POONG mahabagin!
Alam ni Marissa na maykaya ang pamilya ni Vince dahil nakapagtapos ito ng kursong Medisina. Mababakas din sa ayos ng ina nito ang sopistikasyon. Pero hindi niya inakalang sobrang yaman ng mga ito.
Mula sa gate ng bahay hanggang sa malawak na hardin ay naghuhumiyaw ng karangyaan. Well- maintained ang mayayabong na mga halamang namumulaklak. Ang greenhouse ay napakaeleganteng tingnan.
Ilang metro pa ang itinakbo ng sasakyan bago iyon huminto sa harap ng isang bahay—no, hindi iyon basta bahay. Isa iyong mansiyon. Napakagarang mansiyon! Hindi niya kailangang maging architect o engineer para malaman kung gaano kamahal ang istrukturang iyon. Yari ang mansiyon sa pinaghalong makaluma at modernong disenyo. Napaghahalatang ang mga ninuno ni Vince noon pa man ay mayayaman na.
Pagkababa ng sasakyan ay iginiya siya ng ginang papasok sa mansiyon. Mas nalula siya nang makita ang mga muwebles sa loob ng bahay. Mula sa napakalaking maladiyamanteng chandelier, sa isang grand staircase patungo sa ikalawang palapag ng bahay, sa mga upuan at malalaking plorera, hanggang sa mga carpet at mga kurtina. Hindi tuloy niya malaman kung hotel ba iyon o bahay.
“Katrina?”
“H-ho?”
“Ayos ka lang? Kanina pa kita tinatawag.”
Kanina pa nalulula si Marissa mula sa kinatatayuan kaya marahil hindi niya narinig na tinawag siya nito. “O-opo. Okay lang po ako.”
“Mabuti pa, ihatid na kita sa magiging kuwarto mo at nang makapagpahinga ka na.”
Tumango siya bilang pagpayag. Pero hindi pa man sila nakakahakbang nang may magsalitang lalaki.
“It’s nice to see you, Katrina.”
Agad napadako ang tingin ni Marissa sa pinakataas na baitang ng grand staircase. Isang matangkad at makisig na lalaki ang nakatayo roon. At bago pa man niya mapuri ang guwapong mukha nito ay agad bumalot sa buo niyang katawan ang takot at gulat.
“V-Vince?!
“Yes, it’s me…”
“P-pero patay ka na!”
“I’m still alive, my dear wife.”