NAPAMULAT si Marissa nang marinig ang pamilyar na tunog ng kanyang relo. Alas-singko na naman ng umaga. Pinatay niya ang alarm at ipinikit uli ang mga mata. Unti-unti na siyang nahihimbing nang may kakaibang tunog na naman siyang narinig. Iminulat niya ang mga mata, bumangon, at hinanap ang pinanggagalingan ng tunog. Binuksan niya ang pinto ng kanyang kuwarto. Doon na naging malinaw sa kanya kung ano ang tunog na iyon. Isa iyong musika na likha ng pagtugtog ng piano.
Napapikit si Marissa sa ganda ng musikang naririnig. Simple ang mga nota pero malamyos sa kanyang pandinig. Ramdam niya ang lungkot doon, pero iyon ang nakaganda sa musika. It was ethereal, sweet, and sad all at the same time.
Sinundan ni Marissa ang pinagmumulan ng musika. Dinala siya niyon sa isang silid sa dulo ng pasilyo. Bahagyang nakaawang ang pinto niyon kaya kita kung sino ang nasa loob.
It was Lance.
Nakatalikod man ang lalaki sa kanya, kilala naman niya ang hubog ng katawan nito. Nakasuot ito ng puting wife beater at checkered na pajama. Inaamin niya, matikas tingnan si Lance sa ganoong simpleng damit.
Alam ni Marissa na kailangan na niyang umalis doon. Hindi gusto ni Lance ang presensiya niya. Pero wala siyang magawa kundi sumandal sa may door jam ng pinto at panoorin ito.
May talent si Lance sa pagtugtog ng piano. Hindi man komplikado ang piece, maganda naman ang melody.
Pero bakit sa ganoong klaseng silid ito tumutugtog? Matatawag na nga niya iyong bodega sa dami ng mga lumang gamit na nakasalansan doon. At bakit ang grand piano na tinutugtugan nito ay nasa ganoong lugar? Ang ganoong instrumento ay dapat nasa gitna ng music room, o di kaya sa sala.
“Ma’am Katrina!”
Napalingon si Marissa sa likuran niya. Pamilyar sa kanya ang mukha ng babae. Isa iyon sa mga kasambahay na nag-serve ng hapunan nila kagabi. Sa tingin niya ay nasa edad kuwarenta na ang babae. Pero bakit ito kumakaway na parang tinatawag siya papalapit dito? At bakit mukhang nag-aalala ito na hindi niya mawari?
Lalapit na sana siya sa babae nang makitang nanlaki ang mga mata nito at napatakip pa sa bibig. Nagmamadali rin itong bumaba ng hagdan.
Susundan sana niya ito nang magsalita si Lance mula sa likuran niya.
“What the hell are you doing here?!”
Nanigas si Marissa sa kinatatayuan. Parang kulog ang boses ni Lance. Paglingon niya ay nakita niyang nakatingin ito sa kanya. Kung nakamamatay lang ang tingin ay kanina pa siya nakabulagta roon.
“Narinig ko kasi ang pagtugtog ng piano. Hindi ko alam na ikaw pala iyon. Pasensiya ka na at naistorbo yata kita.”
Humakbang si Lance palapit sa kanya habang hindi pa rin inaalis ang pagkakatitig sa kanya. Napaatras siya hanggang sa naramdaman niya ang malamig na pader sa kanyang likuran.
Shit!
Dumoble ang kabog ng dibdib niya nang ilang pulgada na lang ang agwat nila. Itinukod nito ang isang kamay sa pader, dahilan para makulong siya. Yumuko ito at tinitigan siya sa mga mata.
“Ano’ng nakita mo?”
“N-nakita? Nakita kong tumutugtog ka ng piano. `Yon lang.”
“Alam mo bang walang naglalakas-loob na umistorbo o lumapit man lang dito kapag tumutugtog ako? Ikaw pa lang.”
“H-hindi ko naman alam. Pasensiya na. Aalis na lang ako para maituloy mo ang ginagawa.” Yumuko siya para lumusot sa ilalim ng braso nitong nakaharang, pero mabilis nitong ibinaba ang braso kaya bigo siyang makawala.
“Not so fast.”
“Sinabi ko naman, `di ba, na hindi ko sinasadyang mapunta rito? Kaya sorry na.”
“Such sweet lips. Hindi na ako magtataka kung bakit nahulog sa `yo ang kapatid ko. Pero hindi ako tulad niya, Katrina. Hindi mo ako mauuto.”
“Let me make myself clear, Lance. Kung ang iniisip mo ay kukunin ko ang pera ng kapatid mo, nagkakamali ka. Wala akong balak na gano’n. Gusto ko na ngang umalis dito ngayon pa lang, iniisip ko lang si Mama Betty. Ayokong umalis nang hindi pa siya magaling.”
He smirked. “Yeah right.”
Tsk! Mukhang wala itong pinaniwalaan sa mga sinabi niya. Pero wala na siyang pakialam. Sinasabi lang niya ang totoo.
“Wala na akong magagawa kung ayaw mong maniwala. Suit yourself.”
Inilapit ni Lance ang mga labi sa tainga niya. “You really get into my nerves, sis.”
Sis? Hah! He was mocking her now.
“We feel the same way. Kaya mas mabuti kung iwasan natin ang isa’t isa.”
“Then don’t come near this room again.”
“At matuto ka ring magsara ng pinto kung ayaw mong may manood sa `yo. Simpleng pagpa-piano ginagawang issue. Ang damot mo sa talento mo.”
Dumilim ang mukha ni Lance pagkatapos marinig ang sinabi niya. Tinamaan kaya ito? Pero kung ikokompara ang mga sinabi niya sa mga pang-iinsultong natanggap niya rito kahapon, eh, walang-wala iyon.
“Mag-ayos ka’t magbihis. May pupuntahan tayo pagkatapos ng agahan.” Iyon lang at pinakawalan na siya. Isinara nito ang pinto ng silid at saka siya nilagpasan.
Ang sensitive naman yata nito nang banggitin niya ang pagpa-piano. Pero mabuti na rin iyon. At least, nakawala siya sa pambu-bully nito. Pero kailangan daw niyang maligo at magbihis.
She cringed at the idea of being with him. Saan naman kaya siya nito dadalhin?