NANINIKIP ang dibdib ni Marissa habang pinagmamasdan si Ma’am Betty na nakahiga sa malawak nitong kama. Nakatulog ito pagkatapos painumin ni Keith ng gamot. Nakadalo pa rin ang doktor sa ginang, pinapakinggan ang dibdib nito gamit ang stethoscope. Napakabait ni Ma’am Betty sa kanya. Hindi niya nanaising magkasakit ito.
Lumapit si Keith sa kanya. “Cheer up, Katrina. She’ll be fine.”
Naniniwala naman si Marissa sa sinabi ng doktor. Pero hindi lang iyon ang ikinabahala niya. “Kasalanan ko kung bakit nai-stress si Mama Betty. I should have known better.”
Tinapik ni Keith ang kanyang balikat. “It’s not your fault. Matagal nang hypertensive at may sakit sa puso si Tita Betty. At saka ilang araw na rin niyang napapabayaan ang sarili. Inamin niya sa akin na nakakalimutan niya ang pag-inom ng gamot dahil sa dami ng iniisip.”
Lalo pang nanikip ang dibdib ni Marissa sa nalaman. “Dahil din `yon sa akin. Inalagaan niya ako nang mabuti sa ospital. It cost her health.”
“Well, sabihin na nating tama iyon. Pero huwag nating alisin ang katotohanang namatayan siya ng anak. Kung nakita mo lang ang hitsura niya noong inilibing si Vince. Akala ko talaga, maaatake na siya. That was her worst condition.”
“It’s my fault.”
“Hindi, Katrina. Matagal na ang sakit ni Tita. She just needed time to rest. Ang sarili naman niya ang alagaan niya.”
Naalala tuloy ni Marissa ang sariling ina. May sakit din ito tulad ni Ma’am Betty. Pero heto siya ngayon, wala man lang maitulong.
“Huwag ka nang mag-alala. Kompleto naman ang mga gamot niya. Basta inumin lang niya ang mga iyon at magpahingang mabuti, magiging okay na siya. `Di bale, sasabihan ko ang mga kasambahay na lagi siyang paalalahanan sa mga gamot niya. Nailista ko na rin kung kailan ipapainom ang mga ito.” Ipinakita ni Keith ang isang papel na puno ng mga instruction sa pagpapainom ng gamot.
“Ako na lang.” Kinuha ni Marissa mula sa kamay ni Keith ang papel at mabilis iyong binasa. “Okay, ako na ang bahala rito. Puwede bang mag-request ng sphygmomanometer at stethoscope? Pati na rin ECG machine?”
“A-ano?”
“Ako na ang magbibigay ng gamot niya.”
Umiling si Keith. “Hindi `yon.”
“Ano ba ang sinabi ko?”
“You wanted me to provide you medical equipment including an ECG machine.”
Nakagat ni Marissa ang ibabang labi. Ano ba ang pinagsasabi niya? Ibinubuking na yata niya ang sarili! “Ah… kasi…”
“Marunong ka bang gumamit ng mga sinabi mo kanina?”
“Uhm… `Yong BP apparatus, oo. Dahil sa volunteer works, natuto ako. Pero ang ECG machine, naisip ko lang na baka magandang maglagay rito sakaling kakailanganin mo. T-tulad na lang ng nangyari ngayon. `Di ba mas magandang may available na ganoon dito sa bahay?”
“Well… puwede naman. Magpapadala na lang ako rito. Para din naman iyon kay Tita. Tuturuan na rin kita kung paano gamitin ang mga iyon.”
Nakahinga siya nang maluwag. Sa susunod ay kailangan na talaga niyang mag-ingat, kung hindi, mapapahamak na talaga siya.
Nang masiguro ni Keith na nasa maayos na kalagayan si Ma’am Betty ay nagdesisyon nang umuwi. Inihatid niya ito sa labas ng bahay para na rin magpasalamat. Ang hindi niya inaasahan ay ang nakatayong si Lance sa tabi ng kotse ni Keith. Nag-usap ang dalawa bago tuluyang umalis ang doktor.
Agad pumasok si Marissa sa kabahayan at pinuntahan si Ma’am Betty sa kuwarto nito. Habang naglalakad ay pinaplano na niya sa isip kung paano maaalagaang mabuti ang ginang. Dapat talaga niyang i-follow up ang mga hiningi niyang medical equipment kay Keith. Makakatulong ang mga iyon para ma-monitor niya ang kondisyon ng matanda.
“Now I know how you deceived my brother. Magaling kang kumuha ng loob ng isang tao.”
Nasa kalagitnaan siya ng pag-iisip nang biglang may nagsalita sa likuran niya. My goodness! Hindi pa ba tapos ang lalaking ito sa pakikipagtalo? Ano na naman ang iniisip nitong masama tungkol sa kanya?
“Pasensiya ka na, Lance. Hindi ko priority ang makipagtalo sa `yo. Kailangan ni Mama Betty ng mag-aalaga sa kanya.”
“Wow!” Lumapit si Lance sa kanya at pinalakpakan siya. “Ikaw na ang ulirang manugang.”
Kaunti na lang, mapapatid na ang gahiblang lubid ng kanyang pasensiya sa lalaking ito. “Hindi ka ba nag-aalala sa mama mo? Anong klase kang anak?”
Nahigit niya ang hininga nang bigla nitong hawakan ang braso niya at hinila siya palapit dito. Hindi tuloy niya maiwasang mailapat ang palad sa matigas nitong dibdib. Nang iangat niya ang mukha ay binati siya ng nag-aapoy nitong mga mata. Nakatitig ito sa kanya na parang isang leon na nasa mga kamay ang biktima.
“Katrina…”
Nag-init ang mga pisngi ni Marissa sa paglalapit nilang iyon ni Lance. Hindi rin niya maintindihan kung bakit tumambol ang kanyang dibdib nang lumabas sa mga labi nito ang peke niyang pangalan.
“B-bitiwan mo ako.”
Pero hindi siya nito binitiwan. “Alam mo kung bakit hindi kita matanggap-tanggap?”
Hindi siya sumagot, bagkus ay sinalubong niya ang nagbabaga nitong mga mata.
“Dahil pinili ka ng kapatid ko—ng kapatid kong walang inisip kundi ang sarili niya. Mas pinili niyang umalis dito, magpakasaya kasama ang ibang tao, at iwan kami ni Mama. Kaya huwag na huwag mong kukuwestiyunin ang pag-aalala ko sa nanay ko dahil noon pa man, kami nang dalawa ang magkasama.”
She held her breath, trying to absorb his words. Ramdam din niya ang sakit at galit sa puso nito. In a split of a second, she wanted to touch his face. Pero bago pa man niya magawa iyon ay muli itong nagsalita.
“`Tapos ngayon, namatay na lang siya bigla at nag-iwan ng biyuda dito sa pamamahay namin?” Umiling-iling si Lance. “Hah! Kahit sa kabilang buhay ay marunong pa rin siyang pahirapan ako. If not for Mama, hindi talaga kita patutuluyin dito.”
Diyos ko! Anong gulo itong napasok ko?
Kung kailan nagdesisyon na siyang alagaan nang ilang araw si Ma’am Betty ay saka namang magbibitaw si Lance ng ganoong mga salita.
“Kaya naman, babae,” pagpapatuloy ni Lance, “sinasabi ko sa `yo, mag-ingat ka. Dahil walang puwang ang gold digger sa pamamahay na ito.”
Nahigit ni Marissa ang hininga nang yumuko ang lalaki at inilapit ang mukha sa kanya. “And I know one when I see one.”