TINURUAN si Marissa ng mabuting asal ng kanyang mga magulang, lalong-lalo na ng kanyang ama bago pa ito pumanaw sa sakit sa atay. Ayon sa Papa Danny niya, minsan ka lang magsinungaling, magiging kaduda-duda na ang lahat ng sasabihin mo.
Pero paano niya sasabihin ang totoo sa isang taong tila ang tingin sa kanya ay isang buhay na alaala ng anak nito?
Nang lumapit sa kanya ang ina ni Vince ay isang mahigpit at mainit na yakap ang una nitong ibinigay sa kanya, pagkatapos ay hinalikan siya sa pisngi. Natutuwa raw ang ginang dahil sa wakas ay nakilala na raw siya.
Ikinuwento ng babae kung paano siya nailigtas ng mga nakasaksi sa aksidente mula sa pagkakaipit sa isang upuan. Katabi raw niya si Vince na wala nang buhay. Eksakto raw na nailayo siya sa bus nang bigla iyong sumabog. Iilan lamang daw silang nakaligtas sa aksidente.
Doon na naintindihan ni Marissa kung paano siya napagkamalang si Katrina. Magkatabi kasi sila ni Vince sa upuan nang mangyari ang aksidente. At si Katrina naman ay nakaupo sa upuan niya. Mapagkakamalan ngang siya ang asawa ni Vince. Idagdag pang walang ideya ang mga ito sa tunay na hitsura ni Katrina.
Ayon sa ginang, uuwi sana si Vince pagkatapos ng isang taong volunteer work para ipakilala siya. Pero imbes na masayang family reunion ang mangyayari, naging trahedya iyon.
Ramdam ni Marissa ang kalungkutan sa puso ng ina ni Vince. Pero hindi iyon sapat para ilihim niya ang katotohanan. Mas mahihirapan ito kung sa bandang huli na niya sasabihin ang totoo.
Inayos niya ang upo at hinarap ang ginang. “Alam kong nasasaktan po kayo sa mga pangyayari, pero may kailangan po kayong malaman, Ma’am.”
“Anong Ma’am? Tawagin mo na lang akong Mama. Mama Betty.” Hinawakan ng ginang ang kamay niya at bahagya iyong pinisil. “Nawalan man ako ng anak na lalaki, nagkaroon naman ako ng anak na babae. At ikaw iyon, Katrina. Alam kong mahal na mahal ka ng anak ko. Kaya kahit wala na siya, alam kong masaya siya dahil aalagaan kita. Ituturing kitang tunay kong anak.”
Parang binibiyak ang puso ni Marissa sa mga narinig mula sa ina ni Vince. Alam niyang kahit mukhang matatag ay namatayan pa rin ito ng anak. Sigurado siyang nagdurusa pa rin ito sa loob. Pero wala siyang balak na hayaan itong lalong masaktan sa huli. Sasabihin din niya ang totoo. Hindi lamang para itama ang mali kundi para maiwasang mas maging komplikado ang mga pangyayari.
Pinilit ni Marissa na kalmahin ang isip bago nagsalita. Gusto niyang pumili ng mga tamang sasabihin para hindi siya mahirapan sa pagpapaliwanag.
Akmang tatayo na ang ginang mula sa pagkakaupo nang hawakan niya ang braso nito. “Uhm… Sandali lang po. May sasabihin po ako.”
Buong pag-aalalang tiningnan siya nito. “May masakit ba sa `yo? Tatawagin ko ba ang nurse?”
Napakabait talaga ng babae. Nagmana rito ang anak nitong doktor.
Umiling si Marissa. “Wala po. Okay naman po ako. Gusto ko lang pong sabihin sa inyo ang isang napakaimportanteng bagay.”
Natigilan ang ginang, mayamaya ay bumalik sa pagkakaupo. Mababakas sa mukha nito ang pag-aalala. “Ano `yon?”
“Kasi po—” Hindi niya naituloy ang gustong sabihin dahil biglang may kumatok sa pinto at pumasok ang nurse na kani-kanina lang ay kausap niya.
“Pasensiya na po sa abala, pero may gusto pong kumausap sa inyo, Mrs. Santiago.”
“Sa akin?” paglilinaw ng ginang.
Umiling ang nurse. Parang nakalimutan na pareho sila ngayon ng ginang na “Mrs. Santiago.” “Ahm, pasensiya po uli. Ang ibig ko pong sabihin ay ang pasyente. Meron po kasing gustong kumausap sa kanya.”
“Ang doktor ko ba?” tanong ni Marissa.
“Ah, hindi po. Mga pulis po. Magtatanong daw po tungkol sa aksidente.”
Oh, my God!
Biglang nagrigodon ang puso ni Marissa nang marinig ang salitang “pulis.” Bakit ba siya nasadlak sa ganoong sitwasyon? Kailangan na talaga niyang makaalis doon sa lalong madaling panahon, kung hindi ay manganganib siya. Hindi siya puwedeng dakpin ng mga pulis!
“P-pakisabi na masama pa ang pakiramdam ko. Gusto ko munang magpahinga. Kung puwede, bumalik na lang sila sa ibang araw!” O di kaya, huwag na silang bumalik pa!
“`Buti pa, ako na lang ang kakausap sa kanila para maipaliwanag ko ang kalagayan mo,” pagpiprisinta ng ginang. Tinapik siya nito sa balikat na para bang ina-assure siya na okay lang ang lahat.
Mas mainam nga yata iyon. Wala kasi siyang balak na makipag-usap sa mga pulis.
Tumayo ang ginang at sumama sa nurse. Naiwan si Marissa na nanlalamig pa rin sa kaba. Hindi na siya puwedeng magtagal sa ospital na iyon. Maaaring mapaalis ni Mrs. Santiago ang mga pulis ngayon, pero sigurado siyang babalik ang mga iyon. At kapag ganoon nga, dapat nasa malayo na siya.
Muling naalala ni Marissa ang rason kung bakit siya tinutugis ng mga pulis. Siya ang main suspect sa pagkamatay ni Lolo Greg. Alam niyang mas bibigat ang kaso laban sa kanya dahil sa ginawa niyang pagtakas. Pero wala siyang pagpipilian. Hindi siya puwedeng mahuli dahil siguradong ipapakulong siya. Sumusumpa siyang hindi siya nagkamali sa ibinigay niyang gamot o nagpabaya sa kanyang trabaho.
Malakas ang kutob niyang may ibang rason sa pagkamatay ni Lolo Greg. At kailangan niyang malaman kung ano iyon.
Pero hindi siya makakahanap ng ebidensiya kung nasa loob siya ng kulungan. Kaya kahit maging suspect on the run pa siya, titiisin niya, huwag lang makulong nang walang kasalanan.
Nakikinita na rin ni Marissa ang katapusan ng kaso. Mabubulok siya sa bilangguan dahil mayaman ang nagdemanda sa kanya. Paano na lang ang pamilya niya kapag nangyari iyon? Paano na ang may sakit niyang ina? Ang nag-aaral niyang kapatid?
At least dito sa labas, puwede pa siyang makagawa ng paraan. Kesehodang baguhin niya ang hitsura, gagawin niya para lang makahanap ng mapagtatrabahuhan. Kailangan siya ng pamilya niya. At gagawin niya ang lahat kahit pa ang tumakas sa batas.
Inilibot niya ang tingin sa loob ng silid. Hindi niya magagawa ang mga plano kung nasa loob pa rin siya ng ospital na iyon. Kailangan na niyang umalis doon sa lalong madaling panahon.