LAKING tuwa ni Marissa nang makakita ng bagong damit sa loob ng paper bag na dala-dala ni Ma’am Betty. Saktong-sakto sa kanya ang asul na blouse at white skirt. Sa tingin niya ay mamahalin ang mga iyon. Ayon sa ginang, iyon daw ang isusuot niya kapag na-discharge na ng ospital.

Para sa kanya ay ngayon na ang araw na iyon.

Muli niyang sinipat ang damit. Bigla tuloy pumasok sa isip niya na taliwas sa pagiging simple ni Vince nang makilala niya sa bus, anak- mayaman pala ito. Hindi rin kasi maikakaila sa hitsura ng ina nito na taga-alta sociedad. Sayang nga lang dahil hindi na niya masasabi rito ang buong katotohanan. Hindi niya kayang ilagay ang sarili sa alanganin.

Nang maalis ang suwero at makapagbihis na ay sumilip si Marissa sa labas ng silid. Umalis ang ina ni Vince para mananghalian kaya nagkaroon siya ng pagkakataong tumakas. Nang masigurong walang tao sa labas ng kanyang kuwarto ay dahan-dahan siyang lumabas. Pilit niyang itinatago ang mukha para hindi siya makilala ng mga nakakasalubong na staff ng ospital. Pero bago pa man siya makalayo ay bigla niyang natanaw ang dalawang lalaking nakaasul na uniporme.

Shit! Bakit ba nandito uli ang mga pulis na `to?

Akala ba niya, hindi pa muna babalik ang mga ito para tanungin siya?

Nagpalinga-linga siya, naghahanap ng puwedeng mapagtaguan. Nang makita ang hagdan ay agad siyang bumaba. Sa pagmamadali ay bumangga siya sa isang tila malambot na pader. At bago pa siya matumba ay agad siyang sinalo ng isang pares ng malalakas na braso. Tinulungan din siyang tumayo ng mga iyon. Nang iangat niya ang mukha para magpasalamat, pakiramdam niya ay tumigil ang kanyang mundo sa nakita. Napaatras siya at kinusot-kusot ang mga mata, sinisigurong hindi siya nagkakamali.

“N-no. P-paanong?”

Inilapit ng lalaki ang mukha nito sa kanya hanggang sa halos isang pulgada na lang at maglalapat na ang kanilang mga labi. Nakatitig ito sa mukha niya na para bang kinakabisa ang hitsura niya.

“How exquisite.”

Parang bumigat ang ulo ni Marissa at hindi siya makahinga sa narinig at nakikita. Dinadalaw siya ng isang kaluluwa. Kaluluwa ni Vince!

Naramdaman niyang naglakbay ang mga kamay nito sa kanyang mukha. Bago pa siya makahuma ay bigla na lang nagdilim ang kanyang paligid.

 

NAPABALIKWAS si Marissa. Agad niyang inilibot ang tingin sa paligid. Doon niya nalaman na nasa loob uli siya ng kanyang silid. Sandali siyang napaisip kung totoo ang kanyang nakita.

Was it just a dream?

Pero kitang-kita niya na ang doktor na si Vince ang lalaking nakasalubong niya kaninang tumatakas siya. Hindi kaya galit ang kaluluwa nito dahil hinayaan niyang akalain ng mga tao na siya si Katrina?

Agad siyang tumayo mula sa kama at inayos ang sarili. Hindi siya puwedeng magtagal doon. Baka magpakita uli sa kanya si Vince. Baka gusto na talaga nitong itigil niya ang pagpapanggap.

Pero hindi pa man niya naisusuot ang mga sandals ay biglang bumukas ang pinto.

“Mrs. Santiago? Are you going somewhere?”

Hindi na kailangang hulaan ni Marissa kung sino ang lalaking pumasok. Base sa suot nitong white coat at dalang chart, ito na nga ang attending physician niya.

Umayos siya sa pagkakatayo at ngumiti sa doktor. “Medyo masakit na po kasi ang likod ko sa kakahiga kaya tumayo ako,” pagsisinungaling niya.

“I see. By the way, I am Dr. Keith Garcia, your attending physician. Kaibigan ko ang asawa mo.” Inilahad nito ang kamay sa kanya. “I’m sorry for your loss. Nalulungkot talaga ako sa nangyari.”

Sa totoo lang, hindi niya gustong tanggapin ang pakikipagkamay nito. Para na rin kasi niyang ninakaw uli ang identity ni Katrina.

Pero may choice ba siya?

Sa huli ay tinanggap niya ang kamay ng lalaki. “Salamat sa pag-aalaga sa akin.”

Ngumiti ang sa tingin niya ay nasa mid-thirties na doktor. Matangkad ito at may hitsura din.

“Narinig ko mula sa mga nurse na natagpuan ka raw sa may hagdan na walang malay. At hindi mo na raw suot ang hospital gown mo?”

Napakagat-labi si Marissa. Mukhang gustong pag-usapan ng doktor ang muntik na niyang pagtakas. “Ah, `yon? Nainitan kasi ako sa suot kong hospital gown kaya nagpalit ako ng damit. At saka medyo bored na ako dito sa kuwarto kaya lumabas ako para magpahangin.”

“Including removing your IV fluid?”

Hindi siya makasagot kaya napayuko na lang siya. Narinig niyang bumuntong-hininga ang doktor.

“You are still under observation, Mrs. Santiago. Kung puwede ay dito ka muna sa silid mo. Kung hindi ka natagpuan kanina sa hagdan, baka napano ka na.”

“Pero okay na ako, Doc. Ang totoo, gusto ko na ngang umuwi. Wala naman akong matinding pinsala sa katawan, `di ba? Kaya puwede mo na akong i-discharge.”

Umiling ang doktor. “I won’t take that risk. Hinimatay ka nga kanina. Baka maulit iyon. Isa pa, kagigising mo lang from a coma. Kailangan mo pa talagang manatili rito para sa mga tests.”

Ramdam ni Marissa ang matinding pagtanggi ng doktor sa hiling niya. Kung siya man ang nasa katayuan nito, hindi rin niya basta papayagang lumabas ang pasyente niya. Pero wala talaga siyang planong magtagal doon. Mas malalagay siya sa alanganin kung ganoon.

“It’s my right to refuse medical attention,” walang kagatol-gatol na pahayag niya.

Nanlaki ang mga mata ng doktor. “Ano?”

“Puwede akong umalis kahit pa ayaw ninyo, Doc. Karapatan ko iyon bilang pasyente.”

Nakita niyang napailing ang doktor, tila hindi makapaniwala sa sinabi niya.

Pero hindi siya susuko. Sasabihin niya ang lahat para i-discharge lang siya nito. “Please, Doc. Mas hindi ko ikabubuti ang manatili rito. Mas gugustuhin ko pang sa bahay na lang ako magpagaling.”

Muling bumuntong-hininga ang doktor. Sa tingin niya ay indikasyon iyon na natatalo na ito sa pag-uusap nila.

“Okay. But you will still be under my watch. You will have regular checkups until we’re sure of your condition.”

Yes! Sa wakas ay wala nang balakid sa pag-alis niya. Hihintayin lang niyang makalabas ang doktor at agad na siyang maghahanda. Hindi na rin niya hihintaying makabalik ang ina ni Vince. Baka pilitin pa siyang patirahin sa bahay ng mga ito. Wala siyang planong i-extend ang pagsisinungaling.

Nang makalabas na ang doktor ay muli niyang inayos ang sarili. Ora mismo ay aalis siya ng ospital.

Pasensiya na po sa inyo, Ma’am Betty. Kaya n’yo naman po sigurong bayaran ang hospital bills ko. Aalis na po ako rito. Sa tamang panahon ay sasabihin ko po sa inyo ang totoo. Hindi muna sa ngayon. Hindi ngayon na naiipit ako sa hindi magandang sitwasyon.

Maingat na lumabas si Marissa ng kuwarto niya at binaybay ang pasilyo. Mabuti na lang, walang tao roon. Walang staff ng ospital na haharang sa kanya, higit sa lahat, walang mga pulis.

Mahigpit ang pagkakahawak niya sa supot ng prutas at pagkain na dinala niya. Siguradong masasayang lang ang mga iyon kapag iniwan niya. Wala pa naman siyang perang pambili ng pagkain. Alam niyang marami pa siyang poproblemahin tulad ng bahay na matitirhan at kung paano makakaiwas sa mga pulis. Pero ang pinakamahalaga sa ngayon ay ang makalayo roon.

Ilang hakbang pa ay tuluyan na niyang natanaw ang main entrance ng ospital. Nakahinga siya nang maluwag. Sa wakas ay makakaalis na siya!

Pero bago pa man siya tuluyang makalabas sa salaming pintuan ng ospital ay naagaw ang atensiyon niya ng isang malaking screen ng TV sa lounge area. Kasalukuyang umeere ang isang news program. Pero hindi lang iyon ang nakaagaw ng atensiyon niya. Nasa screen din ang napakapamilyar na mukha. Isang mukha na kilala niya buong buhay niya. Walang iba kundi siya!

Pinaghahanap ngayon ang babaeng nagngangalang Marissa Oliver. Isang nurse at suspek sa pagkamatay ng 68 years old niyang pasyente na si Gregorio Develos. Kung sinuman ang nakakaalam sa kinaroroonan ng babaeng ito ay tumawag agad sa pinakamalapit na police station. May nakalaang gantimpala para sa makakapagbigay ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan niya.

Kulang na lang ay liparin ni Marissa palabas ng ospital sa sobrang kaba. Tama ang hinala niya, handa si Sir Anthony na gawin ang lahat mahanap lang siya at mapakulong.

“Okay ka lang, miss?” tanong ng isang lalaki mula sa kanyang likuran.

“Oo, okay lang a—” Nahigit niya ang hininga sa nakita. Pulis pala ang nakatayo sa roon! Oh, no! Kailangan niyang maglakad nang kaswal kung ayaw niyang tuluyang mahuli.

“Miss?” tawag uli ng pulis sa kanya.

Huminga muna siya nang malalim bago sumagot. “O-oo. Okay lang ako.”

“Sigurado ka? Para kasing nanginginig ka.”

“Okay lang ako.” Pagkasabi niyon ay mabilis na niyang tinawid ang kalsada patungo sa highway. Sa pagmamadali ay nagkandahulog-hulog ang mga prutas na nakalagay sa supot. Hindi niya namalayang nabutas na pala iyon.

“Miss! Ang mga prutas mo.”

Pucha! Bakit ba ang kulit ng pulis na `to? Hindi talaga siya tinatantanan.

Hindi pinansin ni Marissa ang pulis. Hindi puwedeng makita nito ang mukha niya. Baka makilala pa siya! Nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Pero naririnig pa rin niya ang boses ng pulis sa di-kalayuan.

Bilis, Marissa!

Paano na lang kung makita siya at makilala nito?

Madadakip siya.

Makukulong.

Masesentensiyahan nang walang kasalanan! Paano na ang pamilya niya? Paano niya masusuportahan ang pagpapagamot ng kanyang ina? Lalong hindi maitutuloy ang pagda-dialysis nito kung nasa loob siya ng kulungan!

Kailangan niyang iwasan ang pulis. Kailangan niyang makalayo agad. Kailangan niyang—

“Katrina?”

Napaangat siya ng mukha at nakitang lumabas mula sa isang kotse ang isang magandang ginang.

“Mama Betty?”

“Ano’ng ginagawa mo rito sa labas? Hindi ba dapat nasa kuwarto ka ng ospital at nagpapahinga? Baka kung—”

Hindi na pinatapos ni Marissa ang pagsasalita ng ginang. Mabilis na siyang pumasok sa kotse nito. Umupo siya sa bandang likod kung saan lumabas ang ginang. Mababakas sa mukha ng matanda ang pagtataka sa iniakto niya.

“Tara na po!” yaya niya rito.

“Teka lang. Ano ba’ng nangyayari, Katrina?”

“D-in-ischarge na po ako ng doktor. Puwede po bang umalis na lang tayo?” Malamang, desperado na ang tono ng pananalita niya dahil mababakas pa rin sa mukha ng ginang ang pagtataka. Kaya naman kinalma niya ang sarili bago muling nagsalita. “Ayoko po sa ospital. Pakiramdam ko po, lalo akong nanghihina roon. Gusto ko pong umalis na. Pakiusap po.”

Sa wakas ay nakita niyang tumango ang ginang bago tumabi sa kanya.

“Naiintindihan kita, hija. Ako na ang bahala.” Pagkasabi niyon ay ang driver naman ang tinawag nito. “Berting, tayo na.”

Sumulyap si Marissa sa bintana. Nakita niyang tumigil na ang pulis sa paghabol sa kanya. Saka pa lang siya nakahinga nang maluwag. Parang isang bloke ng semento ang naalis mula sa pagkakadagan sa dibdib niya. Napapikit siya at nagpasalamat sa Diyos.

“Saan po tayo, Ma’am Betty?”

Napamulat si Marissa nang marinig ang tanong ng driver.

“Ideretso mo sa bahay. Kailangang makapagpahinga na ang Ma’am Katrina mo.”

Agad siyang napatingin sa katabi niyang ginang. Gusto niyang ipahinto ang kotse at bumaba na lamang, pero ni isang salita ay wala siyang naisatinig. Naubos na ang mga dahilan niya. Pagdududahan na siya ng ginang at ayaw niyang mangyari iyon. Baka ito pa mismo ang maghatid sa kanya sa police station. Kailangan niyang magpatianod na lamang sa sitwasyon. Saka na lang uli siya hahanap ng pagkakataon para makatakas. Sa ngayon, kailangan muna niyang maging si Katrina.

Written by

Ysa Lee

Ysa Lee