FAMILY dinner.
Gustong-gusto ni Marissa na matulog na lang pero hindi puwede. Walang rason para tumanggi siya.
She’s Katrina Santiago—for now.
Suot ang regalo ni Ma’am Betty na puting off shoulder swing sundress ay bumaba siya sa dining room para sumalo sa hapunan. Habang nasa sa hagdan ay naalala niya ang nangyari nitong umaga nang dumating siya sa bahay na iyon. Sana lang, maging kalmado na at maging mabait si Lance sa kanya. Hindi rin naman siya makikipagtunggali rito. There was no use. Aalis na siya bukas.
Nang malapit na siya sa dining room ay narinig niya ang pag-uusap nina Ma’am Betty at Lance. Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit parang may isa pang boses ng lalaki roon.
Sumilip si Marissa mula sa pinto at agad nakilala ang may-ari ng ikatlong boses. It was Keith Garcia, ang kanyang doktor. Pero ano ang ginagawa nito roon?
“Katrina!” bati sa kanya ni Ma’am Betty. Nakita pala siya nito. Tumayo pa ang ginang para sunduin siya.
Nahihiya man ay wala siyang magawa kundi magpatianod na lang. Inihatid siya nito sa isang silya. Ngayon ay nasa harap na niya si Keith na malawak ang ngiti nang makita siya. Ngumiti rin siya rito pero agad din iyong napalis. Katabi lang kasi ni Keith si Lance. Si Lance na nakahalukipkip at nakataas uli ang isang sulok ng mga labi na para bang nang-iinis. At dahil hindi pa siya nakakaupo ay kitang-kita niya kung paano siya nito tingnan mula ulo hanggang paa. Hindi tuloy niya maiwasang ma-conscious sa suot na damit. Bukod sa kita ang balikat niya ay litaw rin ang kalahati ng kanyang legs.
Kaya kaya ito nakangiti ay dahil sa revealing niyang damit? As if naman may choice siya sa susuotin. Bigay iyon ni Ma’am Betty, kawalang galang naman kung hindi niya isuot. Pilit na lang niyang hinila pababa ang saya para takpan ang naka-expose na parte ng kanyang legs.
“Kumusta na ang pasyente kong bigla na lang nawala sa ospital?”
Oh, my…
Lumipad pabalik kay Keith ang tingin ni Marissa. Tama nga pala, umalis siya kanina sa ospital nang hindi nagpaalam. Nurse siya, she should have known better. Hindi dapat umalis nang ganoon na lang ang isang pasyente.
Umupo siya sa silya. Kahit ilang segundo man lang ay magkaroon siya ng pagkakataong mag-isip ng isasagot.
“K-kasi, Doc…”
“Keith. Just call me Keith. After all, matalik kong kaibigan si Vince.”
“Oh, okay… Keith. Pasensiya na. Sinabi ko naman sa ospital pa lang na gusto ko na talagang makauwi. Hindi lang ako makapaghintay. I’m sorry.”
Tumango si Keith. “I’m just glad you’re fine. Pumunta lang naman ako ngayon dito para i-check kung okay ka na. And seeing you now…” Lumapad ang ngiti nito “…I think you’re doing fine.”
“Thank you, Keith,” sincere niyang sagot. Nagpapasalamat siya dahil inalagaan siya nito noong malubha ang kondisyon niya. Totoo rin ang malasakit ng doktor bilang kaibigan ni Vince na “asawa” niya.
“So, can we eat now?” sabi ni Lance na parang nayayamot na sa kinauupuan.
Ugh! Atribida talaga ito kahit kailan. Pero wala na siyang pakialam dito. Ilang oras na lang ay hindi na niya ito makikita pa.
Ilang sandali pa ay nagsimula nang ihain sa hapag ang mga pagkain. May karne ng baka, manok, at isda. Ang totoo ay hindi siya sigurado kung anong luto ang mga iyon. Para kasing isang chef ang nagluto ng mga pagkain. Naalala tuloy niya ang ina at kapatid. Nakakakain kaya ang mga ito nang maayos? May kaunting pera naman siyang iniwan sa kanyang ina. Sana ay sapat na iyon para makatawid ang mga ito para sa pang-araw-araw na gastusin at pampa-dialysis.
Pero mauubos na rin iyon sa mga susunod na araw. Dapat ay makagawa na siya ng paraan. Wala siyang balak na umatras sa responsibilidad sa pamilya niya. Gagawin niya ang lahat kahit pa magtago siya sa batas.
“Masaya ako na sa wakas ay nagkasalo tayong lahat sa dinner. Alam ko na kung nasaan man ngayon si Vince ay masaya siya dahil kasama ka na namin, Katrina.” Mahihimigan sa boses ni Ma’am Betty ang labis na tuwa.
Parang kinurot sa puso si Marissa dahil alam niyang hindi rin siya magtatagal doon. Bukas ay aalis na siya.
Isang tipid na ngiti ang ibinigay niya sa ginang. Hindi kasi niya alam kung ano ang isasagot sa sinabi nito.
“I’ve always been curious, Katrina,” sabi ni Lance na hindi inaalis ang tingin sa pagkain.
Agad sumibol ang kaba sa dibdib ni Marissa. “A-ano `yon, Lance?”
Hindi pa rin nito inaalis ang tingin sa hinihiwang karne. “How did you meet my brother? I’m curious how the two of you became a couple.”
“Lance, baka naman hindi komportable si Katrina na sagutin ang tanong mo. Masakit pa sa kanya ang alaala ni Vince,” tila nag-aalalang saway ng ginang sa anak.
Hindi siya nagsalita. Mas mabuti iyon para kusang sumuko si Lance.
“Ano bang mali sa tanong ko, `Ma? I want to hear their love story. I’m sure Katrina wouldn’t mind sharing it with us,” pamimilit ni Lance. “Hindi ba, Katrina?”
Halos hindi malunok ni Marissa ang kinakain. Agad niyang inabot ang baso ng tubig at uminom. Nang guminhawa na ang pakiramdam ay saka siya nagsalita. “A-ang kuwento namin ni Vince?”
Nagpunas si Lance ng mga labi gamit ang table napkin at bahagyang tumango. “Tell me, Katrina. Wala pang dalawang buwan nang magkakilala kayo ni Vince, `tapos pinakasalan ka na agad niya? Ang bilis naman yata.”
Pinigil ni Marissa na mapasinghap sa gulat. Ang alam lang niya ay mag-asawa sina Vince at Katrina. Hindi niya alam na bago lang palang magkakilala ang dalawa.
“Nag… nagkakilala kami sa isang volunteer program sa Visayas. Nagkagustuhan, gano’n.”
“Gano’n lang?” Parang hindi naniniwala si Lance.
“Nag-propose siya sa akin kaya tinanggap ko,” dagdag niya.
“Hah! Ang romantic naman. Nagkakilala, nagkagustuhan, nagpakasal. All within two months.” Puno ng pang-uuyam ang boses ni Lance.
`Kainis!
Paano ba niya gawing kapani-paniwala ang kuwento ng pag-ibig nina Katrina at Vince? Hindi niya gaanong kilala ang dalawa. Ayaw rin niyang mag-imbento. Hindi na niya gustong dungisan pa ang alaala ng mag-asawa.
Kung puwede lang na sariling love story na lang niya ang ikuwento. Kaso, wala siyang love story kaya wala siyang maikukuwento. Pag-ibig na yata ang pinakahuli sa kanyang mga priorities sa buhay.
“Anak, don’t expect Katrina to tell us their story in details. Hindi pa siya tuluyang nakaka-recover,” depensa ni Ma’am Betty sa kanya.
Gusto niyang magpasalamat sa ginang dahil sa patuloy nitong pagtulong sa kanya.
“Mahirap ba ang itinatanong ko? Okay, fine. Ganito na lang. Ano’ng plano ng mahal kong kapatid at uuwi sana siya rito?” tiim-bagang na tanong ni Lance sa kanya.
“Plano?”
“Oo, plano. He had been gone for too long. Bakit siya biglang uuwi rito?”
Pilit inalala ni Marissa ang naging pag-uusap nila ni Vince bago ang aksidente.
Ano nga ba `yon? May sinabi siya… Parang… Ah! “Ipapakilala niya ako sa inyo, iyon lang.” Kumbinsido siya sa sagot niya. Naalala niyang sinabi ni Vince na uuwi ito kasama si Katrina para makilala ng ina nito.
“Liar!”
Natigagal si Marissa. Paano naging pagsisinungaling ang sinabi niya? “Iyon ang plano ni Vince, ang ipakilala ang asawa niya sa pamilya ninyo. Hindi po ba tumawag si Vince sa inyo, Mama Betty? Sabi niya, sana maging mabait kayo sa akin. Tumawag siya bago ang aksidente.”
Mabuti na lang at naalala niya ang detalyeng iyon.
Sunod-sunod na tumango ang ginang. “Totoo. Sinabi nga `yan ni Vince. Kaya, Lance anak, huwag mo nang pagdudahan si Katrina. Nag-usap na rin tayo tungkol dito, `di ba?”
Duda? Nagdududa pala si Lance sa katauhan ni Katrina? Ano naman ang mga duda nito?
Parang walang narinig si Lance na patuloy lang sa pagtatanong sa kanya. “Kumusta ang trabaho ni Vince?”
“Maayos naman.”
“Maayos lang?”
“Oo, maayos. Nanggagamot pa rin siya.”
Bahagyang tumango si Lance. “So, gusto niyang ituloy ang pagbo-volunteer?”
“Oo.”
“Sinungaling.”
Nanlamig ang buong katawan ni Marissa. May nasabi na naman ba siyang mali? Shocks! Sana hindi na lang siya nagpadalos-dalos sumagot. Or better yet, hindi na lang talaga siya sumagot!
“Lance! That’s enough,” saway ni Ma’am Betty sa anak.
“Nag-usap din kami ni Vince, `Ma. He was selling his share to me because he planned to leave the country for good. Pupunta sila ng asawa niya sa Canada at doon na titira.” Pinukol siya ni Lance ng matalim na tingin. “`Di ba, Katrina?”
Nanuyo ang lalamunan ni Marissa. Hindi siya makapagsalita. Pero ano naman ang sasabihin niya? Hindi niya alam kung totoo o hindi ang sinabi ni Lance. Pero sino naman siya para i-confirm o i-deny ang mga iyon? She was just deceiving everyone that she was Katrina.
Sinulyapan niya sina Ma’am Beth at Keith. Mababakas sa mga mukha ng dalawa ang pagkalito.
“O, ano? Hindi ka makapagsalita. O baka naman iba na ang plano mo?”
“Tama na `yan, Lance,” muling saway ni Ma’am Betty.
“Hayaan n’yo siyang magsalita, `Ma.” Hindi pa rin inaalis ni Lance ang pagkakatitig sa kanya. “Ano, Katrina? Huwag mong sabihing mali ang mga sinabi ko? And just to let you know, my dear sister-in-law, you’re seven hundred million richer now. `Yan ang perang naiwan sa `yo ng kapatid ko. Hindi pa kasama roon ang pera at ari-ariang mamanahin niya sa nanay namin. So tell me, what are your plans?”
Plans? Ang tanging plan lang niya ay makaalis sa bahay na iyon sa lalong madaling panahon! Napakakomplikado ng napasok niyang sitwasyon. Kaya isa lang ang gusto niya—ang makatakas sa bahay na ito!
“Naghihintay kami, Katrina. Sabihin mo,” sabi ni Lance.
Mabilis na umiling si Marissa. “Wala akong sasabihin tungkol diyan dahil hindi ko kailanman inisip ang tungkol sa pera. Sa inyo na ang pera ninyo.” This time, she was not talking as Katrina but as Marissa. Wala na rin siyang pakialam. Tulad ng plano niya, aalis na siya bukas. Kahit ano pa ang sabihin niya, hindi naman na mahalaga.
Tumayo siya mula sa kinauupuan. “Pasensiya na po, Mama Betty. Sumama po bigla ang pakiramdam ko. Magpapahinga lang po ako.”
“Teka, hindi ka pa tapos kumain,” pigil ng ginang sa kanya.
Umiling siya. “Pasensiya na po talaga.” Sinulyapan niya si Lance. “Mukhang hindi po kasi gusto ni Lance na nandito ako ngayon.”
Nagkibit-balikat si Lance na parang iniinis pa siya.
“Huwag mo na lang siyang pansinin, hija. Kumain ka—” Hinawakan ni Ma’am Betty ang noo nito.
Nanlaki ang mga mata ni Marissa. Pero bago pa man niya matanong kung ano ang nararamdaman ng ginang ay bigla na lang itong nawalan ng malay.
“Mama Betty!”