
Nangunot ang noo niya. “Bakit nagbigay ng flowers si Ice kay Loisa? They broke up four months and twelve days ago.”
Maia pursed her lips. Puno ng empatikong tumingin ito kay Summer. “Huwag kang mag-o-overreact girl, ha? Promise me you won’t hurt yourself or anyone else here.”
“Ang OA mo.”
“Huwag ka ring made-depress o magtatangkang mag-suicide,” babala nito.
Natawa siya. “Gaga! Bakit ko naman gagawin `yon? Para ka namang doctor na mag-re-reveal na stage four na ang brain tumor ko. Magsasalita ka ba o babawiin ko `yang ensaymada sa `yo?”
“Okay, fine. Sasabihin ko na.” Humugot ng hangin si Maia. Sinikap nitong nguyain at lunukin ang malaking piraso ng ensaymada saka tumingin sa kanya. “Gustong makipagbalikan ni Ice kay Loisa. That’s what I heard.”
“What?!” bulalas niya.
Iyong ‘what’ ng pasyenteng nalaman na mayroon siyang stage four brain tumor sa frontal, parietal at occipital lobes. Biglang pinagtinginan sila ng lahat ng naroon sa cafeteria. May mga nagtaas ng kilay. Ang ilan ay sadyang mataas na ang drawing na kilay. Ang iba naman ay walang pakialam na bumalik sa kani-kanyang pagkain.
“Akala ko ba hindi ka mag-o-overreact?” paninita ni Maia sa mahinang tinig.
“Sorry. Na-shock lang ako.”
Shock was an understatement. Masakit kay Summer ang narinig kahit wala siyang karapatang masaktan. Nanlulumong nilaru-laro niya ang gula-gulanit na piraso ng keso at tirang ensaymada sa plato. Sumungaw ang luha sa gilid ng kanyang mga mata. Kagyat niyang pinahid iyon.
Akala pa naman niya ay tuluyan nang nawala ang asungot sa pag-asam niyang mapansin ng kanyang ultimate crush. She heaved a sigh of frustration. But then, she silently wished something or someone could spare her from her second impending heartache.
Yung naeexcite ka na lang sa mga mangyayari. Hahaha 🤣 ❤️