“MRS. SANTIAGO… Mrs. Santiago, gising po!”

Iminulat ni Marissa ang mga mata at tumingin sa paligid. Hindi siya makapaniwala. Kailan pa siya nawalan ng ulirat sa gitna ng kanyang shift? Paano siya napunta sa private room ng ospital? At sino ang staff nurse na nasa harap niya? Bago ba ito? Ngayon lang kasi niya ito nakita.

“Mrs. Santiago, okay lang po ba kayo?” tanong sa kanya ng nurse. Inilapag nito ang hawak-hawak na patient’s chart sa bedside table at lumapit sa kanya.

Kahit medyo nahihilo ay agad bumangon si Marissa. “Okay lang ako. Teka, bakit ako nandito? Dapat nasa ICU ako. Doon ako naka-assign!” Tatayo na sana siya nang pigilan siya ng nurse. “Teka lang po, Mrs. Santiago. Huwag po kayong masyadong malikot. May suwero po kayo sa kamay.”

Agad na napadako ang tingin niya sa kanyang braso. Mayroon ngang suwero doon. “Teka, bakit ako may ganito? Pampasyente lang `to! Nurse ako sa ospital na `to!”

Umiling ang nurse. “Kalma lang po, Mrs. Santiago. Baka naguguluhan po kayo sa mga oras na ito dahil po sa nangyari sa inyo. Huminga po muna kayo nang malalim at mag-isip nang mabuti. Kadalasan po ng mga naaaksidente ay may post-traumatic stress.”

“S-sino’ng naaksidente?”

“Kayo po, Mrs. Santiago.”

“Teka, bakit mo ba ako tinatawag na Mrs. Santiago? Hindi ako si Mrs. Santiago. Ako si Marissa Oliver. Nurse ako dito at sa ICU ako naka-assign.”

“Mrs. Santiago…”

“Hindi nga ako si Mrs. Santiago. Tingnan mo `yang chart mo. Hindi `yan Mrs. San—” Natigilan si Marissa nang mabasa ang nakasulat sa heading ng chart.

Katrina Santiago.

Agad niyang ininspeksiyon ang intravenous fluid tag sa bote ng kanyang suwero.

Katrina Santiago.

Binasa niya ang nakakabit sa kanyang wrist tag.

Katrina Santiago.

Ano bang nangyayari? Kailan ba siya naging si Katrina Santiago?

Inilibot niya ang tingin sa loob ng kuwarto. Hindi ganoon ang hitsura ng mga kuwarto ng St. Simon Medical Hospital na pinagtatrabahuhan niya.

Pero nagtatrabaho pa nga ba siya sa ospital? Hindi ba’t…

Tila isang sampal ang biglang pag-agos ng alaala sa kanyang isip. Unti-unti niyang naalala ang mga nangyari sa kanyang buhay. Kung bakit siya umalis sa dating ospital na pinagtatrabahuhan at naging private duty nurse. Kung ano ang nangyari sa kanyang matandang pasyente. Kung bakit siya hinahabol ngayon ng mga pulis. Kung bakit siya sumakay ng bus. At bakit siya nakahiga ngayon sa hospital bed.

Hindi na niya napigilang mapahagulhol. Bakit ba niya nasalo ang lahat ng kamalasan sa mundo? Ano ba ang pagkakamali niya at binigyan siya ng ganitong karma?

Naramdaman ni Marissa ang paglapat ng palad ng nurse sa kanyang balikat. “Alam po namin na mahirap ang pinagdadaanan ninyo ngayon. Pero mahal po kayo ng Diyos kaya niya kayo iniligtas. Mayroon pa po kayong misyon sa mundong ito, Mrs. Santiago.”

“Hindi nga ako si Mrs. Santiago!” bulyaw ni Marissa sa nurse kaya napaatras ito. Alam niyang ginagawa lang nito ang trabahong pag-aalaga sa kanya. Alam niya iyon dahil isa rin siyang nurse. Pero sa mga oras na iyon ay gulong-gulo ang isip niya.

Hihingi na sana siya ng patawad nang makitang nakalapag sa mesa ang medical chart niya.  Agad niya iyong kinuha.

“Teka po! Ma’am, hindi n’yo po puwedeng basahin `yan,” pigil sa kanya ng nurse na pilit kinukuha sa kanyang kamay ang chart.

“Sino’ng maysabi? Karapatan kong malaman ang kondisyon ko.”

“Dapat po, ang doktor ang magpapaliwanag sa kondisyon ninyo.”

Hindi na pinakinggan ni Marissa ang iba pang sinasabi ng nurse. Binulatlat niya ang laman ng chart at binasa ang admission date. Magsasampung araw na mula noong ipinasok siya roon. Binasa rin niya ang nurse’s notes at nalamang wala siyang malay hanggang kani-kaninang paggising niya. Nagkaroon din siya ng sugat sa ulo. Hinanap agad niya ang resulta ng kanyang CT scan. Nakahinga siya nang maluwag nang malamang wala siyang internal injury sa ulo. Sinilip din niya ang iba pang mga laboratory test. Mabuti na lang, wala ring problema ang mga iyon.

Wala man siyang matinding problema sa katawan, malaki naman ang problema niya sa pagiging komplikado ng mga pangyayari.

Binalikan niya ang unang pahina ng chart at binasa ang mga detalye tungkol kay Katrina Santiago. Walang nakalagay na birthday roon. Pati address ay wala rin. Ang tanging nakalagay roon ay kung sino ang asawa nito.

Vince Robert Santiago.

Vince…

Saan nga ba niya narinig ang pangalang iyon?

Vince and Katrina. Parang napakapamilyar sa kanya ang mga pangalang iyon. Parang…

Tama! Hindi siya puwedeng magkamali. Nakasabay niya sa bus ang mag-asawa. Pero paano nangyaring siya ang inaakalang si Katrina?

Muling sinilip ni Marissa ang chart at naghanap ng iba pang impormasyon. Natutop niya ang bibig nang makita ang nakasaad sa chart tungkol sa asawa ni Katrina.

Oh, my God.

Ayon sa chart, deceased na si Vince. “Totoo ba ang nakalagay rito? Si Vince… wala na siya?”

Nakita ni Marissa sa mukha ng nurse ang pagkaligalig sa tanong niya. Hindi rin naman niya ito masisisi. Hindi kasi tungkulin ng isang nurse ang magpaliwanag sa maseselang impormasyon. Bilang isang nurse ay naiintindihan niya iyon. Pero kailangan talaga niyang malaman ang mga nangyayari.

“Okay lang ako. Sabihin mo ang totoo. Ano’ng nangyari sa kanya?”

“Pero mas mabuti kung ang mga kamag-anak mo o si Doc po ang magpaliwanag sa inyo sa mga nangyari.”

“Pero kailangan kong malaman ngayon.”

“Pero, Mrs. Santiago.”

“Please. I need to know.”

“I’ll tell you.”

Pareho silang napalingon ng nurse sa pintuan. Nakatayo roon ang isang matandang babae. Nakasuot ito ng ternong puting blouse at palda. Hindi maikakaila ang pagiging elitista ng babae base sa ayos at mukha.

Magtatanong uli sana siya nang magsalita ang babae.

“I’m sorry, Katrina. Vince is dead. You lost your husband. And I lost my son.”

Written by

Ysa Lee

Ysa Lee