NANIGAS ang buong katawan ni Marissa habang pinapanood ang pagbaba ng lalaki sa hagdan. Habang palapit ito nang palapit sa kanya ay mas lumilinaw ang mukha nito.
Hindi siya namamalikmata lang. Si Vince nga ang nakikita niya!
“Nagulat ba kita?” tanong nito nang halos isang dipa na lang ang layo sa kanya. Sa ganoong distansiya ay bumalik sa kanya ang panahong nasa bus sila at magkasama sa biyahe. Ganoong-ganoon din ito kakisig at kabait.
Pero para saan ba’t sinabi ng lahat sa kanya sa ospital na patay na ito? Napakalusog nitong tingnan at ni galos ay wala siyang makita rito.
At bakit siya nito tinawag na Katrina? Hindi ba nito naaalala ang tunay na asawa?
O baka nabuking ka na, Marissa?
Magkahalong kaba at lito ang namamayani sa loob niya. What the hell was happening?!
“How are you, wifey?”
Ikinuyom ni Marissa ang nanginginig na mga kamay. “V-Vince. H-hindi ko alam…”
Lumapit pa ang lalaki sa kanya at tinitigan siya sa mga mata.
Weird. Mapupungay ang mga mata ni Vince. Laging may saya roon. Pero parang nagbago ito ngayon. Para itong may apoy. May galit. O baka naman namamalikmata lang siya?
“Akala mo ba, patay na talaga ako?” Tumaas ang isang sulok ng mga labi nito. “Well, sorry to disappoint you pero mukhang hindi ko pa maipapamana sa `yo ang pera’t kayamanan ko.”
May ganoong issue sa pagitan ng mag-asawang Vince at Katrina? Pero napaka-sweet ng dalawa noong nagkasama sila sa biyahe?
And why the fuck was he still referring her as his wife? Hindi ba nito naaalala ang hitsura ng asawa?
Vince moved a little closer to her. Mas klaro na ngayon sa kanya ang tila galit sa mga mata nito.
Napaatras si Marissa. Halos hindi rin siya makatingin nang deretso rito. “V-Vince…”
“Stop it!” Umalingawngaw ang boses ni Ma’am Betty. Umiiling-iling ito na para bang nawawalan na ng pasensiya.
“Why, `Ma? I’m just telling the truth to my… wife.” Pagkasabi niyon ay ngumisi si Vince sa kanya.
“Not now, Lance!” asik ng ginang.
Lance? Akala ba niya, si Vince ito? Bakit ngayon ay Lance na? Ano ba ang totoo?
Magtatanong na sana si Marissa nang hawakan ng ginang ang kanyang kamay. “I’m sorry, Katrina. Mapagbiro lang talaga si Lance. Vince is no longer with us. Lance made a terrible joke.”
Naguguluhan pa rin siya. Paano naging magkamukha ang dalawang tao? Magkamukha lang naman ang mga ito kung…
“K-kambal kayo ni Vince?” bulalas niya kay Lance. Hindi siya makapaniwala. Binibiro lang pala siya ng lalaking ito!
Lance smirked as he shook his head. “See, `Ma? Vince didn’t even tell his wife that he has a twin brother. Suwail talaga ang anak mong `yon.”
“Don’t speak of him like that! He’s still your brother and Katrina here is his wife. Hindi kita pinalaking walang galang.”
“Hanggang ngayon ay ipinagtatanggol mo pa rin siya. He’s your favorite after all.”
“Alam mong hindi totoo `yan,” mariing sagot ni Ma’am Betty habang minamasahe ang sentido. Sino nga naman ang hindi mai-stress sa ugali ng anak nitong tila walang modo kung magsalita? Paano nito napaparatangan nang ganoon ang napakabait na ginang? Ang ina ay laging pantay ang turing sa mga anak. Ganoon ang kanyang ina sa kanilang magkapatid.
Muling sinulyapan ni Marissa si Ma’am Betty. Hindi na nito minamasahe ang sentido, pero mababakas pa rin sa mukha ang tila pagkahapo. Natatakot tuloy siya na baka tumaas ang presyon nito. May-edad na rin ang ginang. Madalas sa mga tulad nito ang may ganoong karamdaman.
Kaya naman nagsalita na siya. “Siguro, kailangan na munang magpahinga ni Mama Betty. Baka puwede—”
“‘Mama Betty’?”
Hindi mapigilan ni Marissa ang bahagyang manginig sa makapal na boses ni Lance. Nanliit din siya nang muli itong lumapit sa kanya at balutin siya ng anino nito.
Pero kahit kumakabog na ang kanyang dibdib ay pinilit pa rin niyang magsalita. “O-oo, si Mama Betty. Mukhang pagod na kasi siya.”
Tumitig si Lance sa kanya. Parang hindi naniniwala sa mga sinabi niya. Nakatiim-bagang din ito, dahilan kaya niya nakumpirma na hindi nito gusto ang kanyang presensiya.
Mukhang tama rin siya nang pumasok sa isip niya na delikadong mapalapit sa lalaking ito. Tila wala itong sinasanto.
“Ang bilis mo namang maging komportable sa pamilyang ito—” Tuluyan nang tinawid ni Lance ang maliit na distansiya sa pagitan nila, “—mahal kong hipag.”
Bagaman napaatras ay pinigilan ni Marissa ang sarili na tumakbo. “H-hindi ko na kontrolado ang mga iniisip mo tungkol sa akin. Ang gusto ko lang ay makapagpahinga si Mama Betty.”
Kahit ba parehong-pareho ang mukha nito kay Vince, milya-milya naman ang layo ng ugali ng mga ito. Hindi siya nakaramdam ng pagkaasiwa kay Vince, pero kay Lance, nangangatog ang kanyang mga tuhod.
“Tama na `yan, Lance!” Pumagitna si Ma’am Betty sa kanilang dalawa. “Nag-aalala lang si Katrina sa akin.”
Tinapunan siya ng tingin ni Lance bago ito umatras. Nakahinga siya nang maluwag.
“T-tara na po. Kailangan n’yo nang magpahinga,” sabi niya sa ginang para makaalis na sila sa harap ni Lance.
Kahit hindi siya ang tunay na Katrina ay nasasaktan pa rin siya sa mga naririnig mula kay Lance. Kung makatingin kasi ito, parang may malaki siyang kasalanan dito.
“We’ll talk about this later,” sabi ni Ma’am Betty sa anak bago sila humakbang paakyat ng hagdan. Pinisil ng ginang ang kamay niya. “Pasensiya ka na, hija, ha? Hindi pa talaga siya gaanong nakaka-recover sa pagkamatay ng kakambal niya. Kaya pagpasensiyahan mo na. Pangako, kakausapin ko siya.”
Sang-ayon si Marissa sa sinabi ng ginang. Hindi nga naman madaling mawalan ng kapatid. Malamang, naghihilom pa lang ang sugat ni Lance dulot ng biglaang pagkawala ni Vince. At malamang, kaya hindi nito gusto ang presensiya niya ay dahil heto siya at buhay habang ang kapatid nito ay nasawi sa aksidente.
Pero rason ba iyon para tratuhin siya, bilang si Katrina, nang may galit?
Muling nilingon ni Marissa si Lance habang pumapanhik sila ni Ma’am Betty sa hagdan. Hindi pa rin nito inaalis ang tingin sa kanya. Nakakapaso ang titig na parang gustong sunugin pati ang kaluluwa niya.
Pero sino ka ba para magreklamo, Marissa? Mas malala ka pa nga kaysa sa kanya dahil nagkukunwari kang si Katrina.
Nakita ni Marissa ang pagtaas ng isang sulok ng mga labi ng lalaki bago niya ibinalik ang tingin sa hagdan. Kahit nakatalikod na siya ay ramdam pa rin niya ang init ng titig nito na humahagod sa kanyang likod.
Ipinilig niya ang ulo para mawala ang mga agam-agam sa isip.
“Okay ka lang ba?” tanong sa kanya ni Ma’am Betty.
Napatigil si Marissa sa paglalakad. Napansin niyang nakatayo na sila sa harap ng malaking pinto. Mukhang iyon na ang silid ng ginang.
“Okay lang po ako.” Nagpakawala siya ng matamis na ngiti para kahit paano ay hindi mag-alala ang ginang sa kanya. “Pumasok na po kayo at magpahinga.”
“Ah, hindi ko kuwarto ito. From now on, this room is yours, Katrina.”
Hindi pa man nakakapagsalita si Marissa ay binuksan na ni Ma’am Betty ang pinto. Bumungad sa kanya ang malawak at eleganteng silid. May malaking kama roon na sakto lamang sa mala-hotel na ayos ng mga gamit. Engot siya kung hindi niya inaasahan na malaki ang ibibigay sa kanyang silid. Pero hindi rin naman niya inaasahan na parang sa isang reyna ang hitsura niyon.
“Masyado pong malaki ang kuwartong ito. Parang hindi po—”
“Dating kuwarto ito ni Vince. Ipinahanda ko talaga para sana sa pagdating ninyo. Kaya dapat lang na dito ka matutulog.”
Muli niyang sinipat ang buong silid. Lalo pa siyang napahanga. Sobrang-sobra iyon para sa tulad niyang nagkukunwari. Sapat na nga para sa kanya ang makitulog sa kuwarto ng mga kasambahay, tutal, aalis din naman siya kinabukasan. Hindi siya puwedeng magtagal doon. Isang threat si Lance sa buhay niya, sigurado iyon. Kaya bukas na bukas din ay aalis na siya.
Sinulyapan niya si Ma’am Betty na namumungay ang mga mata habang pinagmamasdan ang buong silid.
Patawad po, Ma’am Betty. Si Katrina ay patay na at ako naman ay isang babaeng gusto pang mabuhay para alagaan ang pamilya. Sana po, maintindihan ninyo ako.