NAPAMULAT si Marissa nang marinig ang iyak ng isang sanggol. Ang katabi pala niyang baby ang umiiyak. Akay-akay ito ng ina na may isa pang anak na batang lalaki sa tabi nito. Gusto sana niyang daluhan ang babae dahil mukhang nahihirapan sa dalawang inaalagan, pero may tumapik sa kanyang balikat. Paglingon ay ang asawa pala ng doktor.

“Excuse me,” sabi ng babae. “Pasensiya ka na. Puwede bang magpalit muna tayo ng upuan? Tutulungan ko lang siya. Sandali lang naman. Please?”

Tumingin si Marissa sa katabing babae. Mukhang hirap nga ito dahil hindi tumitigil ang bata sa kakaiyak.

Sa tingin niya ay wala namang masama sa hinihingi sa kanya kaya pumayag na rin siya. Agad silang nagpalit ng upuan ng asawa ng doktor.

“Vince, mahal. Dito muna ako, ha?” paalam ng babae sa asawa nito. Vince pala ang pangalan ng lalaki.

Simpleng tumango lang si Vince, pagkatapos ay tumingin sa kanya. “Pasensiya ka na, ha?”

“Para saan?”

“Ang kulit kasi ng misis ko.”

“Okay lang. Sa totoo lang, masuwerte ka at mukhang napakabait niya. Hindi niya natiis ang umiiyak na sanggol.”

Rumehistro sa mukha ni Vince ang isang ngiti. Nahigit niya ang hininga nang lalong lumitaw ang  kaguwapuhan nito. Hindi kalabisan kung sasabihin niyang puwedeng-pwede itong maging artista o modelo.

“Nakilala ko siya sa isang medical mission sa Visayas. Nang mamatay ang buong pamilya niya sa landslide, naging volunteer siya para sa mga mahihirap. Her positive outlook in life really amazed me. That’s what made me fall in love with her.” Buong pagmamahal na sinulyapan ng lalaki ang kabiyak.

Inaamin ni Marissa, nakaramdam siya ng inggit sa babae. Hindi iyon dahil may guwapo itong asawa na mahal na mahal ito, kundi dahil may matatag itong kalooban. Isa kasi iyon sa mga kailangan niya—ang maging matatag nang mga sandaling iyon.

“Suwerte din siya at natagpuan ka niya. Impressive ang mga doktor na nagseserbisyo sa charity.” Marami siyang kilalang doktor na puro pagpapayaman lang ang nasa isip. Nakakalimutang magserbisyo sa mahihirap.

Tipid na ngumiti si Vince. “Wala na siyang pamilya. She has no one else but me. At siya naman ang sandalan ko.”

“Bagay kayo. Isang maalalahaning doktor at isang napakaganda at mabuting volunteer,” sabi ni Marissa. Hindi iyon labas sa ilong. Totoong nakakahanga para sa kanya ang mag-asawa.

Muling sinulyapan ni Vince ang asawa at saka ngumiti. “I know.”

Naputol ang pag-uusap nila nang biglang nag-alarm ang digital watch niya. Alas-singko na ng umaga. Ang relo niya ang nagsisilbi niyang alarm clock para magising. Ganoong oras kasi nagsisimula ang araw niya. At ang unang-una niyang ginagawa ay nagte-text sa ina para batiin ng “good morning.” Dahil nakatira siya sa bahay ng kanyang pasyente ay nakaugalian na niyang gawin iyon para hindi siya ma-miss ng ina.

Ipinasok niya ang kamay sa bulsa ng jacket para kunin ang cell phone. Pero nang maramdamang wala roon ang hinahanap ay napabuntong-hininga na lamang siya. Naiwan nga pala niya iyon sa mansiyon. Paano niya ipagbibigay-alam sa ina ang nangyari sa kanya? Kailangan na talaga niya itong tawagan para ipaalam na ayos lang siya. Na nasa mabuti siyang kalagayan.

Nilingon ni Marissa ang doktor. May kausap ito sa cell phone. Parang sumibol ang pag-asa sa puso niya. Dahil mabait naman ang lalaki, may posibilidad na pahihiramin siya ng cell phone para makatawag.

Habang hinihintay niyang matapos ang lalaki sa pakikipag-usap ay hindi niya maiwasang marinig ang mga sinasabi nito.

“Yes, `Ma. We’ll be there by ten… Yes, Katrina is with me. Please be nice to her. She’s a very lovely woman. Magugustuhan n’yo siya.”

Katrina. Iyon pala ang pangalan ng asawa ni Vince. At tulad ng sinabi nito, sigurado siyang magugustuhan ng sinuman si Katrina. Napakabait at masiglahin nitong babae.

Nang matapos makipag-usap si Vince, napansin ni Marissa na nakatitig ito sa labas ng bus. Iyon na ang hinihintay niyang pagkakataon.

“Uhm… excuse me,” lakas-loob niyang tawag kay Vince.

Tumingin agad ito sa kanya. “Bakit?”

“Puwede bang… Uhm, makitawag sa cell phone mo? Naiwan ko kasi ang sa akin,” pagsisinungaling niya.

Ngumiti ang lalaki at agad iniabot sa kanya ang gadget. “Sure.”

Tama si Marissa, napakabait ng doktor, pati na ang asawa nito. Hindi kaya ipinadala ito ng Diyos para tulungan siya sa kasalukuyang problema?

Pagkahawak niya sa cell phone ay agad niyang inalala ang number ng ina. Mahirap nang mali ang matawagan niya. Nang masiguro ang numero ay nagsimula na siyang mag-dial. Pagkatapos ng ilang ring ay sinagot agad ng nanay niya ang kanyang tawag. Kailangan pa niyang lumipat sa likod na bakanteng upuan para lang hindi marinig ng doktor ang pag-uusap nila ng ina. Ayaw niyang malaman ng lalaki ang kanyang sitwasyon.

Halos umiyak ang kanyang ina. Alalang-alala ito sa nangyari sa kanya. Lahat na yata ng pampalubag-loob ay sinabi na niya para lang mapanatag ito.

Ilang minuto pa ang lumipas nang tuluyang kumalma ang kausap. Ipinaliwanag niya rito ang desisyon na magpakalayo-layo. At kahit pa medyo tutol ito ay naintindihan naman siya. Sinabi na lang niya na mag-iingat siya at tatawag uli sa susunod na pagkakataon.

Nang matapos ang pag-uusap nila ng ina ay bumalik na siya sa upuan. Magpapasalamat na sana siya kay Vince nang maramdamang biglang pumreno ang bus. Sa lakas niyon ay napasubsob siya sa upuan sa harapan. Pero bago pa man niya ma-realize ang mga nangyayari, biglang nagdilim ang paligid.

 

“YOU KILLED my grandfather!”

Nanginginig ang buong katawan ni Marissa habang minamasdan ang walang buhay na si Lolo Greg. Yakap-yakap ito ni Anthony. Si Erica naman ay nasa gilid lang, umiiyak din.

“Kahapon lang ay maayos naman siya. Sabi nga ng therapist niya, gumagaling na siya! Bakit ngayon, ganito na ang nangyari?” sigaw ni Anthony sa kanya.

Basa na ang mga pisngi ni Marissa sa kakaiyak. Medyo sumama ang pakiramdam niya at nahihilo siya pagkatapos ng pananghalian kaya minabuti niyang umidlip muna. Kinunan pa niya ng vital signs ang matanda at binigyan ng gamot bago matulog. Siniguro niyang maayos ang kalagayan nito bago ang sarili. Kaya ganoon na lang ang gulat niya nang pagkagising ay wala na itong buhay at nagsisisigaw na si Anthony.

“Hindi po! Okay naman siya kanina.” Pinilit ni Marissa na magsalita kahit nahihirapan dahil sa pag-iyak.

“I don’t believe you! Kung hindi ka naging pabaya, buhay pa sana si Lolo!” hysterical na sabi ni Erica.

Nagtaka siya dahil noon pa man ay hindi malapit ang babae sa matanda.

Nilapitan ni Erica ang nakahilerang mga gamot at medical paraphernalia sa kalapit na mesa at isa-isang tiningnan ang mga iyon na para bang nag-iinspeksiyon.

“Hindi ka kaya nagkamali sa pagbigay ng gamot? O baka hindi mo lang talaga naibigay ang gamot niya?! Natutulog ka kasi! Hindi mo siya binabantayan nang maayos!”

Pakiramdam ni Marissa ay sinaksak siya sa puso dahil sa mga narinig mula kay Erica. Hinding-hindi niya kayang tanggapin ang paratang nito.

“Masama po kasi ang pakiramdam ko kanina kaya umidlip ako sandali. Pero sigurado po ako, maayos na maayos siya kanina. Nag-usap pa nga po kami. Maganda naman daw po ang pakiramdam niya.”

“Baka inatake siya habang natutulog ka! Kung hindi ka natulog at binantayan mo siya, hindi ito mangyayari! Kasalanan mo!”sigaw ni Anthony sa kanya.

Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Pero malabo talagang atakihin sa puso ang matanda dahil wala naman itong sakit sa puso. At napaka-stable na ng kondisyon nito para bigla na lamang mai-stroke uli. Hindi rin naman tumataas ang blood pressure nito dahil sa antihypertensive medications. Kaya nakapagtataka naman kung bigla na lang itong mamamatay sa loob ng isang oras niyang pagkaidlip.

There must be some other reason.

Ibubuka na sana uli ni Marissa ang bibig para magpaliwanag, pero nanlilisik ang mga matang hinarap siya ni Anthony.

“Kung alam ko lang na ganito ang gagawin mo, sana hindi na lang kita kinuhang nurse niya. Mamamatay-tao ka pala!”

Hindi lang ang puso niya ang nadurog sa narinig. Pati buong pagkatao niya ay tila nawalan ng dangal.

Written by

Ysa Lee

Ysa Lee